Linggo, Nobyembre 20, 2022

November 20, 2022

Pagkahari ng Panginoong Hesukristo sa Sanlibutan (K)
Ika-34 o Huling Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

2 Samuel 5, 1-3
Salmo 121, 1-2. 4-5

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Colosas 1, 12-20
Lucas 23, 35-43


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

The Solemnity of Our Lord Jesus Christ, King of the Universe (White)

UNANG PAGBASA
2 Samuel 5, 1-3

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel

Noong mga araw na iyon, nagkaisa ang lahat ng angkan ng Israel na pumunta sa Hebron upang makipagkita kay David. Sinabi nila, “Kami’y laman ng iyong laman at dugo ng iyong dugo. Nang si Saul ang hari namin, nanguna ka sa mga kawal ng Israel sa pakikipagdigma. Ipinangako sa iyo ng Panginoon na gagawin ka niyang hari upang mamuno sa kanyang bayan.” Lahat ng matatanda ng Israel ay nagpunta nga sa Hebron at doo’y nakipagkasundo sa kanya sa harapan ng Panginoon. Binuhusan nila ng langis si David at kinilalang hari sa Israel.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 121, 1-2. 4-5

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Ako ay nagalak, sa sabing ganito:
“Sa bahay ng Poon ay pumasok tayo!”
Sama-sama kami matapos sapitin,
ang pintuang-lungsod nitong Jerusalem.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

Dito umaahon ang lahat ng angkan,
lipi ni Israel upang magsambahan,
ang hangad, ang Poon ay pasalamatan,
pagkat ito’y utos na dapat gampanan.
Doon din naroon ang mga hukuman
at trono ng haring hahatol sa tanan.

Masaya tayong papasok
sa tahanan ng Poong D’yos.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 1, 12-20

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid, magpasalamat kayo sa Ama, sapagkat minarapat niyang ibilang kayo sa mga hinirang na magmamana ng kaharian ng kaliwanagan. Iniligtas niya tayo sa kapangyarihan ng kadiliman at inilipat sa kaharian ng kanyang minamahal na Anak. Sa pamamagitan ng Anak, tayo’y pinalaya at pinatawad sa ating mga kasalanan.

Si Kristo ang larawan ng Diyos na di nakikita, at siyang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. Sapagkat ang lahat ng nasa langit at nasa lupa, nakikita man o hindi, pati ang mga naghahari at namamahala, mga namumuno at may kapangyarihang espirituwal ay pawang nilikha ng Diyos sa pamamagitan niya at para sa kanya. Siya’y una sa lahat, at sa kanya nasasalalay ang kaayusan ng lahat ng bagay. Siya ang ulo ng simbahan na kanyang katawan. Siya ang Una, ang panganay na Anak ang unang nabuhay na muli upang siya ang maging pinakadakila sa lahat ng bagay. Ipinasiya ng Diyos na ang kanyang kalikasan ay manatili rin sa Anak, at inibig niyang ang sandaigdigan ay makipagkasundo sa kanya sa pamamagitan ng Anak. Sa pamamagitan ng pagkamatay nito sa krus, nagkasundo nga ang Diyos at ang lahat ng nilikha sa langit at sa lupa.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Marcos 11, 9. 10

Aleluya! Aleluya!
Pagpalain dumarating
sa ngalan ng Poon natin,
paghahari’y kanyang angkin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 23, 35-43

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas.

Noong panahong iyon, nilibak si Hesus ng mga pinuno ng bayan. Anila, “Iniligtas niya ang iba; iligtas naman niya ngayon ang kanyang sarili, kung siya nga ang Mesiyas, ang hinirang ng Diyos!” Nilibak din siya ng mga kawal, nilapitan at inalok ng maasim na alak. Sinabi nila, “Kung ikaw ang Hari ng mga Judio, iligtas mo ang iyong sarili.” At nakasulat sa ulunan niya sa wikang Griego, Latin at Hebreo, “Ito ang Hari ng mga Judio.”

Tinuya siya ng isa sa mga salaring nakabitin, at ang sabi, “Hindi ba ikaw ang Mesiyas? Iligtas mo ang iyong sarili, pati na kami!” Ngunit pinagsabihan siya ng kanyang kasama, “Hindi ka ba natatakot sa Diyos? Ikaw ma’y pinarurusahang tulad niya! Matuwid lamang na tayo’y parusahan nang ganito dahil sa ating mga ginawa; ngunit ang taong ito’y walang ginawang masama.” At sinabi niya, “ Hesus, alalahanin mo ako kapag naghahari ka na.” Sumagot si Hesus, “Sinasabi ko sa iyo: ngayon di’y isasama kita sa Paraiso.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 17, 2019 at 8:55 pm

Pagninilay: Sa isang lupain na pangalan ay Pride Rock, may mga hayop na nakatira dito. At ang kanilang hari ay si Mufasa. Si Mufasa ay makapangyarihan ngunit siya rin ay matulungin sa kanyang kapwa. Ang kanyang asawa ay si Sarabi, ang reyna ng Pride Rock. Isang panahon, isang batang leon ay ipinanganak sa kanila, at pinangalan itong Simba na siya ay magiging hari kasunod ni Mufasa. Ngunit may kapatid si Mufasa na ang pangalan niya ay Scar. Si Scar ay naiingit sa kanya dahil gusto niya maging hari, kaya naging taksil siya, at ang kanyang mga gwardya ay mga hiyena. Isang panahon ay masusubok sa buhay ni Simba. At nagkaroon ng isang stampede na hinahabol ng mga hiyena ang mga wildebeest, at si Simba ay nasa bangin pa. Ito ay isang balak ni Scar para itanggal sina Mufasa Simba para siya ang magiging hari. Pagkatapos iniligtas ni Mufasa ang kanyang anak, siya naman ay napahamak. Humingi siya ng tulong sa kanyang kapatid, ngunit sinabi ni Scar sa kanya, “Mabuhay ang Hari!” Nahulog ang hari sa bangin, at namatay. Nalungkost naman si Simba. Ngunit dinaya siya ni Scar at inakala na siya ay responsable sa pagkamatay ng kanyang ama, kaya siya ay tumakbo. Pero may mga ibang hayop na tumulong sa kanya na siya nga ang itinuturing ng hari gaya nina Timone, Pumba, Nala, at ang kanyang ama na nakita niya sa ulap. Sinabi pa naman ni Mufasa sa kanya, “Alalahanin mo kung sino ka: ikaw ang aking anak.” At ito ang nagsimula ang pakipaghiganti ni Simba kay Scar at ang mga hiyena. Sa huli, naligtas na ang Pride Rock, at si Simba at Nala ay nagkaroon ng isang anak. Si Simba ay halimbawa ng makapaglingkod na hari gaya ng ating Panginoong Hesukristo. Noong Disyembre 11, 1925, idineklara ni Papa Pio XI ang Dakilang Kapistahan ni Kristong Hari bilang pagtatapos ng kalendaryong pangliturhiya ng Simbahan. Ano bang klaseng hari si Kristo? Kapag sinabi natin hari, ito ay isang makapangyarihang tao, mayaman, pinuno, atbp. Ngunit iba si Kristo sa mga hari at pinuno ng sanlibutan. Siya ay makapagkumbaba, makapaglingkod, at masunurin sa Ama. Sina Simba at Mufasa nga ay ganun rin. Nakita natin ang mga imahe ni Kristong Hari, at siya ay nakasuot ng isang korona ng kaluwalhatian sa ulo niya. Ngunit noong siyang nagdudusa, ang sinuot niya ang isan korona nang may tinik dahil ipinapakita natin na siya ang Hari na nagdudusa para sa atin ayon sa mga propesiya ni Propeta Isaias. Siya rin ay nagmula sa lahi ng David dahil iniligtas niya tayo mula sa kasalanan. Noong siya ay ipinanganak, siya ay nakahimlay sa sabsaban bilang kanyang trono. Hinugasan niya rin ang paa ng kanyang mga alagad, at ibinigay sa atin ang Sakramento ng Eukaristiya bilang alaala sa kanyang pag-aalay ng kanyang buhay. Sa ating paglakbay sa daan, gaya ni Kristong Hari, tayo rin ay maging makapagkumbaba, makapaglingkod, at masunurin sa isa’t isa at sa iba.

Reply

Glicerio, Damoluan November 17, 2022 at 11:56 am

Pagninilay Lk 23: 35-43
Ang isang Hari ay tinuturing na makapangyarihan sa kanyang bayan. Mayaman at may mga sandatahan na naglinkod sa kanya.
Ang Panginoon ay naiba sa lahat dahil itinuring natin siya ang Hari ng sanlibutan. Siya ay makapagkumbaba, makapaglingkod, masunurin, maunawain at mapagmahal sa Ama ay sankatauhan.
Ang koronang nakapatong sa kanya kng pagmasdan ay puno ng tinik ngunit ito ay simbolo sa kaluwalhatian. Bumaba siya sa mundo upang pairalin ang katahimikan at nakahanda niyang patawarin at tangapin sino man.
Pero ano ang ganti ng mga tao sa kanya. Ipinako sa krus at nilait lait pa,binuhosan ng suka, asin at dinuraan pa.
Isang kriminal ang nagsalita di ba ikaw si Kristo ang hari, iligtas mo ang sarili pati na rin kami ngunit ung isa sumagot di ka naba kinilabutan tayo ay dapat lamang sa parusa sa ating mga pagkasala ngunit ang taong ito walang nagawang pagkasala na di dapat parusahan gaya natin. Ibinaling niya ang tingin kay Kristo at nagsalita Panginoon alalahanin mo ako kapag nasa kaharian kana Sinabi ni Hesus Kristo ngayon din sasama ka sa akin at sa iyo ang pagpatawad at gantimpala ng Diyos.
Dito narapat sundan natin ang yapak ni Hesus Kristo na maging makapagkumbaba, makapaglingkod, at mapagmahal sa kapwa. Hindi lang sa bukang bibig kundi sa gawain

Reply

Alfred Sugayan November 20, 2022 at 9:47 am

Purihin natin ang Dakilang Panginoon Diyos Hesu Kristo, ang Hari ng buong sansinukob, amen.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: