Martes, Hunyo 28, 2022

June 28, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
San Pedro at San Pablo

Ilapit natin ang ating mga kahilingan sa Ama nang may pananampalatayang katulad ng kina San Pedro at San Pablo, ng pananampalatayang katulad ng sa mangingisda kung kanino itinatag ang Simbahan, at ng pananampalataya ng guro ng napakaraming bansa.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, maging bato ka nawa namin.

Ang Santo Papa Francisco, ang kahalili ni San Pedro, nawa’y hawakan ang mga susi ng Kaharian nang may karunungan at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga misyonero sa mga lupaing banyaga nawa’y magkaroon ng sigasig ni San Pablo sa paghahatid ng Mabuting Balita, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating pananampalataya nawa’y mahalin natin at maging handang magbahagi nito sa iba, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa dahil sa kanilang pananampalataya nawa’y makatagpo ng lakas sa dugong ibinuhos ng mga Apostol, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga namayapang tapat sa Panginoon nawa’y gawing karapat-dapat sa korona ng kabanalan, manalangin tayo sa Panginoon.

Makapangyarihang Diyos at Ama, dinggin mo ang mga panalangin ng pamayanang ito na natitipon ayon sa pananampalataya ng mga Apostol at natutulungan ng kanilang pamamagitan. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste May 27, 2022 at 9:27 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald David Perez June 25, 2022 at 8:38 pm

PAGNINILAY: Tayo ngayon ay nagbibisperas para sa pagbubukang-liwayway ng Dakilang Kapistahan nina Apostol San Pedro at San Pablo. Sila ay ang dalawang prinsipe at haligi ng Simbahan, na sa kanila nakasentro ang ministeryo ng Simbahan sa pagpapastol ng Santo Papa (tagasunod ni San Pedro) at mga Obispo (tagasunod ni San Pablo, pati ng mga Apostol) para sa pangangalaga ng kawan, pagtataguyod ng buhay ng bawat isa, at ang pagmimisyon ng bawat binyagan na kinabibilangan sa Simbahan, kapwang sa Orden at sa Laiko.

Ang Unang Pagbasa ngayon ay ang pagiging saksi nina San Pedro at San Juan matapos ang Muling Pagkabuhay at Pag-akyat ni Hesus, at ng pagbaba ng Espiritu Santo sa mga Apostol noong Penetekostes. Sila’y nagpunta sa templo upang manalangin, at dito natagpuan nila ang isang lalaking pilay na mulang pagkasilang. Nang makita nito ang dalawa, akala niya na bibigay sila ng limos sa kanya. Subalit mas higit pa sa pera ang binigay ni San Pedro: ang pagpapagaling sa ngalan ng Panginoong Hesukristo. Kaya’t umahon ang lalaki, nakalakad, at tumatalon habang nagpupuri sa Diyos. At nakilala ng mga tao sa templo na itong lalaki ay dating pilay. Ito ang ministeryo ng pagpapagaling ng Simbahan na iniatas ni Hesus sa mga Apostol, kaya’t itinatag niya ang mga Sakramento ng Pagpapahid ng Langis sa Maysakit at Kumpisal upang magkaroon tayo hindi lang ng pisikal na paghilom, kundi pati na rin ng espirituwal na pagpapagaling para bigyan tayo ng Panginoon ng pagkakataong mamuhay pa nang masagana.

Ang Ikalawang Pagbasa ngayon ay ang ministeryo ng pagpapahayag ni San Pablo. Alam niya na dati ay pinag-uusig niya ang mga Kristiyano noong siya’y nabibilang pa sa grupo ng mga Pariseo. Ngunit parang niloob ng Diyos na ipakita ang Anak na Muling Nabuhay sa kanya sa daang papuntang Damasco, kaya’t nabulag siya sa loob ng tatlong araw. At nang makakita na siya, natunghayan niya na sa kabila ng kanyang tinding galit noon sa mga Kristiyano, pinili pa rin siya ng Panginoon upang maging isang hinirang na sisidlan na ipahayag ang Mabuting Balita hindi lang sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil. Kaya’t tinanggap na siya ni San Pedro at Santiago sa Kolehiyo ng mga Apostol. Makikita natin ang napakalakas na kwento ng pagiging saksi ni San Pablo sa Mabuting Balita, kung paano niyang buong katapatan na ipinahayag ang mensahe ng Diyos, kahit dumaan sa mga paghihirap at pag-uusig.

Ang Ebanghelyo ngayon ay ang pangyayaring matapos magpakita ang Muling Nabuhay na Panginoon sa lawa, kaya’t nagkaroon sila ng maraming huli ng isda. Nang matapos na silang mag-almusal, tinanong ni Hesus si Pedro nang tatlong beses kung mahal nito siya. Parang naalala ni Pedro ang pagkakataong ipinagkaila niya ang Panginoon nang hatulan ito ng kamatayan ng Sanedrin. Parang gusto niyang bumawi sa kanyang ginawa noon, kaya’t buong lakas niyang sinabing tunay niyang minamahal ang Panginoon. At kahit si Hesus, hindi sumuko sa kanyang pagmamahal kay San Pedro dahil pinili niya ito upang maging batong-haligi ng Simbahan, kaya’t inatas niya sa kanya na pangalagaan ang kawan. At makikita natin sa simbolo ng Kapangyarihan ng Susi na ang Panginoon ay nag-atas sa mga nagmumuno sa Simbahan na makapagligtas ng mga kaluluwa sa pamamagitan ng mga Sakramento dahil nais ni Kristo na maramdaman ng lahat, lalung-lalo na ang mga nagkasala, na patuloy silang minamahal at tinatawag pabalik sa kanya.

Mga kapatid, sa pamamagitan nina San Pedro at San Pablo, patuloy ang misyon ng Simbahan na pangalagaan ang kawan ng Panginoon. Ang Santo Papa, mga Obispo, at kaparian ay patuloy na nagpapahayag ng Mabuting Balita upang magkaroon ng bunga ng pananampalataya sa bawat komunidad, teritoryo, at pangkalawakang Simbahang kanilang kinasasakupan. At tayo rin bilang Laikong bininyagan ay inaatasan rin na makibahagi sa misyon ng Panginoon sa pamamagitan ng ating pagiging saksi niya sa mga sitwasyon ng buhay, ayon sa katauhan/personalidad na ninais niya para sa atin.

Reply

Daisy Esplana June 28, 2022 at 8:41 am

Pinupuri ka namin Panginoon Hesuskristo!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: