Martes, Marso 21, 2023

March 21, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma
Martes

Habang higit nating nakikilala ang Diyos, lalo nating nauunawaan na lubos tayong umaasa sa kanya. Alam natin na marami tayong mga kahinaan at wala tayong magagawa kung hindi niya tayo tutulungan kaya’t manalangin tayo sa kanya.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Tagapagpagaling, tulungan Mo kami.

Ang mga pinuno ng Simbahan nawa’y lubos na mag-alay ng kanilang buhay sa paglilingkod kay Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng pusong bukas sa pag-aalay ng sarili at lumago sa pagsunod kay Kristo na may pusong maamo at mapagkumbaba, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng tunay na diwa ng kababaang-loob sa ating pakikitungo sa mga dukha at mga api at makita natin ang presensya ni Kristo sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng pagmamahal at pagtataguyod sa mga nangangalaga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nauna na sa atin sa paglisan sa buhay na ito nawa’y makaisa ng Diyos sa kanyang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Panginoong Diyos, Ama ng mga dukha, bagamat batid namin ang aming mga kahinaan at pagmamalaki, dinggin mo ang mga kahilingan ng iyong bayang nangangailangan ng iyong tulong. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez March 11, 2021 at 10:23 pm

PAGNINILAY: Ang Kuwaresma ay panahon ng paggunita sa kagandahang-loob ng Diyos sa ating buhay.

Ang Unang Pagbasa ay isang pangitain ni Propeta Ezekiel tungkol sa tubig na dumadaloy mula sa kanang tagilid ng templo, at ito ay tanda na dadaloy ang tubig sa iba’t ibang dako, lalung-lalo ang mga naninirahan sa patay. Kaya ang mga punongkahoy at mga puno ay tutubo nang masagana. Ang propesiya nito ay simbolo ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang Anak, ang ating Panginoong Hesukristo.

Isinalaysay ni San Juan na matapos itagubilin ni Kristo ang kanyang buhay sa Krus, isinaksak ng isang sundalo ang sibat nito sa kanyang kanang tagiliran, na kung saan dumaloy ang tubig at dugo. Kaya itong pangyayari ay tanda na ang Simbahang ating kinabibilangan ay patuloy na inaalala ang buhay na ipinagkaloob sa atin ng Diyos sa pamamagitan ng ating pagtupad ng mga pangako ng binyag at ang ating pakikiisa sa Banal na Eukaristiya.

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang kababalaghan ni Hesus sa Betesda, na kung saan mayroon isang deposito ng tubig na napapaligiran ng 5 portico. Ang mga tao ay nagpapalubog dahil nais nilang gumaling. Naroon sa tabing iyon ang isang pilay na lalaking hindi makalakad sa loob ng 38 taon. Kaya siya’y pinaggaling ni Hesus kahit matagal nang wala siyang tagaakbay papunta ng deposito. Subalit nangyari ang kababalaghang iyon sa Araw ng Pamamahinga, na kung saan ito ay itinuturing na trabahong hindi ipinapahintulot ng Kautusan. At hindi rin ipinapahintulot ang pagkabuhat ng higaan, kaya napansin ito ng mga eskriba at Pariseo sa lalaki. Tugon naman ng lalaki na siya’y pinag-utusan ng isang ginoo, ngunit hindi pa niya natunghayan si Hesus. Kaya nang matagpo niya si Hesus na nagppaalala sa kanya na huwag magkasala, ibinalita ng lalaki sa mga pinuno ng Hudyo na si Hesus ang nagpagaling sa kanya.

Ipinapakita dito na ang kagandahang-loob ng Diyos ay patuloy na umaapaw at patuloy na magaganap sa kabila ng mga nakasanayang pamumuhay at tradisyon. Kahit maraming restriksyon sa buhay, kailangan manaig pa rin ang paggawa ng kabutihan sa kapwa dahil ito ang pagpapamalas ng pag-ibig ng Panginoon na para sa lahat.

Ngayong Kuwaresma, nawa’y sikapin natin maging mga tapagpagdala ng kabutihan sa iba’t ibang taong ating nakakatagpo araw-araw.

Reply

Sherwin D. Yanoria March 16, 2021 at 6:56 am

May oras ba ang paggawa ng mabuti? Kadalasan pag may nakakakita ang sipag ng mga tao. Pag walang nakakakita ay tamad dahil walang pupuri. Ngunit ang kabutihan ay hindi nag-aantay ng pagkakataon. Ang dapat ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng oras sa may nakakakita man o wala. Sa ebanghelyo, imbis na purihin ay nagalit pa ang eskriba at pariseo, dahil pinagaling ng ating Panginoong Hesus ang may sakit sa araw ng pamamahinga. Napakaliteral ng kanilang pakahulugan sa araw ng pamamahinga. Literal na dapat ay pahinga lamang. Ipinakita ng ating Panginoong Hesus na mas importante ang tao kaysa araw ng pahinga at ang paggawa ng mabuti sa kapwa sa lahat ng panahon.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: