Podcast: Download (Duration: 7:12 — 9.0MB)
Martes ng Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Agustin Zhao Rong, pari at martir, at mga Kasama, mga martir
Oseas 8, 4-7. 11-13
Salmo 113 B, 3-4. 5-6. 7ab-8. 9-10
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
Mateo 9, 32-38
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the Fourteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Augustine Zhao Rong, Priest, and Companions, Martyrs (Red)
UNANG PAGBASA
Oseas 8, 4-7. 11-13
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Oseas
Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Humirang sila ng mga hari sa Israel ngunit hindi sa pamamagitan ko. Naglagay sila ng mga pinuno, ngunit di ayon sa aking kagustuhan. Ang kanilang mga alahas na ginto at pilak ay ginawa nilang mga diyus-diyusan, at ito ang kanilang sinamba. Itinatakwil ko ang guyang ginto ninyo, mga taga-Samaria. Nagpupuyos ang galit ko sa kanila. Kailan pa sila dapat parusahan? Ang diyus-diyusang iyan ay ginawa ng tao; hindi iyan Diyos. Kaya’t ang guya ng Samaria ay magkakadurug-durog.
Hangin ang kanilang inihasik at ipu-ipo ang aanihin nila.
Ang nakatayong mga trigo’y walang uhay,
kaya’t walang makukuhang harina.
“At kung magbunga man, iyon ay lalamunin lamang ng mga dayuhan.
Dahil sa pagpaparami ng mga dambana, naging daan iyon para dumami ang kasalanan ng Efraim. Sumulat man ako ng sampunlibong kautusan, ito’y pagtatawanan lamang nila. Mahilig silang maghandog; naghahain sila ng karne at kinakain nila ito. Ngunit hindi nalulugod sa kanila ang Panginoon. Gugunitain niya ang kanilang kalikuan, at parurusahan sila dahil sa kanilang mga kasalanan; sila’y magbabalik sa Egipto.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 113 B, 3-4. 5-6. 7ab-8. 9-10
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
o kaya: Aleluya.
Ang Diyos nami’y nasa langit, naroon ang Diyos namin,
at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa sa ginto’t pilak ang kanilang mga diyos,
sa kanila’y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi magsalita,
at hindi rin makakita, mga matang sadyang-sadya;
at hindi rin makarinig ang kanilang mga tainga,
ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
Totoo nga na mayroong kamay ngunit walang pakiramdam,
mga paa’y mayroon din ngunit hindi maihakbang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
sana ay makatulad din ng gayong diyos na gumawa.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
Ikaw, bayan ng Israel, magtiwala sa Panginoon,
siya ang iyong sanggalang, laging handa na tumulong.
Kayong mga saserdote sa Diyos ay magtiwala,
kayo’y kanyang iingata’t ilalayo sa masama.
Israel na bayan ng D’yos,
papurihan mo s’yang lubos.
ALELUYA
Juan 10, 14
Aleluya! Aleluya!
Ako’y pastol na butihin
kilala ko’ng tupang akin;
ako’y kilala nila rin.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 32-38
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, dinala kay Hesus ang isang piping inaalihan ng demonyo. Pinalayas ni Hesus ang demonyo at nakapagsalita ang pipi. Namangha ang mga tao, at sinabi nila, “Kailanma’y walang nakitang katulad nito sa Israel!” Datapwat sinabi ng mga Pariseo, “Ang prinsipe ng mga demonyo ang nagbigay sa kanya ng kapangyarihang magpalayas ng mga demonyo.”
Nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga maysakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Hulyo 8, 2024
Miyerkules, Hulyo 10, 2024 »
{ 5 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay nagpapakita sa pagkadismaya ng Panginoong Diyos sa kanyang bayang Israel (Hilagang Kaharian). Sinusuway nila ang kanyang utos at patuloy na nagkakasala sa pagluluklok sa mga hari at prinsipe na walang pahintulot niya. Gumawa at sumamba din sila sa mga diyus-diyosan at umukit ng gintong idolo. Dahil dito, nawalay ang relasyon ng Diyos sa kanyang bayan, at parang hinayaan niya na sila’y sakupan ng Asyria, isang mabagsik na bansa. Subalit hindi rito natatapos ang kwento sapagkat sa nakatakdang panahon ay ililikas ng Diyos ang Israel at Juda mula sa pagkaalipan ng kasalanan upang sila’y magkaisa. Kaya natupad itong propesiya sa pamamagitan ni Hesus.
Ang Ebanghelyo ay nagpapahayag tungkol sa mga magagandang gawain ni Hesus. Una na rito ay ang pagpapalayas ng mga demonyo mula sa mga sinasapiang tao. Ikalawa ay ang paglilibot sa iba’t ibang nayon upang ipahayag ang Paghahari ng Diyos sa sanlibutan. Ikatlo ay ang kanyang pahayag sa mga alagad tungkol sa kasaganaan ng ani, ngunit kaunti lamang ang mga mag-aani. Makikita rito ang kahalagahan ng misyon sa bawat Kristiyano. May kapangyarihan ang ating Panginoon laban sa kasamaan, kaya tayo rin ay biniyayayaan upang manaig tayo laban sa tuksong mapapalapit sa atin sa kasalanan. At katulad ng sinabi ni Hesus na tayo rin ay sinusugo niya sa ani ng mundo upang ipaghasik ang kabutihan at pagmamahal sa buong mundo. Ito’y nagsisimula sa bawat lugar na pinupuntahan natin, kung paano tayo’y nakikipagrelasyon sa ating kapwa. Ang mahalaga ay ang ating katapatan sa misyon na makilala ng lahat na ang Diyos ay naghahari sa bawat isa.
Ipinakita ni Hesus ang kanyang kapangyarihan at malasakit sa pamamagitan ng pagpapalayas ng mga demonyo at paglibot sa mga nayon upang ipahayag ang kaharian ng Diyos. Ang kanyang pahayag tungkol sa kasaganaan ng ani ngunit kakulangan ng mga mag-aani ay isang paalala sa atin ng kahalagahan ng ating misyon. Bilang mga Kristiyano, tinatawag tayong maging mga manggagawa sa ani ng Panginoon, ipahayag ang Kanyang pagmamahal at kabutihan sa lahat ng ating nakakasalamuha.
Ang ating pananampalataya at katapatan sa misyon ay mahalaga sa ating buhay bilang mga tagasunod ni Kristo. Nawa’y maging inspirasyon sa atin ang halimbawa ni Hesus at patuloy tayong magsikap na maghasik ng kabutihan at pagmamahal sa ating kapwa. Sa pamamagitan ng ating mga gawa at salita, nawa’y makita ng iba ang paghahari ng Diyos sa ating buhay.
PAGNINILAY
Nakikita pa ba natin ang magagandang bagay na ginagawa ng iba? Maaaring mas mahusay tayong makakita ng mali kaysa sa mabuti, naghahanap ng mali kaysa sa tama at sa gayo’y nasanay sa pagpuna sa masama kaysa sa mabuti. Sa ating buhay kahit anong kabutihan ang gawin natin sa ating kapwa, may mga taong magpapasalamat at may magagalit sa atin. Kapag ang iba ay gumawa ng mabuti sa atin, dapat nating pasalamatan sila at huwag hilahin sila pababa. Tulad ni Hesus, tinawag tayong gumawa ng mabuti sa kapwa, gumawa ng mabuti sa iba kahit hindi ito pinahahalagahan o masakit. Sapagkat kung tayo ay naghahasik ng hangin nang walang kabuluhan, tiyak na aani tayo ng isang ipoipo ng pagkawasak at kahabag-habag na buhay, ngunit kung tayo ay naghahasik ng tamang binhi ng pag-ibig, tayo ay mag-aani ng masaganang buhay na walang hanggan. Ngayon, tayo ay mga alagad ni Hesus sa ating mundo at ngayon ay tinitingnan ni Hesus ang bawat isa sa atin at sinasabi sa atin: “Ang ani ay sagana ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti”.
Panginoong Hesus, tulungan Mo kaming maging tapat sa Iyong tawag sa aming buhay.? Amen.
***
MAGNILAY: Sa mata ng kaaway kahit anong mabuting nagawa mo ay masama pa rin. Kahit ginawa mo ang iyong pinakamagaling sablay pa rin. Para sa kaaway walang maganda ang puwede mong gawin.
Hindi naligtas si Hesus sa puna ng kanyang mga kaaway. Tinanggap niya ang pinakamalalang akusasyon – na mula sa prinsipe ng demonyo ang kanyang kapangyarihan. Kapag nasaniban ka talaga ng masamang espiritu ng inggit kahit malinaw na kamay ng Diyos ang kumilos kay Hesus pinagkamalan at pinaratangan pa ring kamay ng demonyo.
Ganyan din tayo manira sa kaaway na kinaiinggitan natin. Hindi maubos ang puna at pintas natin. Maligaya na ang lahat nagngingitngit pa rin tayo.
Modelo natin si Hesus na hindi hinayaan ang kanyang mga kaaway na sirain at pigilan siyang gawin ang kalooban ng Diyos. Hayaan lang natin ang mga kritiko natin mamatay sa inggit. Ipagdasal natin na magsawa rin sila at magising sa katotohanan. Maging magkakakampi pa rin sana tayo sa huli upang magpalaganap ng kalooban ng Diyos. Kulang na kulang ang mga manggagawa sa kaharian ng Diyos para mag-away-away pa tayo.
MANALANGIN: Panginoon, pagkasundu-sunduin mo kami para ipalaganap ang iyong kaharian.
GAWIN: Magsanib puwersa hindi magsiraan alang-alang sa kaharian ng Diyos.
Likas sa ating mga pilipino ang maniwala sa pamahiin, kumunsulta sa albularyo, fung sui expert, manghuhula, at ito dahil sa ating kultura at paniniwala ng ating mga ninunong pilipino, ngunit ang mga paniniwalang ito ay iniwasto ng dumating ang kristyanismo sa ating bansa limang daang taon na ang nakakalipas. Ngunit kahit limang daang taon nang kristyanong bansa ang pilipinas, di parin maalis sa ating mga pilipino ang maniwala sa pamahiin, lucky charms, pagkonsulta sa manghuhula at albularyo na alam naman nating taliwas sa ating pananampalataya. At iyan ang ipinapakita ng ating mga pagbasa sa araw na ito.
Sa unang pagbasa ay nabanggit na ang mga israelita ay hindi sumasangguni sa Panginoon, at mas naging talamak ang idolatria. Tayong mga katoliko ay pinaparatanganan na sumasamba sa rebulto ngunit malinaw na ito ay pinabulaanan ng ating katesismo at wala din naman itong sa katuruan sa ng simbahan. Ang mga imahen ng santo at martry at ng mahal na birheng maria at ng Panginoong Hesus ay isang tanda para sa atin na sila ayating tularan sa kanilang naging pamumuhay na naayon sa kalooban ng Panginoon. Ngunit may ilang pilipinong katoliko na iniincorporate ang pamahiin sa pananampalataya gaya ng imahen ng buddha katabi ng Sto. Niño o di kaya ay imahen ng Sto. Niño dela swerte. Pagkakaroon ng lucky charms at anting anting, na isang gawaing idolatria na taliwas sa 10 kautusan ng Panginoon. Isang gawain na naglalayo sa atin sa pagtitiwala at pananalig sa ating Panginoon dahil sa tayo ay umaasa sa kapangyarihan ng mga bagay na ito na nagmumula sa mga demonyo, kaya rin po nabanggit sa ating gospel ang salitang “nagpapalayas sa kapangyarihan ni belzebub o ng deomnyo” ay dahil ang mgasalamangkero noong unang panahon ay diito nagmumula ang kanjilang kapangyarihan ng pagpapagaling at pagpapalayas ng masamang espiritu. At tayong mga Katoliko kapag tayo ay nakakaramdamn ng extraordinary attack mula sa mga masasamang espiritu gaya ng oppression, obsession, at possesion, even diabolican manifestation, imbis na sa Pari tayo sumanguni at humingi ng tulong, sa albularyo tayo lumalapit para humanap ng Pangontra, pangontra na kung saan ang kapangyarihan nito ay nagmuula rin sa mga tinatwag nating preternatural being or sa ibang salita kampon ng kasamaan, na kung saan ay may kapalit.
Bilang pangwakas, tayong mga katoliko ay dapat sumangguni palagi sa Diyos, at sa kangyang mga alagad ang kaparian, magtiwala tayo sa kakayahan ng Panginoon na kanyang ipinagkaloob sa kanyang mga Kaparian, manalig tayo sakanaya at maniwala sa kanyang Pangako. at iwasan ang mga bagay at gawain na maaring makapagpagulo sa ating pananampalataya, at makapaglalayo sa ating sa ating Panginoon.