Miyerkules, Hunyo 22, 2022

June 22, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Pagsilang ni San Juan Bautista
Hunyo 24

Sa unang saglit pa lamang ng kanyang buhay, tinawag na si Juan Bautista upang ipahayag ang pagdating ng liwanag sa mga bansa, ang pag-asa ng mundo. Sa kagalakan ng pagdiriwang ito, manalangin tayo sa Diyos.

Panginoon, dinggin Mo ang aming panalangin.
o kaya
O Diyos, maging mapagpala ka sa amin.

Ang Simbahan nawa’y palakasin ng Banal na Espiritu sa pagpapahayag ng mensahe ng kaligtasan hanggang sa dulo ng mundo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga pinuno ng mga bansa nawa’y maging kasangkapan ng katotohanan at katarungan at akayin ang kanilang mamamayan sa daan ng kapayapaan, manalangin tayo sa Panginoon.

Tayo nawa’y makarating kung saan tayo inaakay ng ating pananampalataya patungo sa kaligtasan ng ating kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga dukha at nagdurusa nawa’y magkaroon ng bagong pag-asa sa pangako ng kaluwalhatian ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kasalanan ng mga yumaong tapat sa Panginoon nawa’y alisin ng Kordero, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama ng panahon at kawalang hanggan, hinahanap mo at sinasaliksik ang aming mga pangangailangan bago pa man kami humingi sa iyo. Sa tulong ni San Juan Bautista, kahabagan mo kami at dinggin ang aming mga panalangin sa pamamagitan ni Kristo na aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste May 27, 2022 at 9:21 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez June 21, 2022 at 1:20 am

PAGNINILAY: Ngayong hapon at gabi ay ang Pagbubukang-liwayway sa dakilang pagpipista sa Pagsilang ni San Juan Bautista, na nagaganap anim na buwan bago ang Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon (Disyembre 25). Tatlong kaarawan ang ipinagdiriwang ng Simbahan sa Kalendaryong Pangliturhiya: (1) Hesus, (2) Maria [Setyembre 8], at (3) Juan Bautista. Alam natin na mahalaga ang pagsilang ni Kristo dahil siya ang Anak ng Diyos na Tagapagligtas natin laban sa kasalanan. Kaya nangyari ito dahil sa pagsilang sa Mahal na Birhen, na itinakdang maging Ina ng Tagapagligtas. At upang ipaghanda ang tao sa pagdating ng Mesiyas, isinilang rin ang pinsan ng Panginoong si San Juan Bautista.

Narinig natin sa Unang Pagbasa ang pagkatawag ng Diyos kay Jeremias upang maging propeta. At ipinahayag ni Jeremias na tinawag siya ng Diyos na sapul pa siya sa loob ng sinapupunan ng kanyang ina, na inawit naman ngayon sa Salmo. At itong pagtawag kay Jeremias mula pa sa sinapupunan ng ina ay parang katulad ng pagtalon ni San Juan Bautista sa sinapupunan ni Elisabet nang dumalaw si Birheng Mariang dala ang Panginoong Hesukrito sa sinapupunan nito. Pero bago man ito nangyari, narinig natin sa Ebanghelyo kung paanong ibinalita ni San Gabriel Arkanghel kay Zacarias sa Dakong Kabanal-banalan ang pagtugon ng mga panalangin ng asawa nito, at ang kanyang anak ay tatawaging “Juan,” isang pangalang nangangahulugang, “Ang Panginoon ay mapagbiyaya.” At sinabi rin ng anghel ang misyon na itinakda ng Diyos kay Juan, na magiging isang tinig na magpapahayag ng pagsisisi at pagbabalik-loob upang ang tao ay tunay na maghahanda para sa pagdating ng Anak ng Diyos na Mesiyas. Bagamat nag-alinlangan noong una si Zacarias dahil sa tagal ng panahon ng pagiging baog ni Elisabet, natupad pa rin ang plano ng Diyos, na ating masasaksihan sa Ebanghelyo para sa Araw mismo ng Dakilang Kapistahan.

Ang pangako ng Diyos ay matutupad kahit sa mga oras na parang hindi kapani-paniwala o kaya kay tagal dumating. Ang paanyaya sa atin ay makita nawa ang kanyang pagpapala higit pa sa ating pamantayan bilang mga tao.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: