Lunes, Hulyo 15, 2024

July 15, 2024

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon
Lunes

Kung tapat tayo kay Kristo, huwag natin asahan na magiging sikat tayo. Nawa’y hubugin ang ating mga hangarin ng hiwagang ito ng Kaharian ng Langit.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, ikaw ang aming buhay.

Ang mga miyembro ng Simbahan nawa’y maging matapang at lagi nang tapat sa pananampalataya sa gitna ng pakikipagtunggali at pag-uusig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang nawa’y magkaroon ng lakas at tapang upang gabayan ang kanilang mga anak sa daan ng pananampalataya at Kristiyanong pamumuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y magkaroon ng lakas na mapaglabanan ang impluwensya ng kasamaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, mga nalulumbay, mga naliligalig at yaong nagdurusa sa isip at katawan nawa’y hipuin ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga namayapa nawa’y maging masayang walang hanggan sa Kaharian ng Diyos Ama, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, ipinadala mo ang iyong Anak upang tulungan kami sa aming mga pakikibaka sa buhay. Bigyan mo kami ng kapanatagan sa kabila ng aming pagdurusa, at bigyan mo kami ng lakas na kumilos nang mayroong pananalig sa iyong salita. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez July 11, 2022 at 7:26 am

PAGNINILAY: Paano tayo tumugon sa paanyaya ng pagiging mga alagad ni Kristo? Ang Ebanghelyo ngayon ay nasa loob pa rin ng konteksto ng pagsusugo ng ating Panginoong Hesukristo sa kanyang 12 Apostol. Ang kanilang misyon ay ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos sa mga nayon at bayan ng Israel at gumawa ng mga kababalaghan. Subalit sila ay isinusugo niya bilang mga tupa sa gitna ng mga lobo. Kaya narinig natin noong nakaraang Linggo ang mga banta ng pang-uusig sa kanila dahil sa kanilang misyon para kay Kristo. Ngunit ipinaalala ni Kristo sa kanila na hindi dapat sila matakot, sapagkat kapiling nila ang Diyos sa kanilang banal na tungkulin. Ngayon ay narinig natin ang paanyaya ni Hesus na gawin siyang sentro ng ating buhay. Tila bagang nais ng Panginoon na tanggihan natin ang ating mga pamilya at piliin siya. Subalit hindi iyon ang nais iparating niya sa atin. Ayon sa mga eksperto ng Bibliya, ang orihinal na pahayag ng Panginoon sa mga sinaunang wika ng Israel ay nangangahulugang “gawing ikalawang opsyon” ang pamilya, at siya ang mauna sa ating pagkilala. Pinapahalaga rin ni Hesus ang buhay ng isang pamilya, subalit ang nais niyang sabihin sa atin ay dapat kilalanin natin siya bilang sentro ng bawat pamilya at sentro ng ating buhay. Ang pagpasan ng mga krus ay nangangahulugang ang pagpapasan ng ating sariling pagdurusa nang buong pagtitiis, pananampalataya, at pagsisikap ng mabuti upang makamtan ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Sapagkat si Kristo ay nagtitiis at nanalig sa Diyos hanggang sa bingit ng kanyang kamatayan sa Krus, kahit tingin ng ibang tao ay pinabayaan na siya ng Diyos. At ang huli ay ang pagtanggap sa kanya at sa Diyos Ama sa pamamagitan ng mga tao. Siya ay naihahayag sa mukha ng bawat gumagawa ng kabutihan at pagmamahal sa mundo. Diyan nakikita natin ang Paghahari ng Diyos. Kaya kung tayo ay magiging mabuti, mapagpala, matulungin, at mapaabot sa bawat tao, iyan din ang ginagawa natin kay Kristo. At nagiging huwaran natin siya sapagkat si Hesus din ay naging katulad natin nang hindi nagkasala. Gumawa siya ng kabutihan at ipinangaral niya ang pagmamahal sa Diyos at kapwa at pagtalima sa dakilang kalooban ng Diyos Ama. At sa huli ay biniyayaan niya tayo ng buhay sa pamamagitan ng kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay sa Krus, at Muling Pagkabuhay.

Reply

Group of Believer Poblite July 15, 2024 at 7:37 am

MAGNILAY: Kapayapaan naman talaga ang hatid ni Hesus sa mundo. Ang pagtanggap sa kanya ang dahilan ng tabak. Hindi lahat tanggap siya at ang pagbabago sa sarili na bunga nito. Hindi lahat gustong magbago. Mahahati tayo nang malalim dahil pananampalataya ang sangkot dito na saligan ng ating paniniwala, pananaw at desisyon sa buhay. Malupit dahil mga mahal natin sa buhay ang kasalungat natin minsan. Hindi man natin gusto pero nagaganap ang hidwaan dahil magkakaiba tayo ng desisyon magkakapamilya pa naman tayo. At sa pagitan ni Hesus at mga mahal natin sa buhay prayoridad natin ang Panginoon. Pangangatawanan natin siya kalaban man natin ang buong mundo. Magkasalungat man pero hindi nawawala ang pagmamahal natin sa kanila. Nananalangin tayo na isang araw lahat tayo magkakasama sa loob ng pamilya ng Diyos at magkakasabay na tumatalima sa kanya.

MANALANGIN: Panginoon, magkasundo nawa kami nang pagsampalataya at pagsunod sa iyo.

GAWIN: Akitin at huwag awayin lalo ang mahal nating iba ang pananampalataya sa atin.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: