Podcast: Download (Duration: 6:34 — 3.1MB)
Ika-18 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Colosas 3, 1-5. 9-11
Lucas 12, 13-21
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Eighteenth Sunday in Ordinary Time (Green)
UNANG PAGBASA
Mangangaral 1, 2; 2, 21-23
Pagbasa mula sa aklat ng Mangangaral
Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay, sinabi ng Mangangaral.
Lahat ng ginawa ng tao’y pinamuhunanan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay maiiwan lamang sa susunod sa kanya. Ito ma’y walang kabuluhan. Anuman ang gawin ng tao ay nagdudulot ng kabiguan at sakit ng kalooban. Anumang gawin ng tao’y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 89, 3-4. 5-6. 12-13. 14 at 17
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Yaong taong nilikha mo’y bumabalik sa alabok
sa lupa ay nagbabalik kapag iyong iniutos.
Ang sanlibong mga taon, ay para bang isang araw,
sa mata mo, Panginoon, isang kisap-mata lamang;
isang saglit sa magdamag na ito ay dumaraan.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Mga tao’y pumapanaw na para mong winawalis,
parang damo sa umagang tumubo sa panaginip.
Parang damong tumutubo, na may taglay na bulaklak,
kung gumabi’y nalalanta’t bulaklak ay nalalagas.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Yamang itong buhay nami’y maikli lang na panahon,
itanim sa isip namin upang kami ay dumunong.
Hanggang kailan magtitiis na magdusa, Panginoon,
kaming iyong mga lingkod na naghihirap sa ngayon?
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
Kung umaga’y ipadama yaong wagas mong pag-ibig
at sa buong buhay nami’y may galak ang aming awit.
Panginoon naming Diyos, kami sana’y pagpalain,
magtagumpay sana kami sa anumang aming gawin.
Poon, amin kang tahanan
noon, ngayon at kailanman.
IKALAWANG PAGBASA
Colosas 3, 1-5. 9-11
Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas
Mga kapatid, binuhay kayong muli, kasama ni Kristo, kaya’t ang pagsumikatan ninyo ay ang mga bagay na nasa langit na kinaroroonan ni Kristo na nakaupo sa kanan ng Diyos. Isaisip ninyo ang mga bagay na panlangit, hindi ang mga bagay na panlupa, sapagkat namatay na kayo at ang tunay na buhay ninyo’y natatago sa Diyos, kasama ni Kristo. Si Kristo ang tunay na buhay ninyo, at pag siya’y nahayag, mahahayag din kayong kasama niya at makakahati sa kanyang karangalan.
Kaya’t dapat nang mawala sa inyo ang mga pitang makalaman: pangangalunya, kahalayan, mahalay na simbuyo ng damdamin, masasamang nasa, at ang pag-iimbot na isang uri ng pagsamba sa diyus-diyusan. Huwag kayong magsisinungaling sa isa’t isa yamang hinubad na ninyo ang dating pagkatao pati ng mga gawa nito at nagbihis na ng bagong pagkatao. Patuloy itong nababago ayon sa larawan ng Diyos na lumikha sa inyo, upang maging ganap ang inyong kaalaman tungkol sa kanya. Kaya’t wala nang pagkakaiba ang Griego at ang Judio, ang tuli at ang di tuli, ang dayuhan at ang mabangis na tao, ang alipin at ang malaya. Kay Kristo, walang pagkakaiba ang lahat at siya’y sumasalahat.
Ang Salita ng Diyos.
ALELUYA
Mateo 5, 3
Aleluya! Aleluya!
Mapalad ang mga dukha
na tanging D’yos na lumikha
ang pag-asa at adhika.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Lucas 12, 13-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas
Noong panahong iyon, sinabi kay Hesus ng isa sa mga tao, “Guro, iutos nga po ninyo sa kapatid ko na ibigay sa akin ang bahagi ko sa aming mana.” Sumagot siya “Ginoo, sino ang naglagay sa akin bilang hukom o tagapaghati ng mana ninyo?” At sinabi niya sa kanilang lahat: “Mag-ingat kayo sa lahat ng uri ng kasakiman; sapagkat ang buhay ng tao ay wala sa laki ng kayamanan.” At pagkatapos ay isinaysay ni Hesus ang talinhagang ito: “Ang bukirin ng isang mayaman ay umani nang sagana. Kaya’t nasabi niya sa sarili, ‘Ano ang gagawin ko? Wala na akong paglagyan ng aking ani! A, gigibain ko ang aking mga kamalig, at magtatayo ako ng lalong mas malaki. Doon ko ilalagay ang aking ani at ari-arian. At sasabihin ko sa aking sarili, Ayan, marami naman na akong ari-arian! Hindi na ako kukulangin habambuhay! Kaya’t mamamahinga na lang ako, kakain, iinom, at magsasaya!’ Ngunit sinabi sa kanya ng Diyos, ‘Hangal! Sa gabing ito’y babawian ka ng buhay. Kanino mapupunta ang mga bagay na inihanda mo?’ Ganyan ang sasapitin ng nagtitipon ng kayamanan para sa sarili, ngunit dukha naman sa paningin ng Diyos.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Linggo, Hulyo 24, 2022
Martes, Agosto 2, 2022 »
{ 4 comments… read them below or add one }
Sa Ebanghelyo, isinalaysay ni Hesus ang talinghaga ng mayamang hangal. Ang aral o puntong nais iparating ng Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagsalaysay ng talinghagang ito sa mga tao ay huwag isentro ang buhay sa mga kayamanan dito sa daigdig. Lalo’t higit ang mga kayamanan at iba pang mga bagay dito sa daigdig ay lilipas lamang. Maglalaho ang lahat ng bagay dito sa daigdig. Kapag isinentro natin ang ating buhay sa mga bagay na iyan, mawawalan ito ng kabuluhan. Ang buhay na nakasentro sa mga bagay dito sa daigdig ay walang saysay.
Ang aral na tinalakay ni Kristo sa Ebanghelyo ay binigyan rin ng pansin sa Unang Pagbasa. Walang kabuluhan ang lahat ng gawain ng tao para sa kanyang sarili. Ang kanyang pagsusumikap at pamumuhanan ay walang saysay. Ang lahat ng gawin ng tao ay magdudulot lamang ng sakit at hinanakit. Para bang ipinapahiwatig na ang buhay dito sa lupa ay walang saysay.
Hindi naman pinatatamaan ng manunulat ng Unang Pagbasa ang kasipagan. Ang kasipagan ay napakahalaga. Subalit, nagiging problema lamang ito kapag ang bawat isa’y inuudyok na maging sakim. Kapag kasakiman na ang motibo ng bawat isa na maging masipag sa kanyang paghahanap-buhay at pagsusumikap, mababaluktot ang kanyang mga pananaw. Iisipin niyang kayamanan ang nagpapaikot sa daigdig. Para sa mga sakim, walang magpapakuntento sa kanila. Habang nabubuhay pa sila sa daigdig na ito, kailangan nilang paramihin ang kanilang yaman. Wala na silang ibang hinahangad kundi ang kamunduhan.
Isang halimbawa ng isang taong sakim ay ang mayamang hangal sa talinghaga ng Panginoong Hesukristo sa Ebanghelyo. Ang tanging hangarin ng mayamang hangal na ito ay pagyamanin ang kanyang sarili. Sarili lamang ang iniisip ng mayamang hangal na ito. Iniisip ng mayamang hangal na ito na umiikot sa mga yaman dito sa daigdig ang buhay. Isinentro niya ang kanyang buhay sa kanyang mga yaman. Kaya, ang kanyang buhay sa lupa ay walang kabuluhan, tulad ng pinagtuunan ng pansin sa Unang Pagbasa. Ang kanyang pagsusumikap at paghahanap-buhay ay walang kabuluhan dahil ipinagpalit niya ang Diyos sa mga bagay dito sa daigdig na lilipas lamang. Sa halip na isentro sa Panginoon ang kanyang buhay, isinentro niya ito sa mga kayamanang lilipas rin pagdating ng panahon.
Paano natin bibigyan ng kabuluhan ang ating buhay? Si Apostol San Pablo mismo ang sumagot sa tanong na ito sa Ikalawang Pagbasa. Sinabi niyang ang mga bagay na nauukol sa langit ang dapat nating isipin (3, 2). Isentro natin ang ating buhay sa Diyos. Isapuso’t isaisip natin ang mga turo’t aral ni Kristo. Talikdan at tutulan ang mga tukso’t pang-aakit ng laman. Papasukin natin ang Panginoon sa ating buhay at iluklok Siya bilang hari ng ating mga buhay. Pairalin natin ang Kanyang kalooban. Kapag iyan ang ating ginawa, magiging makabuluhan ang ating buhay.
Magiging makabuluhan ang ating buhay kung ang Diyos lamang ay nasa sentro nito. Kapag Siya ang naghari sa ating mga puso, kapag pinahintulutan natin ang Diyos na tuparin ang Kanyang kalooban sa pamamagitan natin, magkakaroon ng saysay ang ating buhay. Kapag ang mga bagay dito sa daigdig, na maglalaho lamang pagdating ng panahon, ay ginawa nating hari ng ating buhay, sinasayang natin ang bawat sandali ng ating buhay. Sayang ang buhay natin kapag ang Panginoon ay wala sa sentro nito. Siya lamang ang nagbibigay ng kabuluhan sa ating buhay. Kung ang Diyos ay wala sa sentro ng ating buhay, walang saysay ang ating buhay.
Ipinaskil ni Anton Ocampo sa 7:00 PM I-email ItoBlogThis!
http://pagnilayannatin.blogspot.com/2019/07/walang-saysay-ang-buhay-kung-wala-ang.html
REFLECTION: This Sundays, the Readings stress to us on the real treasure.
In the First Reading (Ecclesiastes 1:2; 2:21-23), a man named Qoheleth, meaning “a man of the assembly”, appears to a crowd and speaks about the vanity of human wealth. He denounces the people who often focus their minds too much on riches, even after each work. In the Second Reading (Colossians 3:1-5, 9-11), Saint Paul tells us that we should reject modern idolatry, which are vices, but rather trust in the Lord Jesus Christ who died and rose again for our sake. In the Gospel (Luke 12:13-21), a man asks Jesus to convince his greedy brother to share the inheritance. In fact, it was during that time that when a father is about to die, he entrusts the property of his wealth to his sons. Then Jesus warned the man and the crowds about the danger of greed. He then tells the Parable of the Rich Fool. The rich fool spends his life in luxury and money. At harvest, he tears down the old barns to make larger ones, where the grain and other goods shall be stored, then he makes marry because of the riches he has. But then one night, God decided to take his life away. Then Jesus concludes the parable, addressing that we should focus not on human riches, but on the riches of God.
My dear brothers and sisters, the Readings may seem very difficult for us to perceive and understand. It somehow denounces the possession of riches. But actually, money is not a bad thing, for it moves to cultivate our lands, progress the properties, and lifts up the person’s ability to save for his/her wants and more importantly needs in life. That goes with human power, for this is used by the government to promote the common good among the citizens and to safeguard one’s country. What is being stressed out is one of the seven capital sins pointed out by Christ: greed. If we use money and human power for vices, more than satisfactions, and discrimination towards others especially the poor and marginalized, then we have become selfish and greedy. That is why the message for us is that amidst all of these riches, we should rely on the true treasure, which is God himself.
Saint Ignatius of Loyola was in a hospital undergoing an operation of his leg, which was wounded by a canon during the Battle of Pamplona. Inspired by the life of Christ and those of the Saints especially Saint Francis of Assisi, he left his career and dedicated his life to God. He founded the Society of Jesus, which their motto is to serve the people “for the greater glory of God”. Ignatius composed two prayers which are related to the Readings today: (1) Take And Receive and (2) Prayer For Generosity.
So as we journey down this road, may we realize that amidst all the riches and wealth we have, it is the Lord that remains to be our one and lasting treasure. Like Saint Ignatius of Loyola, may we examine our lives to him by acts of charity towards others.
Walang halaga ang mga pansamatalang bagay dito sa lupa; pahalagahan ang mga makalangit at pang habang panahon. Sa binyag tayo’y inampong anak ng Diyos, kaya’t di tayo para sa lupa kundi para sa langit. Hangarin ang mga kayamanang magdadala sa atin sa langit, hindi ang makamundong kayamanang maglalayo sa atin sa Diyos.
PAGNINILAY: Ngayong Linggong ito, tinuturuan tayo ng ating liturhiya kung paano ba natin pinapahalagaan ang Diyos nang higit sa anumang tao o bagay, lalo na na sa kanya nagmumula ang tunay na kayamanan.
Ang Unang Pagbasa ay ang pahayag ng Mangangaral na nangangalang “Kohelet” – na ibig sabihin “ang tao ng sambayanan” – na walang kabuluhan ang lahat ng bagay sa mundong ito. Ngunit ang taong puno ng karunungan at kalaaman tungkol sa mga bagay na maka-Diyos ay lalo pang pagpapalain ang kanyang buhay, subalit ang taong hindi naman pinaghirapan o pinagsikapan ang kanyang buhay ay walang kabuluhan ang mararating nito. Kaya ito ang babala ni Hesus sa Ebanghelyo dahil sa isang hiling ng lalaking ipabahagi ng panganay na kapatid ang ari-arian ng kanilang ama, na iwasan ang anumang uri ng kasakiman, sapagkat ang tunay na estado ng buhay ay hindi lang nababase sa mga pamamay-ari ng tao. Kaya narinig natin sa Talinghaga ng Mayamang Hangal na ang mayamang lalaki sa parabula ay nagpatanim ng ubasan at yumaman at nagpakasaya, subalit sa gabing iyon ay binawian siya ng buhay mula sa Diyos. At nagtapos ang ating Ebanghelyo sa pahayag ni Hesus na ganito rin ang kapalaran ng mga taong makamundo sa mga kayamanan ng mundo, ngunit hindi naman mayaman sa mga espirituwal na bagay na nagmumula sa Panginoon.
Ipinapaalala sa atin ni San Pablo sa Ikalawang Pagbasa na kung tayo ay nabinyagan at naging kasapi ng Simbahan dahil sa Misteryong Paskwal ni Hesus, sikapin natin ang buhay kabanalan sa paghahangad sa kanya at sa mga espirituwal na bagay na mabuti hindi lang sa ating pananampalataya, kundi sa ating pagkikilos at pamumuhay sa daigdig. Iwasan natin ang anumang uri ng kasamaan at kasalanan, at patuloy na magpunyagi tunay sa kagandahang-loob ng Diyos. Mga kapatid, ang mga ito ang nagpapatunay na sa Diyos lamang nakasalalay ang tunay na kaligayahan, at hindi sa mga makamundong bagay. Ngunit hindi naman siya taliwas kung ang tao ay gusto yumaman, magkapera, at bumili ng mga bagong gamit na maaring mapakinabangan niya, ng kanyang pamilya, o kaya ng mga taong nangangailangan. Ang pinupunto lamang ng ating mga Pagbasa ay huwag natin gamitin ang mga materyal na bagay bilang instrumento ng kasakiman, na pansariling kaligayahan lang ang iniisip, imbes ng pangangalaga natin sa ating sarili at sa ibang tao. Huwag tayong makipag-alipin sa makamundong kalakaraan ngayon, subalit ituon at buong tapat tayong manindigan at magtiwala sa tunay na kaligayahan, sa tunay na tanging yaman, na ang Diyos lamang ang makakapagbigay nito. At sa bawat pagtanggap natin ng mga kaloob na ito, gamitin natin ito para sa paggawa ng kabutihan at katuwiran, lalong-lalo na sa ating kapwa. Sapagkat ang paghahangad sa kayamanan ng Diyos ay pagbabahagi nito sa iba.