Sabado, Nobyembre 19, 2022

November 19, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Sabado

Napakamaluwalhati ng kapayapaan at pag-asa sa Muling Pagkabuhay! Manalangin tayo nang may pusong malaya mula sa hangal na pag-aalinlangan at pagdududa sapagkat nananalig tayo sa pangako ni Jesus na Muling Nabuhay para sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Diyos ng buhay, dinggin mo ang aming panalangin.

Ang Simbahan sa buong daigdig nawa’y magpatuloy na magpahayag ng Mabuting Balita ng Muling Pagkabuhay at ng buhay na walang hanggan, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa ating pang-araw-araw na buhay, nawa’y maihatid natin ang liwanag ng bagong pag-asa sa mga nabubuhay sa kadiliman at kawalang pag-asa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha, mga walang tahanan, at mga nangangailangan nawa’y madama ang Panginoon ng Buhay sa pamamagitan ng pag-ibig at kagandahang-loob ng mga mabubuti sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit, at yaong mga nagdurusa nawa’y matagpuan ang mapagpagaling na presensya ni Kristo sa kanilang buhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng kaligayahan sa tiyak na pag-asa ng Muling Pagkabuhay, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos ng mga buhay, bigyan nawa kami ng Eukaristiyang ito ng paghangad sa walang hanggang Hapag, na iyong inihanda sa aming kung saan malulugod kami sa kaligayahan ng iyong presensya magpakailanman. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez November 19, 2022 at 1:02 am

PAGNINILAY: Ang buong buwan ng Nobyembre ay inaalay para sa mga Yumaong Kristiyano, kasama na dito ang lahat ng ating mga mahal sa buhay na pumanaw na. Noong una at ika-2 ng buwang ito, inalala natin sila sa ating mga panalangin, ipinagmisa, at binista ang kanilang mga puntod dala ang mga kandila at bulaklak. Patuloy nating sila ginugunita sa buong Nobyembre dahil sa Panginoon na buhay. Ibig sabihin na may pag-asa pang naghihintay para sa atin matapos tayong papanaw sa mundong ito.

At ito’y pinatototoo ng Panginoong Hesus sa Ebanghelyo bilang pahayag na mayroon ngang “muling pagkabuhay,” na ito naman ay hindi pinaniniwalaan ng mga Saduceo. Kaya nagbanggit sila ng isang sitwasyon kung saan 7 magkapatid na lalaki ay nagpakasal sa iisang babae matapos mamatay ang isa, ngunit hindi nagkaanak. Kaya pagdatng ng “pagkabuhay na mag-uli”, kanino raw sa 7 magkapatid ang kikilaning asawa. Tugon ni Hesus na hindi kailanma’y sila’y kasal habambuhay kapag nasa kabilang buhay na. Kaya ang pagsasama ng babae at lalaki bilang mag-asawa ay hanggang sa mundo nito lamang. Subalit sa kabilang buhay, lahat ng tao ay magiging pantay na tatawaging anak ng Kataas-taasang Diyos. Ito’y patunay na mayroon talagang pag-asang naghihintay sa pamamagitan ng biyaya ng buhay na walang hanggan. At ito’y patotoo na ang Panginoon ay Diyos ng buhay, hindi ng patay, sapagkat ang lahat sa kanya ay tunay na buhay.

Kaya nga n’ung si Hesus ay namatay sa Krus at inilibing, siya’y nabuhay na mag-uli upang ipamalas sa atin na wala nang kamandag ang kamatayan na manatiling tapos ang ating buhay. Kaya huwag po tayong matakot sa kamatayan sapagkat lahat tayo ay papanaw sa daigdig na ito. Subalit lahat tayo ay muling mabubuhay at kakamtan ang kaligayan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Kaya nawa maging makabuluhan ang ating buhay dito sa lupa upang patuloy natin ang pagpapalaganap ng Paghahari ng Panginoon na nasa Langit.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: