Biyernes, Hulyo 1, 2022

July 1, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-13 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Dumating si Kristo upang tawagin ang mga makasalanan at ibigay ang kaligtasan sa kanila. Mulat sa pagtawag na ito, may kababaang-loob tayong manalangin sa Ama.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Banal na Manggagamot, pakinggan Mo kami.

Ang mga mahihina at makasalanan nawa’y makita ang Simbahan bilang tahanang bukal ng kagalingan, manalangin tayo sa Panginoon.

Yaong mga nasa paglilingkod ng bayan nawa’y isagawa nang may kalinisan at katapatan ang kanilang mga tungkulin, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa pamamagitan ng Eukaristiyang ito nawa’y madama natin ang mapagpagaling na habag ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga taong nabubuhay sa pagkakasala nawa’y tingnan natin nang may habag at pang-unawa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namatay nawa’y makadama ng mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama, may pananalig tulad ni Abraham na sumunod sa iyong pagtawag, itinataas ng iyong Kristiyanong Sambayanan ang kanilang mga panalangin. Nawa’y ipagkaloob mo ang iyong ibinunsod na aming hilingin sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Reynald David Perez June 29, 2022 at 11:44 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang babala ni Propeta Amos laban sa mga sumisikil at nagpapahirap sa mga dukha at nangangailangan ng Israel. Makikita rito kung paano ang mga mayayamang Hudyo, na ngayo’y naimpluwensiya ng kultura ng mga pagano, ay sumusuway sa utos at atas ng Panginoong Diyos, at nagiging punong abala sa kapwa sa pag-aangkin nang hindi naman sa kanila. Kaya ikinasusuklam ito ng Diyos, at sinabi nga ni Amos na magkakaroon ng matinding kadiliman sa lupa ng Israel at papairalin ng Panginoon ang matinding tagutom. Kaya ang ministeryo ni Amos ay nakasentro sa katarungan at pantay na oportunidad para sa lahat, mayaman man o dukha, hindi para lamangin ang inaapi at nang-aapi, kundi makilala ng bayang Israel na ang Diyos ay gumawa ng tipan upang kilalanin sila bilang kanyang bayan, at sa gayon ay tratuhin nila ang bawat isa bilang kapwa.

Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagkatawag ni San Mateo sa kasamahan ni Kristo. Sa kapanahunan ni Hesus, ang mga publikano/nangongolekta ng buwis ay itinuturing ng lipunan mga mandaraya at traydor: mandaraya sapagkat mahilig silang kumuha ng pera mula sa kanilang kapwang Hudyo, at traydor naman sapagkat nagtratrabaho sila para sa mga Romano.

Ngunit nakita natin kung paanong naging malapit si Hesus sa mga makasalanang taong ito, at sa puntong pagtawag kay Mateo (o Levi) sa pagiging tagasunod niya. Kaya nagpahanda ang publikanong ito na parang despedida dahil siya’y lilisan na mula sa kanyang dating pinagsamahan ng mga kaibigan niya. At nakita natin ang eksenang nakisalo ang Panginoon sa bahay ng isang itinuturing na makasalanan. Kaya ang mga Pariseo ay nagtanim ng sama ng loob at kwinestyon ang mga Apostol sa ginagawa ng Panginoon. Subalit tugon ni Kristo ay ang larawan ng isang doktor na nag-aalaga sa mga maysakit, na ganun din ang kanyang misyon upang tawagin ang mga makasalanang tao tungo sa tunay na pagbabagong-loob.

Makikita natin ang habag at pagmamahal ng Diyos kahit anumang estado ng tao sa lipunan at ayon sa kanyang paningin. Kung ipapaabot natin ang ating kamay sa kanila, lalung-lalo na sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan, napaparamdan natin sa kanila ang kagandahang-loob ng Panginoon at ang kanyang dakilang pagmamahal para sa lahat.

Hilingin natin sa Panginoong na bigyan niya tayo ng kanyang awa at habag sa kabila ng ating mga pagkakamali, upang katulad ni San Mateo ay tumugon sa kanyang tawag na maging kanyang mga alagad, lalung-lalo na sa pagpapadama sa iba ang kanyang pagmamahal na kanyang inilaan para sa lahat.

Reply

Ma. Luisa L. Belardo July 1, 2022 at 4:52 am

Amen. Praise God.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 1, 2022 at 9:12 am

Napakaganda ng mensahe ng Mabuting Balita.

Ito ay pag-asa para sa ating mga makasalanan. Minsan ako’y nakarinig mula sa aking kapitbahay na ako daw ay nagsisimba subalit makasalanan naman. At sinagot ko sila ng sinasabi ngayon sa ebanghelyo. Ang simbahan ay itinatag hindi lamang para sa mga matuwid, mas kailangan natin ang simbahan kung tayo ay makasalanan, mas kailangan nating makarinig ng Salita ng Diyos, mas kailangan natin ang banal na Eukaristiya, mas kailangan nating malinawagan sa homiliya at mas kailangan natin mangumpisal.

Katulad ng Mabuting Pastol, hinahanap ni Hesus ang mga taong naliligaw ng landas. Kinalulugdan nya ang mga makasalanang lumalapit sa kanya at inaamin ang kasalanan, humihingi ng kapatawaran, at nagsisikap na maging mabuti.

Ang ebanghelyo ngayon ay paanyaya sa atin na hindi tayo tinatalikuran ni Hesus, iniintay lamang nya ang ating pagbabago, ang mgakaroon ng relasyon sa kanya at ituring natin syang Ama at Kaibigan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: