Biyernes, Enero 20, 2023

January 20, 2023

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Bilang Banal na Bayan na tinawag ng Diyos sa iba’t ibang pamamaraan upang ipalaganap ang Mabuting Balita ng kanyang Paghahari, iluhog natin ang ating mga pangangailangan sa Ama na nag-aaruga sa atin.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos na tumawag sa amin,
ibahagi Mo sa amin ang Iyong kapangyarihan.

Ang mga tinawag sa Simbahan na mamuno sa Bayan ng Diyos nawa’y magkaroon ng tapang na ipalaganap ang Ebanghelyo ni Jesu-Kristo saanmang sulok ng mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga naghahanap sa Diyos nawa’y matagpuan nila ang kaliwanagan at buong kaloobang tumugon sa paanyaya ng Diyos na makasama niya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y marinig at makilala nila ang tinig ni Kristo na tumatawag sa kanila sa buhay na paglilingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y tumanggap ng kasiyahan at lakas mula sa mga nag-aaruga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga mahal na yumao nawa’y makapahinga sa kapayapaan ni Kristo sa kanyang Kaharian, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos Ama sa Langit, tinawag mo kami mula sa mga ordinaryong pagkakataon sa aming buhay; hayaan mo na bigyan kami ng iyong Espiritu ng lakas na bigkasin: “Panginoon, narito ako upang sundin ang kalooban mo.” Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez January 21, 2021 at 11:46 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ng manunulat ng Sulat sa mga Hebreo ukol sa tipanang inukit muli ng Diyos sa pamamagitan ng walang hanggang pagkapari ng ating Panginoong Hesukristo. Alam ng Diyos na gumawa siya ng tipan kay Moises, na ibinigay sa mga Israelita bilang tanda na sila ay ang bayan ng Diyos, at mismong Panginoon ang Diyos nila. Subalit sila’y sumuway at nagmatigas, kaya’t nagkasala, at sa ‘di nila inaasahan ay sinakupan ng mga mababagsik na paganong bansa. Sa kabila nito, patuloy ang katapatan at pagmamahal ng Diyos na magkaroon ng kaligtasan hindi lang para sa kanyang bayang itinakda (Israel), kundi para na rin sa lahat ng tao. At ang kalooban niya ay ang lahat ay mailigtas mula sa pagkaalipin ng kasalanan sa pagdating ni Hesus at ang kanyang ganap na pag-aalay ng buhay sa Krus para matupad nitong dakilang kalooban ng Ama. Kaya makikita natin na dahil sa Bagong Tipan, namagitan si Kristo para sa atin upang tayo’y tunay ngang maging karapat-dapat na tawaging mga anak ng Kataas-taasang Diyos. Ganun din ang ating pangangalaga, pagmamahal, mabuting pagtrato, at pag-aakay ng iba tungo sa kanyang kagandahang-loob.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pagtawag ng ating Panginoong Hesukristo sa 12 alagad. At ipinangalan niya sila bilang mga “Apostol”. Maraming tagasunod ang Panginoon, subalit tumawag siya ng 12 alagad upang maging mga Apostol. Sila ang magiging mga malapit at direktang saksi niya sa pagpapahayag ng Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos.

Kung titignan po natin ang pinagmulang hanapbuhay ng mga Apostol, hindi sila mga hari, prinsipe, mayayaman, o pulitiko, kundi mga ordinaryong tao. Sila ay mga ordinaryong mamamayang naghahanap-buhay katulad ng pangingisda, pag-aanluwagi, pag-aaral ng batas ng Hudaismo, pag-aalsa laban sa imperyong Romano, atbp. Bagamat simple lang ang kanilang pinagmulan, pinili pa rin sila ni Hesus. Alam ng Panginoon sila ang magtatawag ng mga manghahasik para sa anihan ng Kaharian ng Diyos. At sa simbolismo ng Bibliya, ang 12 Apostol ni Kristo ay tumutupad sa 12 Tribo ng Israel sa Lumang Tipan.

Ang mga Apostol ay nagsisilbing 12 tribo ng panibagong Israel: ang Simbahan. Kaya ang Simbahan ay itinatag ni Kristo sa pundasyon ng pangnagaral at Tradisyong ipinamana ng mga Apostol. Kaya katulad nila, tayo rin ay tinatawag na maging mga saksi ng pagpapahayag ng Mabuting Balita sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: