Biyernes, Enero 13, 2023

January 13, 2023

Biyernes ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Hilario, obispo at pantas ng Simbahan

Hebreo 4, 1-5. 11
Salmo 77, 3 at 4bk. 6k-7. 8

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Marcos 2, 1-12


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the First Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Hilary, Bishop and Doctor of the Church (White)

UNANG PAGBASA
Hebreo 4, 1-5. 11

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo

Mga kapatid, nananatili pa ang pangako ng Diyos na tayo’y makapapasok at makapamamahinga sa piling niya. Ngunit mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyong hindi magkamit ng pangakong ito. Sapagkat tulad nila’y napakinggan din natin ang Mabuting Balita. Ngunit hindi nila pinakinabangan ang balitang kanilang narinig sapagkat hindi nila iyo pinaniwalaan. Tayong naniniwala ang papasok at mamamahinga sa piling ng Diyos. Ito’y ayon sa kanyang sinabi,

“Sa galit ko’y aking isinumpang
‘Hinding-hindi sila makapapasok at
makapamamahinga sa piling ko.’”

Sinabi niya ito bagamat tapos na ang kanyang pagkalikha sa sanlibutan. Sapagkat sinasabi sa isang bahagi ng Kasulatan ang tungkol sa ikapitong araw: “At sa ikapitong araw, nagpahinga ang Diyos sa kanyang paglikha.” At muli pang sinabi, “Hinding-hindi sila makapapasok at makapamamahinga sa piling ko.” Kaya’t magsikap tayong makapasok at makapahinga sa piling ng Diyos. Huwag sumuway ang sinuman sa atin para hindi mabigong tulad nila.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 3 at 4bk. 6k-7. 8

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Ito’y aming narinig na, kaya naman aming alam,
nagbuhat sa aming nuno na sa ami’y isinaysay.
Totoong kahanga-hanga ang tinutukoy na bagay
mga ginawang dakila ng Panginoong Maykapal.

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Sa lahat ng lahi nila ito’y dapat na iaral,
at ang angkang susunod pa ay marapat na turuan.
Sa ganito, masusunod nilang lagi yaong utos,
ang matatag na pag-asa’y ilalagak nila sa Diyos,
at ang dakila niyang gawa’y hindi nila malilimot.

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Sa kanilang mga nuno, hindi dapat na pumaris,
na matigas ang damdaming sa Diyos ay naghimagsik;
isang lahing di marunong magtiwala at magtiis,
ang pag-asa ay marupok at kulang ang pananalig.

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

ALELUYA
Lucas 7, 16

Aleluya! Aleluya!
Narito at dumating na
isang dakilang propeta
sugo ng Diyos sa bayan n’ya.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 2, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, bumalik si Hesus sa Capernaum, at kumalat ang balitang siya’y nasa kanyang tahanan. Kaya’t nagkatipon ang napakaraming tao, anupat wala nang matayuan kahit sa labas ng pintuan. Samantalang nangangaral si Hesus, may idinating na isang paralitikong dala ng apat katao. Hindi nila ito mailapit kay Hesus dahil sa dami ng tao, kaya’t binakbak nila ang bubong sa tapat niya, at inihugos ang paralitikong nakaratay sa kanyang higaan. Nang makita ni Hesus kung gaano kalaki ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko, “Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo.” May nakaupo roong ilang eskriba na nagsaloob ng ganito: “Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Kalapastanganan sa Diyos iyan! Hindi ba’t Diyos lamang ang makapagpapatawad ng mga kasalanan?”

Talos ni Hesus ang kanilang iniisip, kaya’t sinabi niya, “Bakit kayo nagsasaloob ng ganyan? Alin ba ang lalong madali: ang sabihin sa paralitiko, ‘Ipinatatawad na ang mga kasalanan mo,’ o ang sabihing, ‘Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka’? Patutunayan ko sa inyo na dito sa lupa, ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan.” Sinabi niya sa paralitiko, “Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan, at umuwi ka!” Tumindig naman ang paralitiko, binuhat ang kanyang higaan at umalis na nakikita ng lahat. Sila’y pawang nanggilalas at nagpuri sa Diyos. “Hindi pa kami nakakikita ng ganito!” sabi nila.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Magno January 13, 2019 at 8:44 pm

Ayon sa Mabuting Balita ng Panginoon, batid ni Hesus kung ano ang iniisip nila kaya sinabi sa kanya na bakit niya iyon ginagawa. Tinanong din iyon kung alin ang mas madali. Sinabi sa taong lumpo na patawarin ang kanilang mga kasalanan o bagaman ay sabihin na gumising siya at alisin niya ang kanyang higaan. Pinatunayan niya sa lupa na ang Anak ng Tao ay may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan. Sinabi rin niya sa ibang mga taong lumpo na bumangon siya at dalhin niya ang kanyang higaan at umalis siya. Tumayo ang lumpo at itinaas ang kanyang leeg at dahon na magpapasilip sa lahat. Sila ay nagtaka at niluwalhati ang Diyos na ang kanyang sinabi na hindi pa rin nila ito nakita.

Reply

Melba G. De Asis January 18, 2019 at 5:24 am

Ang kapangyarihan ng Diyos ay di matatawaran, magkaroon tayo ng lubos na pagtitiwala at pananalig ang lahat ng bagay na ating hinihingi ay ipagkakaloob ng naayon sa Kanyang kagustuhan sa Kanyang panahon. Amen

Itinataas ko po Panginoon ang kaluluwa ng aking Inang si Pascuala na namatay na ngayon po ang anibersaryo ng ika 3 taon ng kanyang kamatayan. Nawa Panginoon ay patawarin mo siya sa lahat ng mga kasalanan niyang nagawa at ipagksloob mo po Panginoon na siya ay makasama Mo at bigyan Mo po siya ng kapahingahan at kapanatagan at buhay na walang hanggan. Amen

Reply

Atty. Edward Robinson Serrano January 18, 2019 at 4:06 pm

Sa ikalawang pagbasa ay ipinakita ng Panginoon ang kaniyang kapangyarihan na magpatawad ng kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa paralitiko. Batid niya at ng mga Eskriba na naroroon na dulot ng kasalanan ang sakit ng paralitiko kaya’t minarapat niya na sabihin na pinatatawad niya ito sa kaniyang kasalanan. Alam natin na ang pagpapatawad ng kasalanan ay isang kapangyarihan na mula sa Diyos lamang kung kaya’t ang mga Eskriba ay nagsabi na ito ay isang kalapastanganan sa Diyos. Subalit ipinakita ni Hesus ang kaniyang pagaka-Diyos na may kapangyarihan na magpatawad ng mga kasalanan sa pamamagitan ng pagpapagaling sa paralitiko.
This supremacy of Jesus to forgive sin has manifested in this reading and all through out his Ministry by living a sinless life. Even the Quoran acknowledged that Jesus live a sinless life showing his authority and supremacy over sin.
Ang isa pa po na magandang pagnilayan sa mabuting balita ngayon ay ang pagmamahal at pananampalataya ng mga kaibigan ng paralitiko. Sila ay gumawa ng paraan upang mailapit ang kanilang kaibigan kay Hesus na dala ng kapansanan ay walang kakayahang lumapit na mag-isa sa Panginoon. Nawa tayo din ay magkaroon pagkakataon na mailapit ang ating mga kapatid o kaibigan sa Panginoon sa paraang abot ng ating makakaya. Amen!

Reply

Elino January 14, 2021 at 6:07 am

Sa mabuting balita, pinapatunayan na ang pananalig ng mga tao ay mamakatulong para pagbigyan ni Jesus ang kanilang mga nais para sa ibang tao. Nais ng mga nagdala sa lumpo na gumaling ito at dahil nakita ni Jesus ang malaki nilang pananalig dahil iniakayat sa bubong ang lumpo, pinalakad ni Jesus ang lumpo. Ganun din sa ating buhay ngayon, ang pananalangin ng tao para sa isang mahal o kakilala niya ay naririnig ng Panginoon at may mga answered prayers ang ating Diyos.Sapagka’t dindinig ng Diyos ang panalangin ng matuwid.

Reply

Reynald Perez January 14, 2021 at 11:10 pm

Pagninilay: Ang Unang Pagbasa ay nagpapahayag na bagamat ang tao ay patuloy na sumusuway, ang Diyos ay palaging tapat sa kanyang pangako para sa buhay na walang hanggan sa kalangitan. Makikita natin dito ang pag-aalala sa pagsusubok ng mga Israelita sa Diyos, nang magreklamo sila sa kanilang pag-uuhaw. Kahit binigyan sila ng tubig mula sa bato, pinangalanan ang lugar ng pangyayaring iyon na Meriba at Masa, dahil sinubok ng mga Israelita ang Diyos nang magreklamo sila laban sa kanya. Kaya’t pinapaalala niya tayo na tayo nawa’y maging karapat-dapat sa kanyang pamamahinga. Maging makabuluhan nawa ang ating buhay para sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtalima sa kanyang kalooban at patuloy na paggawa ng kabutihang-loob sa bawat nilalang.

Ang Ebanghelyo ay ang kwento ng pagpapagaling ni Hesus sa isang paralitiko. Siya ay binuhat ng 4 na magkakaibigan at nagbutas sa bubong ng bahay upang mababa ang kanilang kaibigang nakahandusay sa higaan. At dito’y sinabi ni Hesus sa lalaki na pinatawad na ang mga kasalanang ito. Subalit siya’y pinag-usapan ng mga pariseo at eskriba na nilalapastangan nito ang Diyos. At nabatid nga ni Hesus ang kanilang mga kaisipan at ipinakita ang kanyang kapangyarihan ng pagpapatawad ng mga kasalanan. At inutos ni Hesus ang paralitiko na tumindig, pulutin ang higaan, at lumakad, at ganyan nga ang nangyari. Kaya namangha ang mga tao sa isang dakilang kababalaghang kanilang nasaksihan.

Makikita natin dito na ang Diyos ay patuloy na magiging mabuti, lalung-lalo na sa mga nangangailangan. At ito rin ay ang hamon sa ating ang pagiging mga masaganang ani na ang bunga ay ang kabutihan, pagmamahal, at marami pang ibang pagpapahalaga. Tularan natin ang 4 na magpakaibigan na nawa’y idala natin ang ibang tao patungo sa Panginoong Diyos.

Reply

SAINTSPOT January 14, 2023 at 4:35 am

Paano mo tinatrato ang taong alam mong nagkakasala? hinuhusgahan at tinatalikuran mo ba siya o binibigyan mo siya ng pag-asa upang madaig ang kanilang pagkakasala at bumaling sa Diyos?

Sa ating ebanghelyo ngayon, makikita natin ang isang paralitiko na nagnanais ng kagalingan, ngunit hindi siya makalapit sa ating Panginoon sa dami ng tao at dahil din sa kanyang kapansanan. Kaya naman, dinala siya ng kanyang mga kaibigan at idinaan sa bubong at ibinaba sa harapan ni Jesus.

Ang paralisadong taong ito ay isang simbolo ng isang tiyak na uri ng kasalanan. Ito ay isang kasalanan kung saan ang isang tao ay nagnanais ng kapatawaran ngunit hindi kayang bumaling sa ating Panginoon sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap. Halimbawa, ang isang malubhang adiksyon ay isang bagay na maaaring mangibabaw sa buhay ng isang tao na hindi nila madaig ang adiksyon na ito sa pamamagitan ng kanilang sariling pagsisikap. Kailangan nila ang tulong ng iba upang makabalik pa sa ating Panginoon para sa tulong.

Magagawa ito sa pamamagitan ng ating payo, ng ating hindi natitinag na habag, ng pakikinig, at ng anumang pagkilos ng katapatan sa taong iyon sa panahon ng kanilang pangangailangan at kawalan ng pag-asa.

Daily Tele-Gospel: SAINTSPOT on Youtube

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: