Huwebes, Agosto 11, 2022

August 11, 2022

Paggunita kay Santa Clara, dalaga

Ezekiel 12, 1-12
Salmo 77, 56-57. 58-59. 61-62

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Mateo 18, 21 – 19, 1


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Clare, Virgin (White)

Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-19 na Linggo sa Karaniwang Panahon

UNANG PAGBASA
Ezekiel 12, 1-12

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Ezekiel

Sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, nasa gitna ka ng isang mapaghimagsik na bayan. May mga mata sila ngunit hindi nakakikita at mga taingang hindi nakaririnig pagkat sila’y mapaghimagsik. Kaya nga, magbalot ka ng kailangan mo sa paglalakbay bilang isang itinapon. Bago dumating ang gabi, maglalakad ka sa lansangan nang nakikita nila at baka sakaling makaunawa sila sa kabila ng pagiging mapaghimagsik nila. Samantalang maliwanag pa, maghanda ka ng iyong dala-dalahan nang nakikita nila at kinagabihan ay maglalakad kang parang manlalakbay. Pagkatapos, bumutas ka sa pader at doon ka magdaan. Pasanin mo ang iyong dala-dalahan at lumakad kang nakikita nila. Magtakip ka ng mukha para hindi mo makita ang lupain pag-alis mo pagkat ikaw ang gagawin kong pinakababala sa mga Israelita.”

At ginawa ko ang lahat ayon sa utos sa akin. Nang araw na iyon, naghanda ako ng aking madadala bilang isang takas. Kinagabihan, bumutas ako sa pader at nagpatuloy sa paglalakbay na nakikita nila habang pasan ko ang akin mga dala-dalahan.

Kinaumagahan, sinabi sa akin ng Panginoon, “Tao, hindi ba’t itinanong sa iyo ng mapaghimagsik na mga Israelitang yaon kung ano ang iyong ginagawa? Sabihin mo sa kanila na ipinasasabi ko: ‘Ang pahayag na ito ay para sa pinuno ng Jerusalem at sa buong Israel. Sabihin mong ang ginawa mo ang pinakababala sa gagawin sa kanila: Itatapon sila, at ipabibihag.’ Pagdilim, papasanin ng pinuno ng Jerusalem ang kanyang dala-dalahan at tatakas sa pamamagitan ng butas sa pader. Magtatakip siya ng kanyang mukha para hindi niya makita ang lupaing iiwan niya.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 77, 56-57. 58-59. 61-62

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Ngunit sila’y naghimagsik sa Kataas-taasang Diyos,
hindi nila iginalang ang kanyang mga utos;
katulad ng nuno nila sila’y kusang tumalikod,
nagtaksil na wari’y panang lumipad nang walang taros.

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Nanibugho itong Diyos, sa kanila ay nagalit,
nang makita ang dambana ng larawang iniukit.
Sumama ang loob niya noong ito ay mamasid,
itinakwil ang Israel sa tindi ng kanyang galit.

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

Sagisag ng kanyang lakas, ang kaban ng kanyang tipan,
binayaan na mahulog at makuha ng kaaway.
Nagalit sa kanyang baya’t ibinigay sa kaaway,
kaya naman ang marami sa kanila ay namatay.

Hindi nila malilimot
ang dakilang gawa ng D’yos.

ALELUYA
Salmo 118, 135

Aleluya! Aleluya!
Poon, iyong pasikatin
kagandahan ng loobin
ng kabutihan mo sa ‘min.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 18, 21 – 19, 1

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, lumapit si Pedro at nagtanong kay Hesus, “Panginoon, makailan pong patatawarin ang aking kapatid na paulit-ulit na nagkakasala sa akin? Makapito po ba?” Sinagot siya ni Hesus, “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito. Sapagkat ang paghahari ng Diyos ay katulad nito: ipinasiya ng isang hari na pagbayarin ang kanyang mga lingkod na may utang sa kanya. Unang dinala sa kanya ang isang may utang na sampungmilyong piso. Dahil sa siya’y walang ibayad, iniutos ng hari na ipagbili siya, ang kanyang asawa, mga anak, at lahat ng ari-arian upang makabayad. Nanikluhod ang taong ito sa harapan ng hari at nagmakaawa: ‘Bigyan pa ninyo ako ng panahon, at babayaran ko sa inyo ang lahat.’ Naawa sa kanya ang hari kaya ipinatawad ang kanyang mga utang at pinayaon siya.

“Ngunit pagkaalis niya roon ay nakatagpo niya ang isa sa kanyang kapwa lingkod na may utang na limandaang piso sa kanya. Sinunggaban niya ito at sinakal, sabay wika: ‘Magbayad ka ng utang mo!’ Naglumuhod iyon at nagmakaawa sa kanya: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon at babayaran kita.’ Ngunit hindi siya pumayag; sa halip ipinabilanggo niya ang kanyang kapwa lingkod hanggang sa ito’y makabayad. Nang makita ng kanyang mga kapwa lingkod ang nangyari, sila’y labis na nagdamdam; pumunta sila sa hari at isinumbong ang nangyari. Kaya’t ipinatawag siya ng hari. ‘Ikaw — napakasama mo!’ sabi niya. ‘Pinatawad kita sa utang mo sapagkat nagmakaawa ka sa akin. Nahabag ako sa iyo; hindi ba dapat ka ring mahabag sa kapwa mo?’ At sa galit ng hari, siya’y ipinabilanggo hanggang sa mabayaran niya ang kanyang utang. Gayun din ang gagawin sa inyo ng aking Amang nasa langit kung hindi ninyo patatawarin ang inyong kapatid.”

Pagkatapos sabihin ni Hesus ang mga bagay na ito, siya’y umalis sa Galilea at nagtungo sa lupain ng Judea, sa kabila ng Ilog Jordan.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez August 9, 2020 at 4:36 pm

PAGNINILAY: Sa Unang Pagbasa (Ezekiel 12:1-12), inituos ng Panginoong Diyos kay Propetang Ezekiel na magdala ng bagahe na tila nga bang siya’y tinatapon sa isang hindi kilalang lupain. Inutusan din ang propeta na maglakbay mula sa kanyang tinitirahang lupain papunta sa iba pang lupain, at sinusundan siya ng rebeldeng bayan ng Israel. Makikita natin dito kung paanong pinabayaan ng Panginoon na mabihag ng mga kalabang bansa ang Israel dahil sa pagiging pagmatigasin nito. Ngunit hindi niya pinabayaan sila nang kabuuan dahil sa kanyang katapatan. Kaya nga gumawa pa rin siya ng paraan upang ipalaya sila mula sa pagkabihag na iyon pabalik sa kanilang orihinal na lupain. Sa kabila ng pagkukulang at pagkakasala ng tao, patuloy na magiging tapat ang Panginoon sa pagpapamalas niya ng kanyang dakilang habag sa mga tao.

Sa ating Ebanghelyo (Mateo 18:21—19:1), itinuturo sa atin ni Hesus ang kahalagan ng pagpapatawad. Unang kanyang sinabi ay ang pagpapatawad ng pitumpu’t pitong beses. Sa Genesis 4:24, pumatay si Lamec ng isang bata dahil sinusugatan siya nito. Kaya sinabi niya na kung si Cain man ay sinaktan, pitong beses ang parusa ng gumawa, at kung siya naman ay sinaktan, pitumpu’t pitong beses ang kaparusahan. Ngunit para kay Hesus, ang bilang na ito ay hindi pisikal na sakitan, kundi pagpapatawad. Dapat buong pusong at agad patawarin natin ang taong nagsisi sa maling gawai. Tunay na dakila ang pagmamahal ng Diyos sa atin. Tuwing tayo’y nagkukumpisal, inaamin natin na tayo’y mali. At napakaganda ang mensahe ng Panginoon sa pahayag ng mga pari, na tayo’y pinatawad niya. Kaya lang kung talagang pinatawad niya tayo, hindi ba dapat matuto tayong magpatawad? Ang lalaking may malaking utang sa talinghaga ay napagbigyan ng hari ng pagkakataong magbayad, pero yung lingkod na may maliit na utang sa kanya ay pinakulong at hindi pinagbigyan ng pagkakataong magbayad. Kaya nagalit ang hari, pinalaya ang lingkod ng lakaki, at pinakulong ang lalaki hanggang bayarin ang utang nito.

At totoo ang isang pahayag ni Kristo: “Kung pinapatawad ninyo ang mga nagkasala sa into, patatawarin din kayo ng inyong Amang nasa langit. Ngunit kung hindi ninyo pinatatawad ang mga nagkakasala sa inyo, hindi rin kayo patatawarin ng inyong Ama” (Mateo 6:14-15). Sa ating paglalakbay sa daang ito, nawa’y taospusong magpatawad tayo gaya ng pagpapatawad ng Panginoon tuwing nagsisisi tayo sa kanya.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: