Podcast: Download (Duration: 6:38 — 6.5MB)
Paggunita kay San Francisco Javier, pari
Isaias 30, 19-21. 23-26
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of St. Francis Xavier, priest (White)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon
UNANG PAGBASA
Isaias 30, 19-21. 23-26
Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias
Ito ang sinasabi ng Panginoong Diyos na Banal ng Israel: Mga taga-Jerusalem, hindi na kayo tatangis nang matagal! Kayo’y diringgin niya sa inyong pagdaing. Kung ipahintulot man ng Panginoon na kayo’y magkasakit o magdanas ng hirap, siya na inyong guro, ay hindi magtatago sa inyo. Maririnig ninyo ang kanyang tinig at siya ang laging kalakbay ninyo upang ituro ang inyong daraanan.
Bibigyan niya kayo ng masaganang ulan para sa inyong mga tanim upang kayo’y mag-ani nang sagana. Ang inyong mga kawan ay makasusumpong ng malawak na pastulan. Ang mga pang-araro ninyong mga baka at asno ay mananagana sa pinakamainam na pagkain ng hayop. Mula sa matataas ninyong mga bundok at burol, dadaloy ang mga batis, pagdating ng panahon ng kakila-kilabot na pagpuksa at pagkawasak ng mga muog. Magliliwanag ang buwan na animo’y araw, at ang araw nama’y magliliwanag ng pitong ibayo, parang liwanag ng pitong araw na pinagsama-sama. Ito’y mangyayari sa araw na talian at pagalingin ng Panginoon ang sugat ng kanyang bayan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 146, 1-2. 3-4. 5-6
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Purihin ang Panginoon!
O kay buti ng umawit at magpuri sa ating Diyos,
ang magpuri sa kanya’y tunay na nakalulugod.
Ang Lungsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik,
sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig.
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Yaong mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan,
ang natamo nilang sugat, agad-agad tatapalan.
Alam niya’t natitiyak ang bilang ng mga tala,
isa-isang tinatawag, yaong ngalang itinakda.
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
Panginoong ating Diyos ay dakila at malakas,
ang taglay n’yang karunungan, ay walang makasusukat.
Yaong mapagpakumbaba’y siya niyang itataas,
ngunit yaong mapaghambog sa lupa ay ibabagsak.
Mapalad ang umaasa sa
Panginoon tuwina.
ALELUYA
Isaias 33, 22
Aleluya! Aleluya!
Panginoon, aming hukom,
Haring nag-uutos ngayon
kaligtasa’y ‘yong ihatol.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 9, 35 – 10, 1. 6-8
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, nilibot ni Hesus ang mga bayan at nayon at nagturo sa mga sinagoga. Ipinangaral niya ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos, at pinagaling ang mga may sakit, anuman ang kanilang karamdaman. Nang makita niya ang napakaraming tao, nahabag siya sa kanila sapagkat sila’y lito at lupaypay, parang mga tupang walang pastol. Kaya’t sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Sagana ang anihin, ngunit kakaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang anihin.”
Tinipon ni Hesus ang labindalawang alagad at binigyan ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at magpagaling ng mga may karamdaman. Sila’y pinagbilinan ni Hesus: “Hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin ninyo ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Disyembre 2, 2022
Linggo, Disyembre 4, 2022 »
{ 4 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Ebanghelyo ngayon ay ang paanyaya ni Hesus sa kanyang mga alagad ukol sa tawag ng misyon. Unang sinabi ng Panginoon na bagamat sagana ang ani ng Diyos, kaunti pa rin ang mga nag-aani. Kaya ang bilin ni Hesus sa kanyang mga alagad na hilingin sa Amang may-ari na magpadala ng mga manggawa sa anihan. Kaya dito isinugo ng Panginoon ang kanyang mga alagad upang ipahayag ang Paghahari ng Diyos sa mga nayon at bayan ng Israel, at magpaggaling sa mga maysakit @ iba pang taong nangangailangan ng paghilom.
Itong pagsusugo ang nagbigay-daan sa 12 Apostol na tunay maging saksi ng Panginoong namatay sa Krus, ngunit nabuhay na mag-uli. Sila ay nangaral sa ilang bahagi ng mundo, at diyan din nila narasan ang pagkamartir (maliban kay San Juan na pumanaw sa katandaan ng edad). Makikita natin ang kasagaaan ng ani ng Diyos dahil sa kanyang Paghahari, na nakikita natin kung naroroon ang pag-ibig, kapayapaan, at katarungan. Kaya patuloy na umiiral ang kanyang presensiya sa atin, lalung-lalo ngayong Adbiyento na inaanyayahan tayong ipaghanda ang kanyang pagdating sa mga araw-araw na gawain sa buhay. Nawa’y makabahagi tayo sa patuloy na paglaganap ng Kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng malugod na pagtugon sa panawagan ng misyon.
Salamat sa diyos
Pinupuri ka namin panginoong hesukristo!!
Ang aral at hamon ng ebanghelyo ngayon ay ang tularan natin ang mga apostol. Paano? gayong waa nman tayong kapangyarihan magpagaling at magpalayas ng demonyo. Oo, pero maari natin silang tularan sa misyon na magpalaganap ng Mabuting Balita, magpatotoo kay Hesus, maging mabuting halimbawa sa mga tao sa paligid natin. At maging masunurin sa Diyos.
Sa kasalukuyang panahon ay halos lahat ay nakatutok sa kani kanilang mga celfon at iba pang gadget, sa internet umiikot ang mundo, at sa social media nakikipag ugnayan. Samantalahin natin ito upang kahit papaano ay tayo ay maging apostol. Watching online mass and sharing it. Posting ng napapanahong bible quotes, messaging o pangangamusta sa kaibigang alam mong naliligaw ng landas. Or iba pang paraan gamit ang teknolohiya. Mabuti ang sumusunod ka sa kalooban ng Diyos subalit may tuungkulin at pananagutan din tayo sa ating kapatid o kapwa. Gamitin mo ang mga Salita ng Diyos o ang mga aral sa Mabuting Balita sa lahat ng iyong makakasalamuha, Gawin mong gabay ang mga pagbasa at ebenghelyo sa lahat ng iyong iisipin, sasabihin at gagawin. Sapagkat kapag ikaw ay nangaral ngunit hindi nman nakikita sa iyong pag uugali ay matatawag kang bulaan, hangal at mapag imbabaw.
Samantalahin natin ang Adviento sa mga misyong ito. Amen.
Salamat Panginoon sa iyong Banal na pangalan at mga salita, na siya namin gabay at patnubay sa araw-araw namin Buhay,,,, AMEN,..