Linggo, Mayo 8, 2022

May 8, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa

Sa lahat ng panahon, humihirang si Hesus, ang Dakilang Pastol, ng mga bukas-palad upang maging kasangkapan ng kanyang pag-ibig sa kanyang kawan. Ihabilin natin sa kanya ang lahat ng kanyang kinatawan at nahirang para sa ganitong tungkulin. Manalangin tayo:

Hesus, Mabuting Pastol, dinggin mo kami!

Para sa bumubuo sa bayan ng Diyos: Nawa mapahalagahan nila ang ginagawa ng kanilang mga pastor at lubusan silang tumulong. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga obispo, at mga pari: Nawa sila’y maging mga tanda ng tiyaga, kalinga, at pag-ibig ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng magulang, guro, at pinunong pambayan: Nawa maging tapat sila sa misyon nilang itaguyod ang kapakanan ng nasa pangangalaga nila. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng ina sa buong mundo, at lalo na sa ating sarili: Nawa’y ingatan sila sa lahat ng kasamaan at tamasahin ang gantimpala sa lahat ng kabutihang nagawa nila sa kanilang mga anak. Manalangin tayo!

Para sa kabataan nating tinatawagan ng Diyos upang maglingkod sa Simbahan: Nawa bukas- loob nilang tugunin ang panawagan at pagsumikapan ang kanilang bokasyon. Manalangin tayo!

Para sa ating halalan bukas: Nawa ito’ y maging tahimik at malinis at nawa’y walang umiral na pamimilit, pananakot, at pandaraya. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.) Manalangin tayo!

Hesus, Dakilang Pastol, patuloy mong patnubayan lahat ng tinawag mo sa buhay relihiyoso at pamumuno sa Simbahan. Nawa ang halimbawa ng kanilang tunay na Kristiyanong pamumuhay ay maglapit sa amin sa iyong nabu- buhay at naghaharing walang hanggan. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez May 6, 2022 at 12:37 pm

PAGNINILAY: Ang Ikaapat na Linggo ng Pagkabuhay ni Hesus ay mas kilala bilang Linggo ng Mabuting Pastol. Mababatid natin sa Bibliya na ang pagpapastol ay isa sa mga pinakatanyag na hanapbuhay ng mga tao sa Luma at Bagong Tipan. Makikita natin sa Aklat ni Exodo na si Moises matapos niyang takasan ang tangka ni Faraon at nakitungo sa Midian ay nagpastol sa kawan ng kanyang biyenang si Jetro. Sa nagliliyab na punongkahoy siya’y tinawag ng Panginoon upang magsilbi bilang gabay ng mga Israelita sa pagkalikas mula sa pagkaalipin. Si Haring David ay ang pinakabata sa mga anak ni Jesse, na siya’y nagsisilbing pastol sa kanyang kawan. Siya’y pinili ng Diyos na pahiran ni Samuel ng langis upang maging susunod na Hari ng Israel. Si Isaias ay isa ring pastol na pinili ng Diyos na maging propeta upang magpahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas. At si Hesus ay ang Mabuting Pastol ng ating mga kaluluwa dahil ang kanyang pakay ay akayin tayong lahat tungo sa kaligtasan. Bilang pastol, hindi niya nais tayo’y pabayaan sa kasalanan, ngunit tubusin sa pamamagitan ng kanyang pag-aalay ng buhay sa Krus at Muling Pagkabuhay. Makikita natin sa buong kasaysayan ng Bibliya na ang pagpapastol ay nagsisimbolo ng isang mahalagang tungkulin tungo sa tupa. Kaya sinasabi ng Salmo 23 na ang Panginoong Diyos ay ang Pastol na hindi tayo kailanma’y kukulangin sa buhay. Alam natin na ang pastol ay namamahala sa pangangaalaga ng kanyang kawan, at kapag ang isang tupa ay sumuway ay kanilang hahampasin nito ng tungkod upang sumunod. Makikita dito na alam ng pastol ang amoy ng kanyang kawan sapagkat gagawin niya ang lahat para sa ikabubuti ng lahat. Ganun rin ang Panginoong Hesus na siya ang Mabuting Pastol.

Iba po ang pagiging mabait sa pagiging mabuti. Bilang Mabuting Pastol, si Kristo ang gumagabay sa atin patungo sa kanyang Ama. Ang kanyang pagiging mabuti ay makikita rin sa kanyang katuwiran at katarungan sa mga panahong tayo’y sumuway sa dakilang kalooban. Minsan nga’y sinabi ni Arsobispo Socrates Villegas: “Ang tungkod ni Hesus kapag tayo’y nagkakasala ay AWA.” Siya ang maawaing Pastol na nagmamahal sa atin sa kabila ng ating mga pagkukulang at pagkakamali sa buhay. Ipinakita niya ito nang ialay niya ang kanyang buhay upang tayo’y mailigtas at mas gawin pang matapat sa Diyos Ama. At dito’y ipinamana ni Hesukristo ang misyon ng pagpapahayag ng Mabuting Balita. Kaya makikita natin sina San Pablo at San Bernabe sa Unang Pagbasa na nagpapahayag ng mensaheng ito hindi lang sa mga Hudyo, pati na rin sa mga Hentil. Si San Juan naman sa Ikalawang Pagbasa ay patuloy na nararanasan ng mga pangitain tungkol sa magandang biyaya ng buhay na walang hanggan. Matapos ng ating mga pagkaranas ng ginhawa at dusa sa lupang ibabaw, mararanasan natin balang araw ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan, kung saan mapapawi ang bawat lungkot sa atin sa pagpapahiran ng Diyos ng luha mula sa ating mga mata.

Kaya nawa tayo ay sumunod sa ating Mabuting Pastol sa pagsasabuhay ng mga pagpapahalaga ng Mabuting Balita. Maging mabuting pastol din tayo sa ibang tao sa paggawa ng kabutihan at katuwiran sa kanila.

Reply

ruel arcega May 8, 2022 at 7:15 am

Ang ikaapat na linggo ng pasko ng pagkabuhay ay tinatawag ng ang mabuting Pastol na linngo, Good Sheperd sunday at Vocation sunday. Dahil nais nang simbahan na ipaalala sa na ang ating Panginoon ay mabuting Pastol, Ang Mabuting Pastol ang isinalarawan ng ebangelyo sa isang talinghaga kung saan ang pastol na mabuti ay hindi niya pinababayaan ang kanyang mga tupa kanyang ipinmahala at inaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para hindi mapahamak ang mga tupa kanyang inaalagaan. Na ganyan di ang ginawa ni Hesus sa atin. Kaya sa mga unang kristiano na lawaran nang mabuting pastol na si Hesus ay ikinalong sa kanyang balikata ng tupa. Pagsasalarawan paanio tayo iniaalagaan ni Hesus. Halina tayo ay magpasalamat sa Diyos sa patuloy na tyao ay iniingatan na hindi tayo mapahamak, upang mapabilang tayo sa ikalawang pagbasa na makapiling tayo sa trono ng Mabuting PAstol.

Reply

arnel gutierrez May 8, 2022 at 8:48 am

malaking tulong po sa akin ito..bilang instructor sa choir maraming salamat po.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño May 8, 2022 at 12:16 pm

“Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan, at kailanma’y di sila mapapahamak“

Napakaganda ng pangako ng Diyos sa atin kung tayo lamang ay magiging masunuring tupa. Si Hesus ang Mabuting Pastol, samatalang tayo naman ang mga tupa. Kapatid kung ikaw ay makasalanan sa ngayon ay hindi pa huli ang lahat. Magnilay ka.. suriin ang iyong sarili.. anong klaseng tupa ka? Magsisi tayo…. Humingi tayo ng kapatawaran sa ating mga gawang kabalastugan,,, mahiya tayo sa Diyos, matakot tayo sa Diyos…. At sikapin natin na matalikuran ma ang kasamaan. At pag nagsisikap tayo sa daan ng pagpapakabanal ay mararamadaman natin ang pangako ni Hesus na kailama’y hindi tayo mapapahamak.

Matatandaan na iniwan ng Mabuting Pastol ang 99 na tupa upang hanapin lamang ang isang tupang naliligaw ng landas. At ng ito ay matagpuan nya ay nagdiwang sya. Kinalulugdan ng Panginoon ang makasalanang taong nagababalik sa kanya.

Purihin natin ang Panginoon!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: