Sabado, Abril 16, 2022

April 16, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Magdamagang Pagdiriwang sa Pasko ng Muling Pagkabuhay

Pinalakas ng pananatili ng Panginoon sa piling natin at binibigyang sigla ng kanyang napakalaking pag-ibig para sa ating lahat, lubos na pagtitiwalang idulog natin sa kanya ang ating mga kahilingan para sa pangangailangan ng sangkatauhan sa ating panalanging:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Upang ang buong Simbahan ay magtamo ng tunay na muling pagkabuhay at paglaya sa lahat ng mga nagdaang pagkatalo, kapintasan at pagtalikod, manalangin tayo!

Upang ang Santo Papa at lahat ng mga pinunong espirituwal ay palakasin ng pagkabuhay na muli ni Hesus at bigyan ng kasiyahan sa kanilang dinaranas na kahirapan, manalangin tayo!

Upang ang lahat ng bagong binyag ay manatiling tapat sa kanilang pangakong itakwil ang masama at mamuhay ayon sa Ebanghelyo, manalangin tayo!

Upang ang lahat ng taong nasalanta ng digmaan at sakuna ng kalikasan ay makalasap ng kapayapaan at ng kagalakan ng muling pagkabuhay, manalangin tayo!

Upang matagpuan ng mga nasa bingit ng kamatayan, sa muling pagkabuhay ng Panginoon, ang kanilang bukal ng pag-asa at katiwasayan sa paglisan nila sa buhay na ito, manalangin tayo!

Taimtim tayong manalangin para sa ating mga pansariling kahilingan. (Tumahimik sandali.)
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, nawa’y punuin ng kaningningan ng muling pagkabuhay ni Kristo ang aming mga araw, palakasin kami sa mga pagsubok at dalhin kami sa walang hanggang Pagkabuhay na Muli sa langit kung saan Ikaw ay nabubuhay at naghahari magpasawalang hanggan.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 1 comment… read it below or add one }

Reynald Perez April 8, 2022 at 2:50 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay ating ipinagdiriwang ang dakilang gabi ng ating kaligtasan. Ito ay tinatawag ni San Agustin na “ina ng lahat ng mga bihilya”. Sa gabing ito ay ipinagdiriwang natin ang pinakadakilang kapistahan ng ating Simbahan: ang Pasko ng Muling Pagkabuhay. Kaya ang Magdamagang Pagdiriwang na ito bagamat mahaba ay napakagandang makiisa. Makikita natin sa simula ang presensiya ng kadiliman. Sa kadilimang iyon ay inaalala natin ang Kamatayan sa Krus at Paglibing ni Hesus. Subalit mayroong isang apoy at ang Paschal candle na nagsasabi sa atin na may sumikat na liwanag sa dilim. Kaya’t iyan ang nais ipahayag ng Exsultet na tunay ngang si Kristo ay nabuhay, at siya ang ating liwanag na nagdulot sa atin ng kaligtasan.

Ang mga mahahabang pagbasa at mga salmo ay nagsasalaysay sa kwento ng kaligtasan ng Diyos mula sa pagkalikha ng sangkatauhan hanggang sa Muling Pagkabuhay ng Panginoon. Ito’y isang paalala na katulad ni Hesus na tumawid mula sa kamatayan patungo sa buhay, tayo rin ay inaayahang tumawid mula sa kasalanan patungo sa grasya ng Diyos Ama. Kaya ang ikatlong bahagi ay paalala na tayo’y ginawang banal ng tubig ng binyag bilang kaisa ng Kamatayan at Pagkabuhay ni Kristo.

Sinasariwain natin muli ang ating mga pangako sa binyag upang talikdan natin ang mga gawaing masama at tangkilikin natin ang mga dakila at mabuting gawain ng Diyos. Dahil natupad nga ang ating kaligtasan sa pamamagitan ng Misteryong Paskwal, tayong lahat ay nakiisa sa piging ng kanyang Katawan at Dugo upang pagsaluhan ang kanyang “sacramental presence” na nawa’y manahan ang kanyang liwanag sa ating buhay.

Mga kapatid, ang kwento ng Misteryong Paskwal ni Hesus ay kwento rin ng ating buhay. Tunay ngang namatay ang Panginoon sa Krus upang tayo’y iligtas, subalit ang kanyang kamatayan ay nagsasabing hindi pa huli ang lahat. Ang kanyang sinapit na ito ay humantong sa kanyang Muling Pagkabuhay sa ikatlong araw, at siya’y nagtagumpay laban sa kasamaan at kamatayan. Dahil dito, tayo ay nagkaroon ng bagong buhay na nilikha tayo muli sa larawan at kaanyuan ng Ama. Kaya matapos nating gunitain ang mga Mahal na Araw, tayo ngayon ay pumapasok sa 50 araw ng Easter upang sariwain sa ating puso’t damdamin ang kanyang Pagkabuhay.

Nawa’y tunay na manahan siya sa ating mga buhay na dala ang balitang siya’y tunay na nagtagumpay at nagligtas sa ating lahat. Nawa’y maging matatag tayo sa ating pananampalataya sa kanya upang isabuhay natin si Kristo sa ating paggawa ng kabutihan at katuwiran sa kapwa.

MALIGAYANG PASKO NG PAGKABUHAY PO SA INYONG LAHAT!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: