Podcast: Download (Duration: 7:48 — 9.5MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes
Tinatawag tayo ng Panginoon na magbantay sa kanyang muling pagbabalik. Lumapit tayo sa Ama sa panalangin habang naghihintay sa kanyang pagdating.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon ng kasaysayan, palakasin mo kami.
Ang Simbahan nawa’y makatugon sa tawag ng pagbabalik-loob at pagbabago, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga taong may mabuting kalooban nawa’y sama-samang kumilos para wakasan ang pag-aaway at digmaan, pang-aapi at kawalang katarungan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating kamulatan sa presensya ni Kristo nawa’y higit pa nating palawigin sa ating mga dukha at mga naghihirap na kapwa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y pagkalooban ng lakas at pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang ating mga yumaong kamag-anak at kaibigan nawa’y maranasan ang walang hanggang kaligayahan sa piling ni Jesus, manalangin tayo sa Panginoon.
Makapangyarihang Diyos, pakinggan mo ang aming mga panalangin. Buksan mo ang aming paningin sa iyong presensya sa aming piling. Ilapit mo kami sa iyo araw-araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Huwebes, Nobyembre 24, 2022
Sabado, Nobyembre 26, 2022 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Totoong malapit na magtapos ang Kalendaryo ng ating Simbahan. Sa darating ngayong Linggo, papasok tayo sa bagong taon sa pagsisimula ng Panahon ng Pagdating (Adbiyento), na kung saan ipaghahadaan natin ang ating mga puso para sa Pagdating ni Kristo sa ating buhay, sa ating paglalapit sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang at sa ating pananabik sa kanyang muling pagpaparito sa katapusan ng panahon. Kaya ang mga pagbasa nitong pagtatapos ng taong panliturhiya ng ating Simbahan ay nagpapaalala sa atin ukol sa pagwawakas ng mundo.
Ang Unang Pagbasa ngayon ay isang kakaibang pangitain ni San Juan: ang sunud-sunod na mga pangyayari na minsan masasama, subalit ay nagiging mabuti. Ito ang mga iba’t ibang pagsubok na kung saan minsan nagtatagumpay ang kabutihan, subalit may mga pagkakataong ang kasamaan ay nananaig. Sa kabila ng nakikilabot na mga pangyayari sa ating buhay, na minsan hindi natin mapaliwanag kung bakit naganap ang mga ito, mayroong pag-asang nakita ang Apostol sa isa pang kagila-gilalas na pangitain: ang bagong Jerusalem. Ito ang bagong langit at bagong lupa, na kung saan wala na ang dating lupa’t dagat. Kaya ang ating disposisyon ay hindi lang dapat puno ng takot o pag-alinlangan, kundi puno ng pag-asa at kagalakan dahil sa kaganapan ng pangako ng Diyos na tayo’y sasamahan at aakuin niya tungo sa buhay na walang hanggan sa kalangitan. Kaya ang mga kasalukuyang pangyayari sa mundo, kahit masaya o malungkot, ay nagpapaalala sa atin na hindi dapat tayo maging kabado o maguluhan sa ating pag-iisip, kundi dapat tayo mag-asam ng mga bagay na makakamit natin kapag kapiling na natin ang Panginoon sa ating mga buhay.
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang patuloy na mensahe ng Panginoon ukol sa darating na katapusan. Kaya ang ginamit niyang larawan ay ang puno ng igos at ng iba pang punongkahoy. Kapag ang mga ito ay nagdamo, ito’y tanda na malapit na ang tag-araw. Ganun din ang mga “tanda ng panahon”, na nagsasabing malapit na ang paghahari ng Diyos. Subalit may iilang tao ay ginagawang literal na “malapit na raw magunaw ang mundo”. Ang nais ipahiwatig dito ng Panginoon na huwag tayong maging masyadong kumpiyansang magtatapos na ang ating daigdig at bukas ay darating na raw si Kristo. Bagkus, dapat tayo ay magkaroon ng sapat na paghahanda sa ating kalooban para sa pagdating na oras na yaon. At kahit lumipas pa ang langit at lupa, magiging matatag pa rin ang mga salita ng Panginoon. Kaya dapat tayong puno ng pag-asa na ang lahat ng mga pagsubok sa ating buhay ay balang araw lilipas din, subalit ang Panginoon ay patuloy na manantili sa atin magpakailanman. Kaya patuloy tayong maging tapat sa kanyang mga salita at isabuhay ang mga ito sa ating araw-araw na pamumuhay.
Lagi nating purihin, sambahin at dakilain ang ating mahal na Panginoon at Diyos Hesus, amen
{ 1 trackback }