Linggo, Hulyo 3, 2022

July 3, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Ika-14 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Higit na malawak ang larangan ng pangangaral ngayon kaysa noong panahon ni Hesus. Lalo ring malaki ang pangangailangan sa mga misyonero, pari, madre, deakono, ministrong laiko, katekista, at iba pang laikong apostol. Kaya nga, dumulog tayo sa Panginoon ng ani habang nananalanging:

Panginoon, magpadala ka ng mga manggagawa sa iyong lupa!

Magkaroon nawa ang Simbahan ng maraming manggagawa para sa pagpapalaganap ng Kaharian. Manalangin tayo!

Magkaroon nawa ng maraming pari at madre sa mga diyosesis at parokya para sa mga pangangailangang espirituwal ng buong pamayanan. Manalangin tayo!

Makilala nawa ng mga laikong mananampalataya sa ating mga pamayanan ang kahalagahan ng kanilang papel sa Simbahan at sa lipunan, at tapat nila itong gampanan. Manalangin tayo!

Maabot nawa ng mga misyonero ang mga bansa ng milyun-milyong di-Kristiyanong naghihintay ng pagpapahayag ng Kaharian. Manalangin tayo!

Tugunin nawa ng kabataan ang panawagan ni Hesus para sa buhay apostoliko. Manalangin tayo!

Tahimik nating idalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil sandali.)
Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, ikaw ang dakilang misyonero ng Ama. Damihan mo ang mga apostol sa iyong Simbahan. Gawin mo silang banal, pagpalain ang kanilang mga pagsisikap na maghatid ng tanglaw ng iyong Ebanghelyo sa lahat ng tao. Ikaw na nabubuhay at naghahari magpakailanman. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald David Perez July 2, 2022 at 4:31 pm

PAGNINILAY: Ang Linggong ito ay nakatuon sa pagtugon sa tawag ng Panginoon sa misyon ng kanyang Kaharian at ang lubos na pagtitiwala sa kanya sa ating pagmimisyon, kapwa sa mga oras ng ligaya at kagipitan. Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagsusugo ng Panginoong Hesus sa Pitumpu’t-dalawang alagad (na sumasagisag sa bawat bansa ng mundo, na nais ipahiwatig ni San Lucas sa panunulat ang kaligtasan ng Diyos na bukas para sa lahat). N’ung una, ang Mabuting Balita ay ihinabilin ni Hesus na ipahayag lang sa mga nawawalang tupa ng Israel. Ngayon naman, ang misyong ito ng pagpapalaganap at pagpapahayag ay ipapahayag nila sa kapwa mga teritoryo at bayan ng Israel at sa mga lungsod ng mga Hentil. Katulad n’ung sinugo ni Hesus ang Labindalawang Apostol, ganun din ang mga bilin niya sa 72 alagad: huwag magdala ng kahit anu-ano, ipahayag ang kapayapaan sa mga tutuluyan nilang tahanan, pagalingin ang mga maysakit, palayasin ang mga demonyo, buhayin ang mga patay, at ipagpag ang alikabok sa mga bayang ayaw tumaggap sa kanila. Kaya ito ay paanyaya na sa bawat misyon na ibinibigay sa atin ng Diyos, naroon ang pagtitiwala sa kanya, na siya ang makakapagbigay ng tunay na pagpapala na naaayon sa ating mabuting pinagsisikapan.

Narinig natin sa Unang Pagbasa ang kagalakan at pag-asa ng Jerusalem sa Panginoon na nagbibigay ng aliw at ginhawa, kahit sila ay sinakupan at pinahirapan ng mga taga-Babilonia. Ipinangako ng Panginoon ang kasaganaan sa banal na lungsod na katulad ng isang ilog na umaagos. At ang Jerusalem ay magsisilbing ina ng mga taga-roon dahil sila ay kanyang aalagaan sa kanyang mga kamay. At tunay nga ang sinabi ni San Pablo sa katapusan ng kanyang sulat sa mga taga-Galacia (Ikalawang Pagbasa) na kahit dumating pa ang mga unos at mga pighati ng ating buhay, ang ating ipagmamalaki lamang ay ang krus ng ating Panginoong Hesukristo, sapagkat ito ang kaganapan ng tunay na kaligtasan na higit pa sa ating mala-seremonya na pagsamba. Hindi naman sinasabi ni San Pablo na isantabi natin ang pagiging tunay na Kristiyanong Katoliko sa pagdarasal at pagsamba. Ang nais ipahayag niya sa atin na maging Katoliko pa rin tayo kahit sa mga oras na tayo’y nagdurusa, sapagkat nakikita roon ang ating katatagan sa pakikiisa sa mga paghihirap ni Kristo at ang pagsisikap pa na maging mas mabuting tao para sa iba.

Mga kapatid, ito ang ating panawagan bilang mga Kristiyano, na tumugon sa tawag ng misyon at magtiwala sa Panginoon sa ating pagmimisyon sa bawat pagkakataon at bawat pangyayari sa ating buhay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: