Huwebes, Hulyo 18, 2024

July 18, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Sinabi ni Hesus, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo” (Mt 11:28). May pananalig sa kanyang pangako, ipahayag natin ang ating mga pangangailangan sa kanya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Jesus, Ikaw ang aming kapayapaan.

Ang Simbahan nawa’y gabayan tayo sa daan ng kapayapaan at pakikipagkasundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga natutukso sa kawalan ng pag-asa dahil sa bigat ng kanilang mga suliranin nawa’y makatagpo ng sandigan kay Jesus at mailagay sa kanyang mga kamay ang kanilang mga alalahanin at ligalig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa sa maligalig na kaisipan nawa’y magkaroon ng kapayapaan kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nahihirapan sa tindi ng sakit ng katawan at karamdaman nawa’y makatagpo ng kasiyahan at kagalingan sa mga kumakalinga at nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y magbunyi sa walang hanggang kaligayahan sa Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, ipinangako ng iyong Anak ang kapahingahan kapag kami ay nabibigatan. Ipaubaya mo na tuwina kaming makatugon sa kanyang paggabay at mapalakas kami upang maging kanyang daan ng kapayapaan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez July 4, 2020 at 12:45 am

Pagninilay: Ang ating Ebanghelyo ngayon ay isang paanyaya ni Hesus na sa ating araw-araw na pagtahak sa landas ng buhay, tayo ay lubos na lumapit sa kanya. Kung tayo’y napapakanta tuwing naririnig natin ang “Lift Up Your Hands” ni Arnel de Pano at ang “Halina, Lumapit Sa Akin” nina Fr. Danny Isidro, SJ at Fr. Nemy Que, SJ, ating palalimin pa ang ating Ebanghelyo na magpapatibay rin sa ating relasyon sa Panginoon. Mayroon tayong Diyos na may kakayahang intindihan ang ating mga pasan sa buhay, kaya siya’y Taong Totoo. At dahil siya rin ay Diyos na Totoo, inaanyayahan niya tayo na pasan ang kanyang pamatok.

Ano ang pamatok na kanyang tinutukoy? Si Isaias sa Unang Pagbasa ay nagpapahiwatig tungkol sa pagkakaroon ng tiwala at pananampalataya sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok at hamon ng buhay. Sa dinami nang problema at pagsubok ng Israel at Juda, patuloy ang pahayag ni Isaias na sa Panginoon ang ating makakapitan at makakapagtiwalaan. Ang tao’y humahangad sa Panginoon habambuhay dito sa lupa ay makakasiguro na siya’y iluluwalhati riyan sa langit. Ngunit kinakailangan din natin ayon kay Hesus na pasanin ang kanyang pamatok. Ang pamatok na tinutukoy niya ay ang pagiging masunurin sa kalooban ng Diyos Ama. Hindi naman sa nais niya tayo’y mamatay sa pagdurusa dahil alam niya’y walang tayong ginagawang masama, at hindi naman sa punto na kailangan takasan natin ang mga problema ng buhay, ngunit ang ating pinagtutuunan ay ang mabubuting pananampalataya sa Panginoon.

At ang pananalig sa kanya ay may kaakibat na tugon na tama at mabuting gawain sa ating mga personal na buhay. Kung tayo ay nahihirapan dahil sa mga pasan at dusa, nawa’y ialay natin ang mga ito bilang pagkakataong gawin ang mga bagay na nakakalugod sa paningin ng Diyos. At huwag po nating kalimutan na upang tayo’y kanyang patnubayan araw-araw,sa pagmulat ng ating mga mata tuwing umaga at sa pagpikit ng mga ito tuwing gabi, magdasal po tayo nang taimtim, at isang konkretong paraan ng panalangin ay ang ACTS: Adoration, Contrition, Thanksgiving, at Supplication. Mga kapatid, huwag po natin isuko ang ating pananalig sa Diyos. Kumapit lang po tayo kay Hesus.

Reply

Malou Castaneda July 17, 2024 at 9:55 pm

PAGNINILAY
Ang buhay ay naghahatid sa atin ng napakaraming isyu na nagdudulot sa atin na makaramdam ng pagkabigo, pagod, pagkabalisa, pag-aalala, pagod at pagal. Wala at walang sinuman sa mundong ito ang makapagbibigay sa atin ng kapayapaan at kapahingahang hinahanap natin kundi ang Diyos. Lahat ng iba ay pansamantala. Aking paboritong Kawikaan 3:5-6: ”Magtiwala ka sa Panginoon nang buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan; sa lahat ng iyong mga lakad ay kilalanin mo Siya, at Kanyang ituturo ang iyong mga landas” ay isang paanyaya na iniaalok ni Hesus sa ating lahat na lalapit at magtitiwala sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pagpunta kay Hesus, nakatagpo tayo ng kapahingahan, nakatagpo tayo ng kaaliwan, nakakatagpo tayo ng kagalingan, nakakatagpo tayo ng kapayapaan. Sapagkat si Hesus ay maamo at mapagpakumbaba ng puso. Kailangan nating ipagkatiwala ang lahat ng ating kalagayan bilang tao, ang ating mga problema, kahinaan at karamdaman kay Hesus. Nangangako Siya na tatanggapin tayo at hindi hahatulan. Si Hesus ang sagot sa ating pangangailangan ng pahinga para sa ating mga kaluluwang pagod!

Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming makahanap ng kapahingahan sa Iyo kapag naging kumplikado ang buhay. Amen.
***

Reply

Ma. Luisa L. Belardo July 18, 2024 at 6:04 am

Thank you po sa Word of God for today. Ganun din po salamat po sa deepening. Malaking tulong po ito sa aming pang araw-araw na buhay.

Reply

Group of Believer Poblite July 18, 2024 at 7:47 am

MAGNILAY: Nakakapagod kahit sabihin pang mabuti ang iyong pinagkakaabalahan. Tiyak ang pananamlay lalo’t iniisip mong nakasalalay sa iyo ang tagumpay ng iyong ginagawa. Kapag nagmamagaling kang hindi mo kailangan ang sinuman at kayang-kaya mong nag-iisa, humanda ka dahil isang araw magigising kang pagod na pero ang layo mo pa sa katuparan ng iyong ginagawa.

Magpahinga ka sa pagmamataas mo. Kailangan mo ang iba at lalo na kailangan mo ang Panginoon! Isuot mo ang pamatok ng pagpapakumbaba at kasama ang Panginoon at ang kapwa mo pasanin ang dalahin ng buhay nang mas maginhawa.

MANALANGIN: Panginoon, ang malaman at madamang kaagapay kita at kapwa ko sa aking buhay ay sapat nang kapahingahan sa nakapapagod kong pakikibaka sa buhay.

GAWIN: Pasanin mo ang dalahin ng iyong kapwa. Hayaan mo ring may ibang makipasan sa mga dalahin mo sa buhay lalo ang Panginoon.

Reply

Ervi G. Sobrevinas July 18, 2024 at 1:33 pm

Kapag nagninilay ako sa Gospel na yan nararamdaman ko na si Hesus ang laging pumapasan ng aking mga dalahin sa buhay. Kaya nga sa panalangin ko lagi kong hiling huwag mo po akong bigyan ng labis na kayamanan baka siya ay aking makalimutan. Kaya mula noon hanggang ngayun di ako nghihirap di rin ako mayaman. sakto lang dahil ang biyaya ng Diyos ay hindi magkukulang laging sapat yan para hindi tayo mahirapan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: