Miyerkules, Nobyembre 22, 2023

November 22, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Miyerkules

Natitipon bilang mga anak ng Diyos Ama na tagapagbigay ng lahat ng kabutihan, may pagpipitaan tayong manalangin sa kanya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama ng kabutihan, basbasan Mo kami.

Ang Simbahan nawa’y hindi matakot sa mga pagsubok kaugnay ng mga pagbabago at magamit niya sa matuwid na pamamaraan ang mga biyayaang ipinagkaloob sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng tao nawa’y makibahagi sa kayamanan ng lupa nang may katarungan, pagkakaisa, at kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng malalim na pagpapahalaga sa simpleng buhay upang lubos nating madama ang patuloy na pagdaloy ng pag-ibig ng Diyos sa ating mga maliliit na gawang kabutihan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga doktor, mga nars, at yaong mga nasa propesyon ng pag-aalaga nawa’y gamitin ang kanilang mga biyaya sa paghahatid ng pag-ibig at habag ni Kristo sa mga dukha, nalulumbay, maysakit, at ma nasa bilangguan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinagpalang yumao nawa’y makasama sa walang hanggang kaligayahan ng Panginoon, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, tulungan mo kaming manatiling tapat sa maliliit na bagay ng buhay upang mapagkatiwalaan mo kami sa mga higit na dakilang bagay kapag pumasok kami sa iyong Kaharian. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 15, 2021 at 5:52 am

PAGNINILAY: Ang Parabula ng Sampung pilak dito sa Ebanghelyo ni San Lucas ay kaparehas ng Parabula ng mga Talento sa Ebanghelyo ni San Mateo. Ibinahagi ni Hesus itong parabula na ito upang ipahiwatig sa atin na ang buhay ay may hangganan. Hangga’t tayo’y namumuhay, tayo ay may tungkuling pahalagahan ang bawat buhay na ibinigay ng Panginoon. Kaya hindi tayo ay pwedeng mag-angkin na may-ari ng buhay dahil alam po natin na ito’y nagmula sa Diyos. Kaya po tayo’y namumuhay sa daigdig na ito sapagkat mayroong dahilan na ibinigay ang Panginoon upang gawin ang nakasaad sa kanyang dakilang kalooban.

Kaya ang ating pamumuhay ay katulad ng talinghaga na ang hari ng bayan ay inatasan ang kanyang 3 lingkod na gagamitan ang mga pilak na ibinigay para mas lumago pa ito. Ang isang lingkod na inatasan ng 5 pilak ay mas dumami sa 10, at ang isa namang lingkod na inatasan ng 2 pilak ay mas dumami sa 4. Subalit ang lingkod namang ito na inatasan ng 1 pilak ay nagdesisyon na ibalot sa kanyang panyo. At sa pagbalik ng hari, may gantimpala ang 2 lingkod, samantala ang 1 naman ay parusa. Kaya ipinakuha ang 1 salapi upang ibigay sa may 10, at dito’y sinasabi ng talinhaga na ang mga may maraming ambag ay may maraming pagpapalang naghihintay, ngunit ang mga walang ambag kahit katiting lang ay mababawian ng pagpapala. At nakita natin sa Unang Pagbasa kung paanong tiniis ng mga pitong magkakapatid at ang kanilang ina ang mga pag-uusig at paghihirap na ibinigay sa kanila ni Haring Antioco Epifanes IV. Sila’y pinipilit na kumain ng karne, subalit alam nila na ito’y labag sa utos ng Panginoong Diyos na inilaan sa mga Hudyo noong panahong iyon. Kaya sila’y hinatulan ng kamatayan kung hindi sila kakain ng karne. Ngunit dahil sa kanilang katatagan, sila’y nasisigurado na makakamtan nila ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Ito’y dahil sila’y patuloy na naging matapat sa Diyos sa kabila ng mga banta sa kanilang buhay.

Kaya nawa’y gawing nating makabuluhan ang buhay na ibinigay sa ating ng Panginoon sa pagbabahagi ng mga biyaya at paggawa ng kabutihan sa isa’t isa. Nawa’y isaisip natin ang pagiging masunurin sa dakilang kalooban ng Panginoon.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 17, 2021 at 9:39 am

Sa ating ebanghelyo, ang hari na nagpamigay ng salaping ginto ay si Hesus. Ang salaping ginto ay kumakatawan sa buhay na iponagkaloob sa atin, sa ating talento, sa mga biyayang meron tayo ngayon sa lupa. Ang mga alipin nman ay ang bawat isa sa atin.
Ngayong patapos na naman ang taon, ano ang mga nagawa mo sa salaping ginto na ibinigay satin ni Hesus. Makabuluhan ba ang iyong taong 2021? O ginugol mo lamang ito sa katamaran, pagsasaya, pag iinom, kahalayan o makamundong mga bagay, nakipag away sa kapatid at hindi pinapatawad, nagdamot sa mga nangangailangan, nagpakasarap, ni hindi nakasimba, nagpayaman, nanira ng mga tao o nakipag chismisan, nagsinungaling at nandaya, nakiaapid, nainggit at nagnasa sa hindi mo asawa at pag aari ng iba?
Katulad sa kwento ng ebnghelyo, babalik ang Panginoon at babalikan tayo sa salaping ginto na ipinagkaloob sa atin. Tandaan na ang meron ay bibigyan pa ang wala ay kukunan pa. Kaya’t sikapin nating maging makabuluhan ang binigay sa ating buhay at mga biyaya. Samatalahin natin ang parating na adviento na magsisi sa mga gawang sala, humingi ng kapatawaran at umpisahang maging makabuluhan ang buhay sa pagsisikap na matalikuran na ang gawang mali.

Reply

Jess C. Gregorio November 18, 2023 at 5:57 pm

Pagninilay ni Jess C. Gregorio:

May mga balak at pamantayan tayo sa buhay. Bagama’t makasarili at makamundo gusto natin na ito ang mangyari. Kahit alam natin na ang lahat sa ating buhay ay pawang mga biyaya lamang, hiram, at pinagkaloob ng Maykapal. Gayunpaman, sinusuway natin ang kagustuhan niya at minsan nakakapagsabing, “Hindi ko siya gustong maging Hari!” Kaya lahat ng gagawin nating pag sunod ay hindi lubos, huwad, o kaya ay pakitang tao lang. Galit tayo sa katotohanan at sa mga taong nagpapabatid sa atin ng mga katotohanang ito. Alam natin ang totoo pero hindi natin ginagawa kaya pinapasok tayo ng takot at pangamba. At sa huli, alam rin natin na haharap tayo sa Panginoon at doon ay magdadahilang, “Panginoon, heto po ang inyong salaping ginto. Binalot ko po sa panyo at itinago.” At alam na natin ang naging pasya ng ating Panginoon sa taong iyun. Huwag sana nating gayahin.

Reply

Malou Castaneda November 21, 2023 at 8:06 pm

PAGNINILAY
Nilalayon ng Diyos na lumago tayo sa pagiging mayaman na nilayon Niya. Sa ating pang-araw-araw na pamumuhay ng Ebanghelyo maaari tayong matakot o maging tamad at maging ligtas. Maaari nating gawin kung ano ang napakaliit na kinakailangan; dumalo sa misa, kumpisal, sabihin ang ating araw-araw na panalangin, ngunit hindi ang makipagsapalaran. Ang tunay na paglago sa ating potensyal at ang buhay na ibinigay sa atin ng Diyos ay kasama ang pakikipagsapalaran. Nakikipagsapalaran tayong mamatay sa sarili at lumalago ang ating buhay kapag nakakita tayo ng isang mahirap at nangangailangan na hindi natin kilala at patuloy pa rin tayo sa pagtulong sa kanya. Nakikipagsapalaran tayong mamatay sa sarili at madadagan ang ating buhay kapag ibinabahagi natin ang ating mga kasaganaan at talento sa iba na kapus palad. Kapag tayo ay nakikipagsapalaran na mamatay sa sarili, natatanggap natin mula sa Diyos ang kasaganaan ng buhay dahil sa pagkamatay sa sarili tayo ay mas ganap na sumusunod kay Kristo.

Panginoong Hesus, tulungan mo kaming gamitin ang mga kaloob ng Diyos nang may karunungan at pananaw. Amen.
***

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: