Martes, Disyembre 6, 2022

December 6, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Martes

Ang Panginoon ang ating Pastol na nakakikilala sa bawat isa sa atin. Ialay natin ang ating mga panalangin sa Diyos nang may pagtitiwala sa kanyang pag-ibig para sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Pastol, dinggin mo kami.

Ang Simbahan nawa’y maging isang buhay na tanda ng tunay na malasakit at lubos na pangangalaga para sa mga itinakwil ng ating lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nalihis sa landas ng kabutihan nawa’y marinig ang tinig ni Kristo, ang Mabuting Pastol, na tumatawag sa kanila upang magbalik sa kanya, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataan nawa’y marinig ang tinig ng ating Panginoon na tumatawag sa kanila para sa pagbabagong-loob at pagtatalaga ng buhay para maglingkod, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang lahat ng nagdurusa at maysakit nawa’y makaunawa na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga at paglingap na ibinibigay natin sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pumanaw na ay makapasok nawa sa “pintuan ng kulungan” at magdiwang na kasama ng Pastol at bantay ng kanilang kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Pinakabutihing Ama, gabayan mo kami sa matuwid na landas. Dinggin mo ang aming mga panalangin at pagpalain mo ang bawat isa sa amin sa paraang ikaw ang higit na nakaaalam. Nawa’y makasunod kami kung saan mo kami akayin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

Reynald Perez December 5, 2021 at 5:52 am

PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ay tungkol sa misyon ng Simbahan na iakay ang tao tungo sa kaligtasan ng Diyos. Ang Talinghaga tungkol sa Nawawalang tupa ay patunay na ang Diyos ay maawaain sa kabila ng ating pagsusuway sa kanya. Kung ang isang pastol ay gumagamit ng tungkod upang ipukpok ang isang tupa para madisiplina, ang disiplina naman ng Panginoon para sa mga nagkasala ay awa at habag. Siya ang dakilang pastol na lalabas mula sa 99 tupa upang hanapin ang nawawalang tupa. At kapag ito’y natagpuan niya, magagalak siya at iimbitahan ang mga kaibigan na magsaya dahil nahanap niya ang nawawala.

Kaya nga ngayong Panahon ng Adbiyento, inihahanda natin ang ating sarili para sa pagdating ng Panginoon. Ang Unang Pagbasa ay isang propesiya ni Isaias tungkol sa darating na aliw para sa bayang Israel na nagdurusa sa panahon ng pagkatapon sa Babilonia. At makikita dito ang isang pahayag tungkol sa misyon ni San Juan Bautista, na siyang mismong magpapahayag ng pagbibinyag, pagpapanumbalik-loob at paggawa ng kabutihan bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoon.

Kaya patuloy tayong minamahal ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakasala. Ngunit tayo ay inaanyayahan lalung-lalo na ngayong Adbiyento na magbalik-loob sa kanya at mamuhay nang marangal sa paggawa ng tama at mabuti. At ganyan rin ang gawin natin sa ating kapwa lalung-lalo na sa mga matagal nang sumuway sa Diyos na ipadama natin sa kanila na patuloy nagmamahal ang Diyos sa kanila upang sila rin ay bumalik sa kanya at gumawa ng katuwiran at kabutihan.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño December 7, 2021 at 9:45 am

May mga taong makasalanan na nag aakalang wala na silang pag-asa, kaya’t lalo na lamang silang nagpapakasama. Iniisip nila na sa bigat ng kasalanan nila ay hindi na sila mapapatawad ng Diyos. Kaya’t ipinagpqpatuloy na lamang ang pagawa ng masama hanggang sa mapahamak at mahantong sa parusa ng karamdaman, pagkabilanggo, magulong buhay at kamatayan.

Kapatid sa ating ebanghelyo ngayon, ang pastol ay si Hesus at tayo amg mga tupa. Mahabagin si Hesus at mapagpatawad, iiwanan nya ang 99 na tupa pra hanapin ang isang naliligaw, at kapg natagpuan ay magdidiwang sya. Kinalulugadan ng Diyos ang nagbabalik loob sa kanya. Gusto ni Hesus yun, yung mga makasalanang tao na nagsisi, humihingi ng kapatawaran at nagsisikap ng matalikuran ang mga maling gawa.

Samantalahin natin ang panahon ng Adviento, ngayon na kapatid, huwag na tayong magpatumpik tumpik pa at wag na tayong mag alinlangan lumapit sa kanya. Babaguhin nya ang buhay mo, bibigyan ka nya ng tunay na kaligayahan, kapayapaan, peace of mind at wagas na kasiyahan na hindi mabibili ng kahit gaano kalaking salapi. Hindi na tayo matatakot sapagkat pg nagtiwala ka sa kanya ay sya ang bahala sa atin.

Ako ay isang makasalang tao, sumusuway ako sa sampung utos ng Diyos at ang buhay ko ay walang katahimikan, puro kaguluhan, puro panandaliang sarap lamang, hindi maktaulog ng mahimbing at walang kapayapaan. Subalit ng hinanap ko si Hesus at matagpuan sa kanyang mga Salita, isinabuhay ko ito, paunti unti, dahan dahan hanggang sa mgakaroon na ako ng relasyon sa Diyos. Hindi ko na alintana ang anumang suliranin, lagi mya akong tinutulungan, walang ng kalungkutan, pagkagutom, pagkauhaw, pangamba at takot. Dahil kakampi ko ang Ama, mahal na mahal nya tayo. Iniintay nya lamang na lumapit tayo at magbalik loob at yayakapin nya tayo ng buong higpit at hinding hindi na pababayaan.

Reply

Bobby Javier December 6, 2022 at 5:12 am

Salamat Panginoon saiyong banal na salita at pangalan,, na gabay namin sa araw-araw,,,AMEN,,,.

Reply

Alfred B. Sugayan December 6, 2022 at 6:09 am

Higit na ikinagagalak ng Panginoon ang isang naligaw at nagbalik loob sa Kanya, kaysa sa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw ng landas. Gayun din naman, hindi kalooban ng ating Panginoon na mapahamak ang isa sa naliligaw ng landas sa buhay, amen.

Reply

Lynn December 6, 2022 at 10:13 am

Hello po,
I was Listening to other on line masses today December 6, ( especially Fr Badong) they have all the same readings. But this website have different Readings po . Which is right po?

Thanks
God bless us all!

Reply

Awit at Papuri Communications December 7, 2022 at 6:19 am

A blessed day to you! We confirm that these are the assigned readings for December 6. Thank you.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: