Linggo, Nobyembre 27, 2022

November 27, 2022

Unang Linggo sa Panahon ng Pagdating ng Panginoon (A)

Isaias 2, 1-5
Salmo 121, 1-2. 4-5. 6-7. 8-9

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Roma 13, 11-14a
Mateo 24, 37-44


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

First Sunday of Advent (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 2, 1-5

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Ito ang pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem:
Sa mga huling araw,
Ang bundok na kinatatayuan ng Templo ng Panginoon
Ay mamumukod sa taas sa lahat ng bundok.
Daragsa sa kanya ang lahat ng bansa.
Ang maraming taong lalapit sa kanya ay magsasabi ng ganito:
“Halikayo, umahon tayo sa bundok ng Panginoon,
sa Templo ng Diyos ni Jacob, upang malaman natin ang kanyang mga daan
at matuto tayong lumakad sa kanyang mga landas.
Sapagkat sa Sion magmumula ang Kautusan, at sa Jerusalem, ang salita ng Panginoon.”
Siya ang mamamagitan sa mga bansa at magpapairal ng kapayapaan.
Kung magkagayun, gagawin na nilang sudsod ang kanilang mga tabak, at karit ang kanilang mga sibat.
Wala nang magsasanay sa pakikibaka at mawawala na ang mga digmaan.
Halina kayo, sambahayan ni Jacob, at tayo’y lumakad sa liwanag ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 4-5. 6-7. 8-9

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang manambahan,
ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ang kapayapaan nitong Jerusalem,
sikaping sa Poon yao’y idalangin:
“Ang nangagmamahal sa ‘yo’y pagpalain.
Pumayapa nawa ang banal na bayan,
at ang palasyo mo ay maging tiwasay.”

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Dahilan sa aking kasama’t katoto,
sa ‘yo Jerusalem, ang sabi ko’y ito:
“Ang kapayapaa’y laging sumaiyo.
“Dahilan sa templo ng Poong ating D’yos,
ang aking dalangi’y umunlad kang lubos.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 13, 11-14a

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:
Alam ninyong panahon na upang gumising kayo sa pagkakatulog. Ang pagliligtas sa atin ay higit na malapit ngayon kaysa noong tayo’y magsimulang manalig sa kanya. Namamaalam na ang gabi at malapit nang lumiwanag. Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti. Mamuhay tayo nang marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan. Ang Panginoong Hesukristo ang paghariin ninyo sa inyong mga buhay at huwag paglaanan ang laman upang bigyang-kasiyahan ang mga nasa nito.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Salmo 84, 8

Aleluya! Aleluya!
Pag-ibig mo’y ipakita,
lingapin kami tuwina
iligtas kami sa dusa!
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 24, 37-44

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon: Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Ang pagdating ng Anak ng Tao ay matutulad sa pagdating ng baha noong panahon ni Noe. Noon, ang mga tao’y nagsisikain, nagsisiinom at nag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok sa daong si Noe. Dumating ang baha nang di nila namalayan at tinangay silang lahat. Gayun din ang mangyayari sa pagdating ng Anak ng Tao. Sa panahong iyon, may dalawang lalaking gumagawa sa bukid; kukunin ang isa at iiwan ang isa. May dalawang babaing magkasamang gumigiling; kukunin ang isa at iiwan ang isa. Kaya magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw paririto ang inyong Panginoon. Tandaan ninyo ito: kung alam lamang ng puno ng sambahayan kung anong oras ng gabi darating ang magnanakaw, siya’y magbabantay at hindi niya pababayaang pasukin ang kanyang bahay. Kaya maging handa kayong lagi, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na di ninyo inaasahan.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 25, 2019 at 12:42 am

Pagninilay: Ngayon ay sinisimulan natin ang bagong taon sa Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan sa pamamagitan ng Panahon ng Adbiyento. Ang Adbiyento, na nangunguhulugang “pagdating,” ay isang panahon ng paghahanda sa Tatlong Pagdating ni Kristo: (1) Ang Kanyang Pagkatawang-tao na ipapagdiriwang natin sa darating na Pasko na Pagsilang, (2) Ang Kanyang Muling Pagbabalik sa wakas na panahon, at (3) Ang Kanyang Pagpapakita sa ating araw-araw na pamumuhay.
Sa ating Unang Pagbasa (Isaias 2:1-5), nagpahayag si Propeta Isaias ng isang orakulo tungkol sa kaganapan ng katarungan ng Diyos. Ang tanda nito ay ang pagtatampok sa Bundok ng Sion, kung saan matatagpuan ang tahanan ng Maykapal. Mula sa Jerusalem makikita natin ang Panginoon bilang isang Hukom na maghahatol sa mga bansa. Siya rin ay tanda ng katarungan at kapayapaan upang wala nang mangyaring kaguluhan pa. At sa bandang huli, hinikayat ni Isaias ang mga tao na lumakad sa liwanag ng Panginoon. Makikita natin sa propesiyang ito ni Isaias ang isang paghahanda sa Unang Pagdating ng Panginoong Hesus, na ating ipagdiwang sa darating na Kapaskuhan.
Sa ating Ebanghelyo (Mateo 24:37-44), makikita natin kung paanong hinula ng Panginoong Hesus ang mga mangyayari sa mundo bilang tanda ng katapusan. Idiniin ni Hesus ang kahalagahan ng paghahanda sa araw at oras na yaon. Aminin natin na walang nakakaalam kung kailan wawasak ang buong mundo, o kaya kailan babalik si Hesukristo upang paghukuman ang lahat ng nilalang. Ngunit hinihikayat tayo na maghanda at magbantay, sapagkat ayon nga sa sinabi ni Hesus, na ang kanyang pagpaparito ay katulad ng isang magnanakaw na pumasok sa bahay. Kaya itong Ikalawang Pagdating ni Kristo ay nagpapaalala sa atin kung paano natin haharapin ang kinabukasan. Maaaring natatakot tayo sa mga ganito klaseng mensahe at ang maraming tinatawag na “self-acclaimed” at “false prophets” na akala nila alam nila kung kailan wawasak ang daigdig. Subalit ang mensahe ng Ikalawang Pagdating ay hindi dapat magdala sa atin ng takot at pangamba, kundi magtanim sa atin ng pag-asa at pananampalataya na hindi lahat tatapos sa kamatayan. Subalit mayroon namang naghihintay sa atin na kaligayahang handog ng Diyos Ama at pati na rin ni Hesukristo: ang buhay na walang hanggan sa Kaharian ng Langit.
Kaya sa gitna ng Una at Ikalawa ay ang Ikatlong Pagdating. Ito ay ang pagkikilala natin kay Kristo sa misteryo at mga Sakramento, lalung-lalo na ang Eukaristiya. Ito yung paano natin siya mas mauunawaan sa mga karaniwang sitwasyon ng buhay. At sa Ikalawang Pagbasa (Roma 13:11-14), ipinapaalala sa atin ni San Pablo ang paglalakad sa liwanag ng Panginoon at pamumuhay sa kanyang katapatan. Ang mga bisyo at kasalanan ay kailangan nating talikdan upang masuot natin ang sandata ng birtud at kabutihan. Itong pagbasa ay naghudyat sa pagbabalik-loob ni San Agustin sa Diyos. Matapos ang isang buhay na marangya at mapang-alipusta, nakilala ni San Agustin ang Diyos at naging isang napakaimpluwensiyang dalubhasa sa larangan ng Pilosopiya at Teolohiya. At sa kanyang aklat na pinamagatang “Ang mga Kumpisal”, sinabi niya ito: “Ang banayad mong haplos ay aking naramdaman, at minimithi ko ngayon ay ang iyong kapayapaan.”
Nawa’y sa pagsisimula natin ng isang bagong taon sa Kalendaryo ng Simbahan, ating buksan ang ating puso’t isip sa mga pagpapala ng Diyos Ama upang makilala natin siya sa pamamagitan ng kanyang Bugtong Anak. Ihanda natin ang ating sarili sa 3 Pagdating ni Kristo na dala palagi ang tamis ng kabutihan na sana’y ipamalas natin sa ating kapwa.

Reply

Glicerio, Damoluan November 16, 2022 at 12:18 pm

Pagninilay Sa Mabuting Balita Mateo 24: 37-44
Noong unang panahon hindi alintala ng mga tao ang mga babala ni Noa. Inisip nila nahibang lang si Noa.
Sa halip na paghandaan nila ang darating na panganib, pinagtawanan pa nila si Noa. Kaya ng dumating ang malaki at malawakan pagbaha di nila naiwasan na sila’y anurin at tangayin. May dalawang babae na humingi ng saklolo ngunit isa lng ang nailigtas at sa ibang gawi may dalawang kalakihan ngunit isa din lng ang nakaligtas.
Dito dapat hindi natin ipagsawalang bahala ang mga babaka at salita ng Diyos. Lagi tayong maging handa sa lahat ng oras kc ang pagdating ng Panginoon ay di natin alam ang takdang oras. Ang paghahanda ay magawa lamang ito kng lubosan natin ipagtiwala sa Panginoon ang ating sarili.
Ang pagtiwala ay sa pamagitan ng ating mga ginaganap araw araw. Lagi tayong manalig sa Panginoon at magtiwala na di niya tayo pabayaan.
Sundin lamang natin ang nais ng Panginoon. Huwag tayong magmalaki, mapanglait, mapanglamang at ma[anghusga. Sa tingin natin ang iba ay makasalanan at marupok at tayo ay nasa taas. Sa isp natin tayo lang ang mahal ng Diyos. Ang Pgmamahal sa Diyos di lamang sa salita o pagkunwari na banal tayo gaya sa pagpakita sa kapwa na tayo lamang ang gumawa ng mabuti. Akayin natin sino man ang naligaw ng landas ayon sa kagustohan ng Panginoon. Buksan natin ang ating puso’t isip sa mga pagpapala ng Diyos upang karapatdapat sa kalooban ng Diyos at tayo ay handa sa pagdating ng Panginoon Kristo Hesus.

Reply

Rowena B. Tonogbanua November 26, 2022 at 2:43 pm

# Hibla : Kaya’t lagi tayong maging handa, matutu tayong lumakad sa kanyang mga landas, Mamuhay ng marangal, mamuhay tayo sa liwanag at italaga ang sarili sa pag-gawa ng mabuti.

Reply

Alfred B. Sugayan November 27, 2022 at 6:31 am

Layuan na natin ang lahat ng gawang masama at italaga ang sarili sa paggawa ng mabuti. Mamuhay tayo nang marangal at huwag gugulin ang panahon sa paglalasing at magulong pagsasaya, sa pagpapakasawa sa pita ng laman at kahalayan, sa alitan at inggitan, amen.

Reply

Arturo b Infeliz November 27, 2022 at 6:22 pm

naway sikapin natin at isapuso lagi mga turo ng panginoon, mamuhay nang naaayon sa kagustuhan niya. amen?

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: