Biyernes, Hulyo 12, 2024

July 12, 2024

Biyernes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Oseas 14, 2-10
Salmo 50, 3-4. 8-9. 12-13. 14 at 17

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.

Mateo 10, 16-23


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Oseas 14, 2-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas

Ito ang sinasabi ng Panginoon: Israel, manumbalik ka na sa Panginoon na iyong Diyos. Ang pagbagsak mo ay bunga ng iyong kasamaan. Dalhin ninyo ang inyong kahilingan, lumapit kayo sa Panginoon at sabihin ninyo, “Patawarin mo na kami. Kami’y iyong kahabagan at tanggapin. Maghahandog kami sa iyo ng pagpupuri. Hindi kami mailigtas ng Asiria, hindi kami sasakay ng mga kabayo. Hindi na namin tatawaging diyos ang mga larawang ginawa lamang ng aming mga kamay. Sa iyo lamang nakasusumpong ng awa ang mga ulila.”

Sabi ng Panginoon,
“Patatawarin ko na ang aking bayan.
Mamahalin ko sila nang walang katapusan,
sapagkat mapapawi na ang aking galit.
Ako’y matutulad sa hamog na magpapasariwa sa Israel,
at mamumulaklak siyang gaya ng liryo,
mag-uugat na tulad ng matibay na punongkahoy;
dadami ang kanyang mga sanga,
gaganda siyang tulad ng puno ng olibo,
at hahalimuyak gaya ng Libano.
Magbabalik sila at tatahan sa ilalim ng aking kalinga.
Sila’y yayabong na gaya ng isang halamanan,
mamumulaklak na parang punong ubas,
at ang bango’y katulad ng alak mula sa Libano.
Efraim, lumayo ka na sa mga diyus-diyosan!
Ako lamang ang tumutugon at nagbabantay sa iyo.
Ako’y katulad ng sipres na laging luntian,
at mula sa akin ang iyong bunga.”

Ang mga bagay na ito’y dapat unawain ng matalino, at dapat mabatid ng marunong. Matuwid ang mga daan ng Panginoon, at doon tumatahak ang mabubuti, ngunit madarapa ang mangangahas na sumuway.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 50, 3-4. 8-9. 12-13. 14 at 17

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.

Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.

Nais mo sa aki’y isang pusong tapat;
puspusin mo ako ng dunong mong wagas.
Ako ay linisin, sala ko’y hugasan
at ako’y puputi nang walang kapantay.

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.

Isang pusong tapat sa aki’y likhain,
bigyan mo, O Diyos, ng bagong damdamin.
Sa iyong harapa’y h’wag akong alisin;
ang Espiritu mo ang papaghariin.

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.

Ang galak na dulot ng ‘yong pagliligtas,
ibalik at ako ay gawin mong tapat.
Turuan mo akong makapagsalita,
at pupurihin ka sa gitna ng madla.

Pupurihin ko kailanman
ang dakila mong pangalan.

ALELUYA
Juan 16, 13a; 14, 26d

Aleluya! Aleluya!
Pagdating ng Espiritu,
itataguyod n’ya kayo
sa tanang itinuro ko.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 10, 16-23

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga apostol, “Ngayon, sinusugo ko kayo na parang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Maging matalino kayo, gaya ng mga ahas, at matapat, gaya ng mga kalapati. Mag-ingat kayo, sapagkat may mga taong magkakanulo sa inyo sa mga hukuman; at hahagupitin nila kayo sa mga sinagoga. Dahil sa akin, ihaharap kayo sa mga gobernador at mga hari, at magpapatotoo kayo sa harapan nila at ng mga Hentil. Kapag nililitis na kayo, huwag kayong mabalisa tungkol sa sasabihin ninyo o kung paano ninyo sasabihin. Pagdating ng oras, ito’y ipagkakaloob sa inyo. Sapagkat hindi kayo ang magsasalita kundi ang Espiritu ng inyong Ama ang magsasalita sa pamamagitan ninyo.

“Ipagkakanulo ng kapatid ang kanyang kapatid upang ipapatay; gayun din ang gagawin ng ama sa kanyang anak. Lalabanan ng mga anak ang kanilang mga magulang, at ipapapatay. Kapopootan kayo ng lahat dahil sa akin; ngunit ang manatiling tapat hanggang wakas ang siyang maliligtas. Kapag inuusig nila kayo sa isang bayan, tumakas kayo sa kasunod. Sinasabi ko sa inyo: hindi pa ninyo napupuntahan ang lahat ng bayan ng Israel ay darating na ang Anak ng Tao.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez July 6, 2022 at 1:37 am

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang pangako ng Diyos na ipag-adya ang bayang Israel mula sa mga taga-Asyria. Kahit nagkasala ang mga taga-Israel at sumuway sa Diyos, niloob ng Diyos na ito na mapagmahal at mahabagin na ipanumbalik ang kanyang sambayanan patungo sa kanyang pag-aaruga. Siya ay patuloy na nagmamahal nang buong buo kahit ang tao ay labis nang nagkakasala.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na pagsusugo ni Hesus sa kanyang 12 Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita ukol sa Paghahari ng Diyos. Nagbigay ng paalala si Kristo sa kanyang alagad na sila’y isusugo bilang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Kaya narinig natin ang mga posibleng banta sa buhay ng mga Apostol habang sila’y nangangaral. Subalit pinapatatag ni Hesus ang kanilang misyon at pananampalataya sa iba’t ibang sambahayan sa mga nayon at bayan ng Israel. Kaya itong pahayag ng Panginoon ay dapat magsilbing kalakasan natin upang maging matatag ang ating misyon bilang kanyang mga saksi. Alam natin na darating ang mga banta, lalung-lalo na ang mga taong pagtatawanan tayo dahil tayo ay may mabuting relasyon sa Panginoon. Kaya nawa’y patuloy tayong sumasampalataya at magtiwala sa Diyos sa pagtupad ng ating misyon.

Reply

Ellen Puso Soriano July 8, 2022 at 5:48 am

Purihin ang DIOS ng kataastaasan at Pasalamatan sa pag-ibig niyang walang maliw.sa unang pagbasa makita natin kung paano siya nanunuyo sa mga Israelita,upang magbalik loob sa DIOS.Gaano man kalaki ang mga kasalanang nagawa handa niyang ipagpatawad sapagkat mahal niya ang kanyang bayang Israel.
At sa Ebanghelyo naman sinugo ni JESUS ang 12 Apostol na humayo upang ipahayag ang mabuting balita sa gitna ng mga asong gubat. Sa paghayo nila tinagubilinan ni HESUS na mag-ingatbsa bawat gagawin at ihanda ang mga sarili sa maaring kaharapin.Sapagkat mararanasan nila ang mgapagbabanta dahil kay KRISTO at paghayag sa paghahari ng DIOS. Maraming magagalit at ipagsakdal,laban sa mga saksing kasinungalingan.ngunit pinapatatag ni JESUS ang kanilang kalooban.pinaalalahanan na hwag masiraan ng loob bagkos maging matalino at hwag mag-alala sa mga dapat sasabihin sa panahon ng pagharap sa gitna ng kagipitan sapagkat ang Espiritu ng DIOS mismo ang magsasalita at nagturu sa dapat nilang gawin..mga kapatid kong minamahal dito makikita natin kung paano kumilos ang DIOS sa buhay ng tao..

1.TINAWAG tayo ng DIOS UPANG MAGBALIK LOOB AT TALIKDAN ANG MGA KASAMAANG GINAWA NATIN.MGA KASALANANG NAGDALA SA KAPAHAMAKAN NG AING NGA BUHAY.

2,Calling tinawag tayo ng DIOS para sa isang mission ang ihayag ang mabuting balita ng kaligtasan,angnpaghahari ng DIOS sa buhay ng tao.ika nga ipangaral sa gitna ng mga asong gubat..bakit asong gubat dahil ito ung ayaw sumunod sa kalooban ng DIOS.MGA VIOLENTING TAO na kayang oumatay at gumawa ng kasamaan laban sa kapwa.nga walang awang pumatay at magpakulong sa mga taong walang kasalanan. Dahil sa kayamanang nakamtan pati buhay ng tao ay kayang bilhin.kaya sabpagtawag ng DIOS sa bawat ay maging handa lagi..

3. REMINDER IHANDA ANG MGA SARILI SA PAGHARAP SA MGA kahirapan, mga pagbibintang ng walang katutuhanan dahil sa pagsunod kay KRISTO. sisirain ang relasyon sa bawat pamilya mag-away away ang mga magulang laban sa mga anak.kapatid sa kapatid at iba pa.

4. Pangako ang DIOS ay may pangakong kailanman hindi niya tayo pababayaan sa panahon ng kagipitan sa pagkat isusugo niya ang banal na Espjritu Santo upang ipagtanggol tayo sa gitna ng mga asong gubat. At ang sinung nanatiling tapat sa DIOS Ang siyang magkamit ng gantimpala mula sa DIOS.

Kaya hilingin natin sa Dios na pagtibayin ang ating buhay Pananampalataya ,manatiling tapat at sumunod sa kalooban ng DIOS dahil sa kanyang lamang matatagpuan ang tunay na kapayapaan at buhay na walang hanggan amen..

Reply

Malou Castaneda July 11, 2024 at 6:33 pm

PAGNINILAY
Ang tunay na pangako kay Hesus ay pangmatagalan at palaging may kasamang pagsisikap. Inaasahan Niya na mamumuhay tayo sa labas ng ating kaginhawahan. Hinahamon Niya tayong ipagtanggol ang ating pananampalataya. Sa mahirap na panahon, ang Kanyang tulong ay nariyan, at ang ating mga paniniwala tungkol sa Kanya ay maaaring humantong sa hindi pagkakasundo maging ng mga pinakamalapit sa atin. Inihahambing tayo sa mga tupa-nakikita natin ang ating daan kahit sa gitna ng mga lobo kung susundin natin ang ating pastol. Ituon natin ang ating mga mata sa Panginoon na gumagabay sa ating daan. May mga taong gagamit o aabuso sa atin, o bibiktimahin tayo o manipulahin o linlangin tayo. Hindi tayo dapat maging mapanlinlang o lokohin. Ngunit mayroon ding mga tunay na nangangailangan ng ating kabaitan at awa na nakasentro kay Kristo at pagkabukas-palad at kahinahunan din. Sinasabi ni Hesus na kapag sinusunod natin Siya, dapat nating isama ang mga ito sa ating buhay – maging matalino tulad ng mga ahas at maamo tulad ng mga kalapati.

Panginoong Hesus, palakasin Mo ang aming pananampalataya, tulungan Mo kaming mamuhay ng may matapang na katapatan. Amen.
***

Reply

Joshua S. Valdoz July 11, 2024 at 6:37 pm

REFLECTION: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang pangako ng Diyos na ipag-adya ang bayang Israel mula sa mga taga-Asyria. Kahit nagkasala ang mga taga-Israel at sumuway sa Diyos, niloob ng Diyos na ito na mapagmahal at mahabagin na ipanumbalik ang kanyang sambayanan patungo sa kanyang pag-aaruga. Siya ay patuloy na nagmamahal nang buong buo kahit ang tao ay labis nang nagkakasala.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na pagsusugo ni Hesus sa kanyang 12 Apostol upang ipahayag ang Mabuting Balita ukol sa Paghahari ng Diyos. Nagbigay ng paalala si Kristo sa kanyang alagad na sila’y isusugo bilang mga tupa sa gitna ng mga asong gubat. Kaya narinig natin ang mga posibleng banta sa buhay ng mga Apostol habang sila’y nangangaral. Subalit pinapatatag ni Hesus ang kanilang misyon at pananampalataya sa iba’t ibang sambahayan sa mga nayon at bayan ng Israel. Kaya itong pahayag ng Panginoon ay dapat magsilbing kalakasan natin upang maging matatag ang ating misyon bilang kanyang mga saksi. Alam natin na darating ang mga banta, lalung-lalo na ang mga taong pagtatawanan tayo dahil tayo ay may mabuting relasyon sa Panginoon kabilang ang ating Mahal na Poong Hesus Nazareno. Kaya nawa’y patuloy tayong sumasampalataya at magtiwala sa Diyos sa pagtupad ng ating misyon ang Mahal na Poong Hesus Nazareno.

Reply

Group of Believer Poblite July 12, 2024 at 8:00 am

MAGNILAY: Ang buhay-Kristiyano ay hindi buhay sa ibabaw ng ulap na lutang at malayo sa araw-araw na mga alalahanin. Ang buhay-Kristiyano ay dito at ngayon kasama ng lahat nitong hamon at pagsubok. Ito’y araw-araw na pagdedesisyon kung ano ang tama at mali, ang mabuti at mas mabuti. May aayon pero meron ding kokontra. Anu’t anuman hindi tayo dapat maging duwag at tanga. Maamo man tulad ng Panginoon pero matapang at madiskarte. Tulad ng ahas maging matalino tayo at matalas ang isip na hindi madaling mabuyo at malinlang sa masama. Pero tulad ng kalapati manatili tayong maamo, banayad at tapat sa gitna ng mga pag-uusig at pagsubok bunga ng pananampalataya sa Panginoon.

MANALANGIN: Panginoon, humugot nawa kami sa iyo ng tapang at talino sa gitna ng mga hamon ng buhay.

GAWIN: Sa lahat ng gagawin gabayan ng pagmamahal at dunong ng Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: