Sabado, Abril 1, 2023

April 1, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalimang Linggo ng Kuwaresma
Sabado

Manalangin tayo sa Diyos na ating Ama upang tulad ni Kristo maging matatag tayo sa pagharap sa buhay at sa mga pagsubok maging sa kamatayan, alang-alang sa buhay at paglago para sa ating mga sarili at para sa iba.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama, gawin Mo kaming kalugud-lugod na handog sa iyo.

Ang mga hindi Kristiyano nawa’y makakilala kay Jesus na namatay para sa lahat, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga Kristiyanong napahiwalay nawa’y mag-ukol ng higit na pagtatalaga ng sarili sa ekumenismo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maykapangyarihan nawa’y mag-alay ng sarili sa pagtataguyod ng katotohanan at katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng Katoliko nawa’y makadama na sila ay may natatanging kaugnayan sa isa’t isa dahil sa iisang pananampalataya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga inang nawalan ng anak nawa’y hindi maigupo ng bigat ng kanilang dinaramdam, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming Diyos, sa iyong pagkakatipon sa mga mananampalataya, sila ay pinagbuklod mo sa iisang Katawan ni Kristo. Isugo mo ang iyong Banal na Espirtu upang higit na pagbigkisin ang iyong bayan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 19, 2021 at 1:34 pm

PAGNINILAY: Malapit na tayong pumasok sa pinakabanal na panahon, ang Semana Santa (Mahal na Araw). Ito yung ating paggunita sa pinakadakilang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan sa pamamagitan ng Pagpapaksakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng kanyang Anak na si Hesukristo.

Narinig natin sa Ebanghelyo ngayon kung ano ang balak ng mga punong saserdote, matatanda ng bayan, Pariseo, Saduseo, at eskriba laban kay Hesus. Marami na silang naririnig na mga ginagawa at ipinapangaral ni Hesus sa mga bayan ng Judea. Kamakailan may mga Hudyong nagbalita sa kanila na binuhay niya si Lazaro, ang kapatid nina Marta at Maria. Kaya nais ng ilang mga pinuno na siya’y ipadakip at ipagpatay. Subalit sabi naman ng iba na huwag lang kumilos ng ganyan sapagkat aalsa ang taongbayan laban sa kanila. At kapag nangyari iyan, kukunin ng mga Romano ang mayroon sila. Kaya ang hiling ni Caifas na mas mabuti na ang isang tao ay ipagpatay nila kaysa sa buong bayan ng Judea ang magdusa. Sinasabi ni Caifas na dapat mamatay si Hesus upang pagtipunin ang mga nagkawatak-watak na mga anak ng Diyos.

At ito nga ang mangyayari, subalit hindi ayon sa kagustuhan ng mga pinuno, kundi ayon sa dakilang plano ng Ama. Kahit anong balak na ipatong nila laban sa kanya, ang totoo pa rin diyan ay si Kristo ay nagpakasakit at namatay sa Krus para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Ito yung pagwawasto ng relasyon ng tao sa Diyos na winasak noon ng kasamaang mana. Kaya nga ito yung ating gugunitain sa susunod na linggo habang tayo’y nagninilay sa banal na panahong ito.

Kaya sa ating buhay, magandang pag-isipin po natin ang mga panahong hindi natin lubos na nakilala ang Ama at ang kanyang kalooban para sa ating ikabubuti. At nawa’y sa pagdiriwang natin ng kanyang dakilang pag-ibig na ipinamalas ni Hesus na kanyang Anak sa Krus, nawa’y mas maging matatag pa ang ating pananampalataya sa kanya at ang paggawa ng kabutihan at katuwiran sa ibang tao.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 27, 2021 at 6:43 am

Isa sa pinaka importanteng utos ay ang: “mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili.” Ilan kaya ang nakakasunod sa utos na ito. Sa ebanghelyo, kung sino pa ang gumagawa ng mabuti ay siya pa ang ipadadakip at ipapapatay. Hindi lamang mabuti ang ginagawa ng ating Panginoong Hesus, kundi kababalaghan. Iba talaga pag pumasok ang inggit sa isip ng tao, handa silang manakit hanggang sa makapatay. Kaya nga ang hamon ay iwasan ang kasalanan at magbago. Imbis na mainggit ay gumawa ng paraan upang magtagumpay at humingi ng gabay sa Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: