Podcast: Download (Duration: 6:13 — 3.4MB)
PANALANGIN NG BAYAN
Ika-34 na Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes
Habang natitipon tayo upang ipagdiwang ang misteryo ng ating kaligtasan, bumaling tayo sa Diyos Ama nang may pananalig at hingin ang kanyang awa.
Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Tapat na Panginoon, basbasan mo kami.
Ang Bayan ng Diyos nawa’y maakit sa pananalangin at pagsisisi habang umaasa sila sa pagdating ng Kaharian ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga namumuno sa ating lipunan nawa’y makita ang kamay ng Diyos na gumagalaw sa mga pangyayari ng ating buhay, manalangin tayo sa Panginoon.
Tayo nawa’y tumingin sa kinabukasan nang may pag-asa at lakas ng loob, manalangin tayo sa Panginoon.
Ang mga maysakit nawa’y mamuhay sa kasiguruhan at pag-asa sa pamamagitan ng mga panalangin at pag-alalay ng kanilang mga kapamilya at kaibigan, manalangin tayo sa Panginoon.
Sa mga namayapa na, ipagkaloob nawa ng Anak ng Tao ang kaligtasan, manalangin tayo sa Panginoon.
Ama naming nasa Langit, pakinggan mo ang mga panalangin ng iyong bayan at tulungan mo kaming yakapin ang hamon ng krus sa araw-araw. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.
Pages: 1 2
« Miyerkules, Nobyembre 23, 2022
Biyernes, Nobyembre 25, 2022 »
{ 2 comments… read them below or add one }
Pagninilay: Malapit nang matapos ang Taong Panliturhiya ng Simbahan, at sa darating na Linggo ay papasok na tayo sa Bagong Taon sa pagsisimula ng Panahon ng Adbiyento. At makikita sa mga Pagbasa ang tanda tungkol sa katapusan ng mga bagay sa mundo. Ang Unang Pagbasa ay isang pangitain ni San Juan tungkol sa pagbagsak ng bayan ng Babilonia dahil sa makasalanang pamumuhay nito. At itong pagbasang ito ay madalas gamitin ng ibang sekta upang pagbintangan ang Simbahang Katolika bilang “Whore of Babylon”. Subalit ang kanilang limitadong pag-iisip ay hindi dapat pinapaniwalaan agad. Ang tinutukoy dito ni San Juan sa pangitain ay ang pagbagsak ng mga imperyong dating makapangyarihan dahil sa mga pianggagawang itong mga kalaswaan at bisyo, at iyan an nangyari sa Imperyo ng Roma (Roman Empire) nang lusubin ito ng iba’t ibang mga lahing nagmula sa Alemanya. Kaya kung paniniwalaan natin na ang ating Simbahang Katolika ay ang “Whore of Babylon” daw ayon sa mga ibang mangangaral, dapat natin tanungin kung bakit ito pa rin ay tumatayo nang matatag. Sapagkat ayon nga sa ipinangako ni Hesus na kahit kamatayan ay hindi mananaig sa kanyang Simbahang itinatag, ang Sambayanan ng Diyos na nagbubuklod sa kanyang pangalan upang ipatatag ang pananampalataya sa kanya. Makikita din sa pagbasa na sa kabila ng pagpaparusa sa mga masasama sa katapusan ng panahon, ang mga matutuwid ay makakamtan ang buhay na walang hanggan sa kalangitan. Ang ating Ebanghelyo ay isang paanyaya sa paghahanda sa katapusan ng panahon. Binabala ni Hesus ang mga mangyayari na mga pagwawasak sa mundo. Isinalaysay din niya kung anong mangyayayari sa araw, buwan, at mga bituin. Maaring ito yung ginagamit na mga pahayag upang maghasik ng takot sa mga tao na parating na araw ang araw ng Panginoon. Sinasabi rin ng ilan na malapit na ang huling paghuhukom. Ngunit hindi naiintindihan ng karamihan na walang nakakalam ang oras na darating iyon, kundi ang Diyos lamang. At ang kagandahang-loob ng Muling Pagpaparito ni Kristo ay ang makita ng lahat ang kanyang kaluwalhatian, na ang mga tao ay pagtittipunin ng Anak ng Tao mula sa mga dako ng himpapawid hanggang sa mga dako ng sanlibutan. At tayo ay inaanyayahan ni Hesus na magalak sa pagdating ng kaligtasan dahil tayo ay inaasahang gawing makabuluhan ang ating buhay ngayon. Kaya bilang mga Kristiyano, nawa’y patuloy natin palaganapin at patatagin ang ating pananampalataya sa Panginoon sa pamamgitan ng pagkakaroon ng espirituwal na paghahanda sa kanyang pagdating. Bagamat hindi natin alam kung kailan matatapos ang daigdig, ang dapat po natin bigyan pansin ay ang paghahanda sa katapusan ng ating buhay. Kapag tayo ay namatay, tayo ay ihuhukom ni Kristo ayon sa pag-ibig na ating ipinamalas. Nawa’y ipamalas natin ang pag-ibig ng Panginoon sa lahat upang balang araw makapiling natin siya sa kaluwalhatian ng langit.
Maraming pangyayari sa ating kspaligiran ang iniuugnay at sinasabing ito ay mga tanda na malapit na ang paggunaw sa mundo at ang paghuhukom.
Sa anumang katayuan natin sa ating buhay sikapin natin na maging mabuti at gumawa ng mga bagay na ikalulugod ng Panginoon. Panatiliin natin ang paghahari ng Panginoon sa ating buhay at palagi tayong magtiwala sa kabutihan ng Diyos. Anu mang problema at trials ang dumarating sa ating buhay andyan ang Panginoon upang tayo ay damayan basta tayo ay magtiwala sa Kanya.
Ako’y nagtitiwala at umaasa na ako ay bibigyan ng Panginoon ng buhay na walang hsnggan kasama Niya at ng mga Angeles at mga Santo sa Kanyang kaharian sa langit.
Salamat Panginoon sa lahat ng mga biyayang patuloy Mong ipinagkakaloob sa aking pamilya. Sumaamin nawa ang kapayapaan dito sa aming pamilya, kumunidad, sa buong bansa at sa buong daigdig. Ang lahat ng pspuri at pasasalamat ay itinataas namin Saiyo Panginoon. Amen.