Huwebes, Setyembre 29, 2022

September 29, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
San Miguel, San Gabriel, at San Rafael

Ang ating mga panalangin sa araw na ito ay inilalapit natin sa Ama sa pamamagitan ng pagkilos ng mga banal na Arkanghel, ang mga ganap na espiritu na walang tigil na naglilingkod sa Diyos at sa kanyang bayan.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel,
pagpalain Mo kami, O Panginoon.

Ang mga Kristiyanong nagdurusa dahil sa pag-uusig nawa’y ipagtanggol at palakasin ni San Miguel, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagpapahayag ng katotohanan nawa’y mabuhayan ng loob sa pangangalaga ni San Gabriel, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga kapatid na maysakit at nagdurusa nawa’y aliwin ni San Rafael, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y magkaroon ng kababaan ng loob sa harap ng hiwaga ng paglikha na hindi natin nakikita, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang laging mamalayan ang pagkilos ng ating mga anghel na tagatanod, manalangin tayo sa Panginoon.

Diyos na Maylikha sa amin, tanggapin mo ang aming mga panalangin at kahilingan habang nagdiriwang kami dahil sa tulong ng mga anghel sa kalangitan na natitipon sa paligid ng dambanang ito. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 6 comments… read them below or add one }

maria margarita almonguera September 30, 2016 at 2:03 am

lahat tayo ay may anghel na sumusubaybay sa atin.Lagi nating hingin ang pagsubaybay nila sa lahat nating gagawin ay magiging nasa tama at naayon sa kalooban ng Ama.

Reply

Reynald David Perez September 29, 2018 at 5:36 am

Mula kay Fr. Rey Anthony Yatco:
MAGANDANG BALITA NGAYON – KAPISTAHAN NINA ARKANGHEL MIGUEL, GABRIEL AT RAFAEL

JUAN 1:47-51 Noong panahong iyon, nang makita ni Hesus si Natanael, ay kanyang sinabi, “Masdan ninyo ang tunay na Israelita; siya’y hindi mandaraya!” Tinanong siya ni Natanael, “Paano ninyo ako nakilala?” Sumagot si Hesus, “Bago ka pa tawagin ni Felipe, nakita na kita nang ikaw ay nasa ilalim ng puno ng igos.” “Rabi, kayo po ang Anak ng Diyos! Kayo ang Hari ng Israel!” wika ni Natanael. Sinabi ni Hesus, “Nananampalataya ka ba dahil sa sinabi ko sa iyong nakita kita sa ilalim ng puno ng igos? Makakakita ka ng mga bagay na higit kaysa rito!” At sinabi niya sa lahat, “Tandaan ninyo: makikita ninyong bukas ang langit,y at ang mga anghel ng Diyos ay manhik-maanog sa kinaroroonan ng Anak ng Tao!”

MAGNILAY: Sino ang manhik-manaog ng tahanan kundi ang utusan? Ang mga anghel ay manhik-manaog ng langit dahil nauutusan ng Diyos ihatid ang mabuting balita ng kanyang kalinga sa mga tao. Sila’y mga dakilang mensahero ng kanyang pagmamahal. Sinumang naghahatid ng pag-ibig ng Diyos sa kapwa maging espiritu man o tao ay anghel. Gayun man ay huwag kalimutang may pakpak ang anghel na nagpapahiwatig ng bilis. Walang anghel ng Diyos ang kukupad-kupad. Sa tindi ng pagkagutom ng mundo ng mabuting balita ng pag-ibig ng Diyos hindi natin maaatim na magbagal-bagal.

MANALANGIN: Panginoon, sing-bilis ng anghel nawa naming ihatid ang balita ng iyong pagliligtas sa lahat.

GAWIN: Lumipad ka kung kailangan upang maghatid ng mensahe ng awa ng Diyos.

Reply

Reynald Perez September 25, 2020 at 11:10 pm

PAGNINILAY: Ipinagdiriwang tuwing Ika-29 ng Setyembre ang Kapistahan ng 3 Banal na Arkanghel na sina San Miguel, San Gabriel, at San Rafael.

Si San Miguel (“Ang Katulad ng Diyos”) ay kilala bilant Tagapagtanggol ng Langit. Siya’y Prinsipe ng mga anghel at nagsisilbing sandata laban sa kasamaang dulot ng itinalsik na Arkanghel na si Lucifero o mas kilala bilang si Satanas. Makikita sa ikalawang opsyon ng Unang Pagbasa ang Digmaan sa pagitan ng kalangitan at impiyerno, at kasabay ng Panginoong Hesus ay si San Miguel na namumuno sa mga kawal ng anghel upang hindi maghari ang kasamaan sa lupa.

Si San Gabriel (Lakas ng Diyos) ay kilala bilang Mensahero ng Panginoon. Siya’y mismong nagbalita tungkol sa katuparan ng kaligtasan ng Amang Diyos nang nagpakita siya kina Zacarias at Birheng Maria. Sinasabi rin na siya yung anghel na nag-alo sa Panginoon nang ipinaghahanda nito ang Misteryong Paskawal sa Hardin ng Getsemani.

Si San Rafael (Tagagamot ng Diyos) ay kilala bilang anghel na nagpapagaling. Makikita natin sa Aklat ni Tobit kung paano niyang pinaggaling si Tobias mula sa pagkabulag nito. Maraming himala tungkol sa pagapagaling ay iniaalay sa kanyang karangalan.

Ang mga 3 Arkanghel ay nagsisilbing gabay sa atin upang sundin ang kalooban ng Panginoon. Makikita sa Ebanghelyo ang pagtawag ni Hesus kay Natanael/San Bartolome sa ilalim ng puno ng igos. Matapos ipinahayag ng Apostol tungkol sa kanya bilang Anak ng Diyos, sinigurado ni Hesus na makikita niya balang araw na magbubukas ang langit at ang mga anghel ay kapiling ang Anak ng Tao. Kaya’t pinaghahandaan tayo ng Kapistahan ito sa Muling Pagpaparito ng Panginoon sa katapusan ng panahon.

Ipinaalala sa atin ng mga anghel na nawa’t patuloy tayo sa pagsunod sa plano at kagustuhan ng Diyos at sa pagpapalaganap ng kanyang pagmamahal sa ibang tao.

Reply

Donna September 29, 2020 at 9:53 am

Panginoon patuloy nyo pong ipadala sa amin sina San Miguel,Gabriel at Rafael archangel kasama ang Banal na Espiritu para po sa aming kaligtasan amen.

Reply

flor October 3, 2020 at 9:32 am

Salamat Po Panginoon At Binigyan Po Ninyo Kami Ng Gabay Upang Lalo Po Naming Maunawaan Ang Tunay Na Kahalagahan, Salamat Sa Aming Bantay Na mga Anghel Dela Guwardiya, Sa Pagkat Hanggang Ngaun Kami Ay Malakas At Lumalaban Sa Hamon Ng Buhay, Salamat Sa inyong Pag aaruga At mag iingat Sa Aming Pamilya At Patawad Kung Minsan Kami Ay Pasaway, Mahal Aming tagapagbantay Nakikiusap Po Kami Na Lalo Po Ninyo Kaming Idalangin Kay Kristong Kataas Taasang Anak Ng Diyos Ama Na May Likha Sa,Lahat Ng Bansa, Na Lalo Po Kaming Ingatan At Patatagin Sa Anumang Pagsubok Na Aming Haharapin. Amen

Reply

Ellen Puso Soriano September 29, 2022 at 4:29 am

Maraming salamat O DIOS sa mga Angel dela gwardiang isinugo mo upang kami’y bantayan. Kaligtasay tanging sayo lamang matatagpuan. Nawa Patuloy magliwab sa liwanag ang mga banal mong Aral sa aming lahat. At tulad ni Nathaniel Nawa’y maging tapat din kaming sumunod Sayong mga utos at tuntunin. Hwag mong ipahintulot na madaig kami sa gawa ng Diablo, bagkos mapaglabanan naming lahat ng hamon at itakwil ang lahat ng Gawain udyok ng Anghel ng kadiliman. Tanging ikaw lamang ang liwanag at pag-asa.kaya O DIOS PUPURIHIN KITA LAGI NGAYON AT MAGPAKAILANMAN AMEN

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: