Linggo, Marso 26, 2023

March 26, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-5 Linggo ng Kuwaresma
Patnubay sa Misa

Nananalig sa nagbibigay-buhay na kapangyarihan ng Panginoon, lumapit tayo sa Kanya at idulog natin ang ating mga kahilingan para sa mga pangangailangan natin at ng sangkatauhan. Maging tugon natin ay:

Panginoon ng Buhay, dinggin Mo kami!

Nawa ang Simbahan, ang Katawan ni Kristo, ay manatiling laging buhay sa pamamalagi ng Espiritu at magpagaling sa maraming sugat na likha ng ating pagkakasala. Manalangin tayo!

Nawa ang ating Santo Papa at mga pinunong espirituwal ay magamit ng Espiritu, gaya ng propetang Ezekiel, sa pagpapanumbalik ng buhay sa mga pamayanan at institusyong binabagabag ng mga iringan at pagkakahati-hati. Manalangin tayo!

Nawa ang mga mag-asawang nagdaraan sa mahigpit na krisis ay makatagpo sa kanilang pananampalataya ng lakas na lumimot sa mga hinanakit at magpanibagong simula sa kapangyarihan ng biyaya ng Diyos. Manalangin tayo!

Nawa ang mga nakalibing sa pagkakasala ay makatagpo kay Hesus at sa kanilang pamayanang Kristiyano ng tulong na kailangan nila para magsimulang mamuhay alinsunod sa Ebanghelyo. Manalangin tayo!

Nawa ang mga nahihirapan sa kanilang mga mapaniil na kapaligiran ay makahango ng inspirasyon at lakas ng loob sa mga Pagbasa para ngayon. Manalangin tayo!

Tahimik nating idalangin ang ating mga kahilingang pansarili. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, dumudulog kami sa Iyo nang sugatan sa dati naming pagkatalo ngunit matibay na nananalig sa Iyo. Gawin Mo sa amin ang kamanghaang ipinamalas Mo sa lambak ng mga kalansay at sa libingan ni Lazaro. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman! Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez March 21, 2023 at 4:03 pm

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay nasa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma. At ito ay naghuhudyat na sa susunod na linggo ay papasok na tayo sa pinakataimtim na paggunita ng sambayanang Kristiyano, ang Semana Santa na kung saan alalahanin natin muli ang Misteryong Paskwal ng ating Panginoong Hesukristo (Pagpapakasakit, Kamatayan, at Muling Pagkabuhay). Kaya nga ngayong Linggo ay tinatakpan ng telang purpura ang lahat ng mga krusipiyo at imahe ng ating mga santwaryo bilang tanda na tayo’y nalalapit na sa pagpasok sa mga misteryo ng kaligtasan sa mga Mahal na Araw, at kinakailangan nating maghanda nang mas matindi dahil sa tindi ng mga Pagbasa tungkol sa pagdaan ng Panginoon sa mga huling sandali ng kanyang pangangaral. At sinasabi sa Ebanghelyo ni San Juan na si Kristo ay minsa’y binantaang batuhin dahil sa pagpapahayag na siya’y Anak ng Diyos (kaya may likas ng Diyos), ngunit nagtago siya at umalis. Hindi siya nagtago dahil natatakot siya, kundi sapagkat hindi pa nararapat ang oras ng kanyang pagpapakilala sa kanyang Pasyon at Pagkabuhay. Kaya nga ang mga larawan at krus sa ating mga parokya ay tinatakpan ngayong Ikalimang Linggo. At sinabi nang ganito ng ating Simbahan: “Kung ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nakatago, ganun din dapat nakatago ang kanyang mga alagad.”

Ang mga Pagbasa ngayong Linggo ay naghahanda sa atin sa Pagkamatay at Muling Pagkabuhay ni Kristo. Ang Unang Pagbasa ay ang pangitain ni Propeta Ezekiel tungkol sa mga tuyong buto, na kung saan sumasagisag dito ang mga tao ng Juda na nababalot ng kadiliman dahil nasasakupan sila ng mga Babilonia, tanda ng kanilang pagsusuway at pagtatalikod sa Diyos. Kaya pinaniniwalaan ng maraming dalubhasa ng Simbahan (lalo na ang mga nag-aaral ng Bibliya) na ang Pagpapatapon sa Babilonia ay resulta ng kanilang pagkakasala sa Panginoon. Ngunit nakita rin natin na hindi pinabayaan ang mga tao na magdusa. Kaya’t nagsalita ang Panginoon sa pamamagitan ni Ezekiel na ibabangon niya muli sila mula sa mga libingan, upang manumbalik sila sa lupain ng Israel. At hindi lang isang pangako ng pagliligtas, kundi isang pagtatak ng isang alaala na makilala nawa nila muli ang Panginoong nagpanumbalik sa kanila, kaya’t ipapasakanya niya ang kanyang Espiritu sa kanila. Kaya ang pangitain ng mga tuyong buto ay naging isang pagpapatupad ng paglikas ng mga Hudyo mula sa Babilonia sa tulong ng mga Persyano (sa pamumuno ni Haring Ciro Magno). At nang makabalik sila sa Jerusalem ay sinumulan nilang iwasto ang lungsod pati na ang Templo, at araw-araw nagsasakripisyo, nananalangin, at nagsusumikap na maging matapat sila sa kalooban ng Diyos. Higit pa sa nangyari sa mga tao pagkatapos ang kaligtasan nila mula sa pagpapakatapon sa Babilonia ay ang pangako ng Kaligtasan ng Diyos na natupad sa pamamagitan ng kanyang Anak na si Hesukristo, na dumaan sa kanyang Pagpapasakit, Pagkamatay sa Krus, at Muling Pagkabuhay mula sa mga Patay.

Ang Ebanghelyo ay ang isa sa mga dakilang kababalaghan ni Hesukristo bago ang kanyang Pasyon, Kamatayan, at Pagkabuhay, at ito ang kwento ng Pagbangon niya may Lazaro mula sa kamatayan. Si Lazaro ay isa sa mas malapit na kaibigan ng Panginoon, kasama ang mga kapatid nitong na sina Marta at Maria. Natatandaan natin sa Lc. 10:38-42 noong binista ng Panginoon ang dalawang dalagita sa kanilang tirahan sa Betania, at nakiisa siya sa kanila at kapwa sila’y nagpakita kung paano nila tinatanggap si Kristo sa pamamahay nila. Matapos iyan ay narinig natin ngayon sa Ebanghelyo ni San Juan kab. 11 kung paanong si Lazaro ay nagkasakit, at pinatawag nila si Hesus para pagalingin siya. Ngunit nagtagal ito ng apat na araw hanggang sa puntong pumanaw si Lazaro at inilibing na siya. Diyan pa lamang nagpakita si Hesus sa Betania, at sinalubong ni Marta dala ang hinanakit na kung maaga lang ang kanyang pagdating ay hindi mamamatay ang kapatid nito. Ganun din nang pagdating ni Hesus sa bahay ng magkapatid, at nagpatirapa sa kanya si Mariang dala ang lungkot na kung sanang mas maaga ang pagdating ni Hesus ay hindi mamamatay ang kapatid nitong si Lazaro. Ngunit nakita natin sa pagdalamhati ng magkapatid at ng mga kasamahan nila ang pagpadama ni Kristo ng kanyang lungkot, kaya nga sinasabi rito ang pinakaikling bersikulo sa Bibliya- “Dominus Flevit” (Tumangis si Hesus). Ngunit alam naman ni Hesus na ang lahat ay nangyari upang maipahayag niya ang kaluwahatian ng Diyos Ama sa lahat, kaya nga ito ang kanyang tugon kay Marta nang magkaroon ito ng balisa na baka mangamoy ang bangkay ni Lazaro kung bubuksan ang libingan. Kaya nga sa kabila ng matinding kalungkutan at ganun na rin ang pagduda ng mga tao pati na rin ng kanyang alagad ay tinawag niya si Lazaro na bumangon at lumabas sa libingan. At ganun nga ang nangyari sa ikagugulat ng lahat, na para bagang malakas ang kutob nila na binuhay ni Hesus ang taong ito. Kaya nga ang maganda sa Ebanghelyo nito ay ang tugon ni Kristo ay Marta nang pagdudahin siya kung bakit huli na ang pagdating nito, na kung saan tugon ng Panginoon ay siya ang Pagkabuhay at ang Buhay, at ang sinumang sumasampalataya ay mabubuhay kailanman at hindi na mamamatay. Kaya ang tugon dito ni Sta. Marta ay ang pagsampalataya na si Hesus nga ang Kristo, ang Anak ng Diyos.

Mga kapatid, ipinapahayag sa atin ng mga Pagbasa ang kagandahang-loob ng Diyos na sa kabila ng banta ng kasamaan at takot ng kamatayan ay palaging mananaig ang buhay at panibagong-buhay na kaya niyang ibigay, kahit na mahirap. At ganun nga ang ipinakita ni Hesus na hanggang sa dulo ay nagmalasakit, gumawa ng kabutihan, at kumapit sa huli hanggang sa inihabilin niya ang kanyang buhay sa Krus. Kaya nga ito’y paaalala na hindi kailanma’y matatagumpay ang kasalanan kung hahayaan natin ang Panginoon na manaig at sumaatin, nang sa gayon ay mayroon tayong lakas na maging matatag sa pananampalataya, magalak sa pag-asa, at masigla sa pagmamahal. Ngunit mahalaga rin ang kamatayan kahit ito’y masakit at nakakatakot, sapagkat ang mayroong hantungan ay pagkapiling sa Diyos at pati na rin sa mga Banal. At nangyari ito dahil kay Kristo na namatay sa Krus at muling nabuhay para sa ating kaligtasan, nang sa gayon ay magkaroon din tayo ng pangako na balang araw makakapiling din natin siya. Kaya maganda ang paalala ni San Pablo na mamuhay tayo ayon sa Espiritu Santo, at hindi sa mga hilig ng laman, na ang buhay natin ay dapat nakatuon sa pamantayan ng Panginoong Diyos. Nang sa gayon ay maihanda natin ang ating kamatayan dahil malugod ang ating pamumuhay sa lupa, at mabubuhay rin tayo sa kaluwalhatian ng langit kasama siya.

Reply

Abe P. Austria March 25, 2023 at 7:38 pm

Gusto kong matuto kung paanong bigyang-kahulugan at ihalintulad ang ebanghelyo sa buhay ng tao… Salamat po

Reply

LEGS March 25, 2023 at 10:18 pm

Lahat tayo ay mamamatay pero ang nananalig sa isinugo ng Ama ay may buhay na walang hanggan. Kung mauunawaan ng mga bumabasa ang bibliya, ang mga salitang ito hindi na kailanman magkakagulo ang mundo. Gagawa ng paraan ang diyablo para hindi tayo makalapit sa ating Panginoong Jesus. Kaya maging matatag hindi niya tayo pababayaan tulad ni Lazaro, upang makasama sa PARAISO.

Reply

SAINTSPOT March 26, 2023 at 6:14 am

SAINTSPOT on Youtube
https://youtube.com/watch?v=J0XYLq56vLs&si=EnSIkaIECMiOmarE

Ang kamatayan ni Lazarus ay nagpapaalala sa atin sa isang kaluluwa na namatay mula sa mortal na kasalanan. Ito ay katulad ng sakit na ketong, pisikal na karamdaman at ang iba nama’y sumasagisag rin ng kasalanan, ang espirituwal na karamdaman. Dahil dito, ipinakikita ni Jesus kung paano tayo dapat tumugon lalo sa nakamamatay na kasalanan sa ating buhay.

Nang harapin ni Jesus ang kamatayan ni Lazarus, “siya ay nabalisa at lubhang nabagabag,” “Si Jesus ay umiyak,” Siya ay “muling nabagabag” at Siya ay “sumigaw sa malakas na tinig.” Bagama’t si Jesus ay Diyos, malaya Niyang pinili ang pagiging likas na tao upang ipakita sa atin kung paano tayo dapat tumugon sa matinding kasalanan. Ang mabigat na kasalanan ay pumapatay sa espiritu kung kaya’t dapat itong seryosohin at ihingi agad ng kapatawaran at huwag ng ulitin pa.

Lumabas si Lazaro sa libingan at sumigaw si Hesus: “Kalagan ninyo siya, at nang makalaya.” May dobleng kahihinatnan ang kasalanan: una ay ang pagpigil sa atin na makamtan ang kaligtasan. Pangalawa’y ang pagdurusa dulot ng “pansamantalang parusa”. Ito’y hindi galing sa Diyos kundi ang epekto ng kasalanan. At ito’y isang tukso na pabalik-balik. Ngayong kuwaresma, kunin natin ang opportunidad na mangumpisal at magkaroon ng tunay na pagbabago sa kalooban at sikaping lumago sa paggawa ng kabutihan.

Pagnilayan, ngayon, ang madamdaming tinig ni Hesus na tumatawag sa iyo, “Lumabas ka!” Anong kasalanan ang tinatawag ni Jesus na isuko mo para maging malaya ka? Alin dito ang patuloy na tumutukso sayo na nais mong ihingi ng kaligtasan? Nais ni Hesus na ikaw ay ganap ng malaya sa iyong pagkakatali. Hindi mo kayang baguhin at iligtas ang iyong sarili, kailangan mo ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Aking maawaing Panginoong Hesus, dahil sa pagmamahal mo, inuutusan Mo akong lumabas sa lahat ng aking kasalanan. Palayain mo po ako, mahal na Panginoon, sa lahat ng nagbibigkis sa akin at tanggalin ang anumang epekto ng aking mga naging kasalanan. Nais kong makasunod sa iyong matuwid na daan patungo sa buhay na walang hanggan. Hesus, nagtitiwala ako sa Iyo.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: