Linggo, Hulyo 24, 2022

July 24, 2022

Ika-17 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Genesis 18, 20-32
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Colosas 2, 12-14
Lucas 11, 1-13


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Seventeenth Week in Ordinary Time (Green)
World Day of Grandparents and the Elderly

UNANG PAGBASA
Genesis 18, 20-32

Pagbasa mula sa aklat ng Genesis

Noong mga araw na iyon, sinabi ng Panginoon, “Katakut-takot na ang sumbong sa akin laban sa Sodoma at Gomorra, at napakalaki ng kanilang kasalanan. Paroroon ako at aalamin ko kung ito’y totoo.”

Umalis nga ang mga lalaki at nagpunta sa Sodoma, ngunit nanatili ang Panginoon sa tabi ni Abraham. Itinanong ni Abraham, “Lilipulin po ba ninyo ang lahat ng tao, may kasalanan man o wala? Sakaling may limampung matuwid sa lungsod, wawasakin po ba ninyo iyon? Hindi ba ninyo patatawarin ang lungsod dahil sa limampung iyon? Naniniwala akong hindi ninyo idaramay ang mabubuti. Hindi ninyo gagawin iyon sapagkat kung ganito ang mangyayari, parehong magdurusa ang masama at mabuti. Hindi ito mangyayari! Makatarungan ang Hukom ng buong daigdig!”

At tumugon ang Panginoon, “Hindi ko ipahahamak ang lungsod dahil sa limampung matuwid.” “Ipagpaumanhin po ninyo ang aking kapangahasan,” wika ni Abraham, “wala po akong karapatang magsalita sa inyo, pagkat alabok lamang ako. Kung wala pong limampu, at apatnapu’t lima lamang ang matuwid, wawasakin ba ninyo ang lungsod?”

“Hindi ko wawasakin dahil sa apatnapu’t limang iyon,” tugon ng Panginoon. Nagtanong na muli si Abraham, “Kung apatnapu lamang?” “Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa apatnapung iyon,” tugon sa kanya.

“Huwag sana kayong magagalit, magtatanong pa po ako. Kung tatlumpu lamang ang taong matuwid doon, hindi rin ninyo wawasakin?” Sinagot siya, “Hindi ko wawasakin ang lungsod dahil sa tatlumpung iyon.” Sinabi pa ni Abraham, “Mangangahas po uli ako. Kung dalawampu lamang ang matuwid na naroon?”

“Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa dalawampung iyon,” muling tugon sa kanya. Sa katapusa’y sinabi ni Abraham,” Ito na po lamang ang itatanong ko: Kung sampu lamang ang matuwid na naroon? “Hindi ko pa rin wawasakin ang lungsod dahil sa sampung iyon,” tugon ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 137, 1-2a. 2bk-3. 6-7ab. 7k-8

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Ako, Poon, buong pusong aawit ng pasalamat,
sa harap ng mga anghel, pupurihin kitang ganap.
Sa harap ng iyong templo ay yuyuko at gagalang,
pupurihin kita roon, pupurihin ang ‘yong ngalan.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Dahilan sa pag-ibig mo at sa iyong katapatan,
ika’y tunay na dakila, pati iyong kautusan.
Noong ako ay tumawag, tinanggap ko ang tugon mo,
sa lakas mong itinulong ay lumakas agad ako.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Kung ang D’yos mang Panginoon ay dakila at mataas,
hindi niya nililimot ang aba at mahihirap:
Kumubli ma’y kita niya yaong hambog at pasikat.
Kahit ako’y nababatbat ng maraming suliranin.
Ako’y walang agam-agam, panatag sa iyong piling.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

Nahahandang harapin mo mapupusok kong kaaway,
ligtas ako sa piling mo, sa lakas na iyong taglay.
Yaong mga pangako mo ay handa mong tupding lahat,
ang dahilan nito Poon, pag-ibig mo’y di kukupas,
at ang mga sinimulang gawain mo’y magaganap.

Noong ako ay tumawag,
tugon mo’y aking tinanggap.

IKALAWANG PAGBASA
Colosas 2, 12-14

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Colosas

Mga kapatid: Noong kayo’y binyagan, nalibing kayong kasama ni Kristo at muling nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya. Kayong mga Hentil na dating patay dahil sa kasalanan ay muling binuhay ng Diyos na kasama ni Kristo. Pinatawad niya tayo sa ating mga kasalanan at pinawalang-bisa ang lahat ng kasulatan laban sa atin, pati mga pananagutang kaugnay nito. Pinawi niya ang lahat ng ito nang ipako siya sa krus.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Roma 8, 15bk

Aleluya! Aleluya!
Espiritu ng D’yos Anak
ay siyang ating tinanggap
nang D’yos Ama ay matawag.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Lucas 11, 1-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Minsan, nananalangin si Hesus. Pagkatapos niya, sinabi ng isa sa kanyang mga alagad, “Panginoon, turuan po ninyo kaming manalangin, katulad ng ginawa ni Juan sa kanyang mga alagad.” Sinabi ni Hesus, “Kung kayo’y mananalangin, ganito ang sabihin ninyo:
‘Ama, sambahin nawa ang ngalan mo.
Magsimula na sana ang iyong paghahari.
Bigyan mo kami ng aming makakain sa araw-araw.
At patawarin mo kami sa aming mga kasalanan,
Sapagkat pinatatawad namin ang bawat nagkasala sa amin.
At huwag mo kaming iharap sa mahigpit na pagsubok.’”

Sinabi pa rin niya sa kanila, “Ipalagay natin na ang isa sa inyo’y nagpunta sa isang kaibigan isang hatinggabi at nagsabi, ‘Kaibigan, bigyan mo muna ako ng tatlong tinapay. Dumating kasi ang isa kong kaibigang naglalakbay at wala akong maihain sa kanya!’ At ganito naman ang sagot ng kanyang kaibigan sa loob ng bahay, ‘Huwag mo nga akong gambalain! Nakatrangka na ang pinto at nakahiga na kami ng aking mga anak. Hindi na ako makababangon pa upang bigyan kita ng iyong kailangan.’ Sinasabi ko sa inyo, hindi man siya bumangon dahil sa kanilang pagkakaibigan, babangon siya upang ibigay ang hinihingi ng kaibigan dahil sa pagpupumilit nito. Kaya sinasabi ko sa inyo: Humingi kayo, at kayo’y bibigyan; humanap kayo at kayo’y makasusumpong; kumatok kayo, at ang pinto’y bubuksan para sa inyo. Sapagkat tumatanggap ang bawat humihingi; nakasusumpong ang bawat humahanap; at binubuksan ang pinto sa bawat kumakatok. Kayong mga ama, bibigyan ba ninyo ng ahas ang inyong anak kung humihingi ng isda? Bibigyan ba ninyo siya ng alakdan kung siya’y humihingi ng itlog? Kung kayong masasama ay marunong magbigay ng mabubuting bagay sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Amang nasa langit! Ibibigay niya ang Espiritu Santo sa mga humihingi sa kanya!”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez July 15, 2022 at 4:26 am

REFLECTION: The Readings for this Sunday point to us on the power of prayer. In the First Reading (Genesis 18:20-32), we see how Abraham intercedes for the cities of Sodom and Gomorrah. The sins of the two cities in the Plain are gluttony and immoral acts. God wants to punish them, but Abraham intervenes by putting into context if 50 or less of the people there are righteous. Then the Lord replies that he will save those righteous people. In the Gospel (Luke 11:1-13), the disciples ask Jesus to teach them to pray. They believe that he is the Messiah sent by God, so they know that he has an intimate relationship with him. Jesus taught them one of the very basic prayers used by Christians, and that is the Lord’s Prayer, also known as the Our Father (Pater Noster). Luke’s version of somehow short compared to Matthew’s version, which is the one being used especially in the liturgy. Yet the focus of the two accounts is on the importance of prayer. For the Jews, they pray by only reciting God’s attributes, not directly his name, for they want to keep it holy. Then Christ teaches us to call God as “Father”. Aside from becoming an almighty Lord, God is also a merciful Father who provides for us our needs in life. We are invited to have an intimate relationship with him by asking, seeking, and knocking. These three ways can also be put into the “ACTS” format: Adoration, Contrition, Thanksgiving, and Supplication. We praise and adore the Lord for his wonderful blessings and making us his people called to share in his mission. We ask him to forgive us our sins and also help us to forgive others. We thank him for the prayers he has answered, especially others’ intentions, by making them wonderful. We ask him to help us in our needs, and let us not forget to pray for the intentions of others. That is how we must pray, and the Lord’s Prayer shows us this format. In the Second Reading (Colossians 2:12-14), Saint Paul reminds us that we have been saved from our past transgressions by Christ’s crucifixion on the Cross. And because of Christ’s death for our sake, he has risen from the dead. That is why our baptism reminds us that we were once spiritually dead (sin), but we are renewed for God in Jesus (grace). This shows God’s greatest gift in the plan of salvation, which is Christ himself. So Jesus serves as our Mediator between the Father and us. When we pray to him, he directs them to heaven because he is not only the Son of God, but he is also divine in nature. As we journey down this road, may we realize that the power of prayer can help us have an intimate relationship with God not only for our own blessings and needs, but also for those of others.

Reply

Reynald David Perez July 24, 2022 at 4:34 am

PAGNINILAY: Ang Diyos ay mahabagin, mapagmahal, mapagpala, at makatarungan sa kanyang pananalita at pagsasakilos ng kanyang ipinapahayag sa Kasulatan. Siya ang naghahangad sa lahat ng bagay, pati na ang kaayusan ng mga nilalang at ang pamumuhay ng bawat isa. Dahil dito, ang kanyang dakilang kalooban ang siyang hinahangad ng tao, kung ano ang plano niya sa bawat isa, na sa kabila ng mga kabiguan ng bawat isa, mayroon pa rin magandang pangyayari ang nais ipakita ng Panginoon upang mas lalo pa tayong magtiwala at kumapit sa kanya.

Paano nga ba natin nauunawaan ang buhay-panalangin bilang mga Kristiyano? Ang Ebanghelyo ay ang turo ni Hesus na panalangin sa Diyos, ang Ama Namin (Pater Noster). Sa Lumang Tipan, hindi binabanggit ng mga Hudyo ang pangalan ni “YHWH” sa kanilang pananalangin sapagkat ito ay sagrado at iniiwasang lapastanganan. Subalit itinuturo sa atin ni Kristo na ang Panginoong Diyos ay maaari nating tawaging “ama” sapagkat ito ang pagkakilanlan sa Diyos na lumikha ng lahat, humangad ng mabuti sa kanyang bayan, at tumuwid sa kasalanan at pagsuway ng tao, katulad ng ginagawa ng isang “padre de pamilya”. Kaya ang Ama Namin ay ang huwaran ng lahat ng panalanging Kristiyano, sapagkat dito natin nakikilala ang kalooban ng Diyos sa bawat tao. Dito natin matutunghayan ang kakayahan nating humingi at humiling matapos nating purihin at pasalamatan ang Ama, hindi lang dahil sa mga pisikal na pangangailangan, kundi magkaroon din tayo ng buhay-espirituwalidad tulad ng kanyang Anak na magbigay, , magpatawad, at umiwas sa anumang tukso ng buhay. At si Kristo ay naging katulad natin sa lahat ng bagay maliban sa pagkakasala, kaya siya rin ay ilang beses nanalangin sa Diyos Ama sa kabila ng kanyang ministeryo sa bawat bayan at nayon. At sa kanyang pangangaral, itinuturo niya sa mga Apostol na ang Espiritu Santo ang siyang magkakaloob kung ano ang dakilang kalooban ng Ama. Kaya’t tunay ngang sinasabi ng bersikulo ng Aleluya, na natanggap natin ang karapatang maging mga anak ng Diyos Ama, at ang Espiritung iyon ang siyang nagbibigay-lakas sa ating pananalangin sa Ama.

Sa kabuuan, ang panalangin ay ang ating daan upang mas kilalanin pa natin ang Panginoon na gumagabay at humahangad ng kabutihan sa bawat isa. Kahit minsa’y ramdam natin na parang ang tagal niyang tumugon sa ating mga kahilingan at pangangailangan, hindi ito paraan upang sumuko tayo sa pananalangin at paghihintay sa oras at kalooban niya. At habang tayo’y naghihintay at nananalangin, patuloy rin tayong maging mabuting instrumento sa halimbawang maging katulad ng Diyos, hindi dahil sa kasikatan o katanyagan, kundi sa pamamagitan ng pagpapamalas ng ating kagandahang-loob, pagmamalasakit, at anupamang mabuting asal na kaya nating gawin sa ating buhay, lalong-lalo na sa ating kapwa. Maging sagot din nawa tayo sa kanilang mga panalangin, at gayun din ang ating pagsisikap na gumawa ng kabutihan na naaayon sa ating dinadasal nang sa gayon ay maging mas makabuluhan ang ating ipinapanalangin sa Diyos.

Reply

Ailyne July 24, 2022 at 4:23 pm

Amen. GOD BLESS US.

Reply

Ina July 24, 2022 at 9:28 am

GOD BLESS US

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: