Miyerkules, Marso 30, 2022

March 30, 2022

Miyerkules sa Ika-4 na Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Isaias 49, 8-15
Salmo 144, 8-9. 13kd-14. 17-18

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

Juan 5, 17-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Wednesday of the Fourth Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 49, 8-15

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Sabi ng Panginoon sa kanyang bayan:
“Sa araw ng pagliligtas sa iyo
ay lilingapin kita,
at tutugunin ang paghingi mo ng saklolo.
Babantayan kita at iingatan;
sa pamamagitan mo’y
gagawa ako ng tipan sa mga tao,
ibabalik kita sa sariling lupain
na ngayon ay walang kaayusan.
Palalayain ko ang nasa bilangguan
at bibigyan ng liwanag ang nasa kadiliman.
Sila’y matutulad sa mga tupang
nanginginain sa magandang pastulan.
Hindi sila magugutom ni mauuhaw.
Hindi rin daranas
ng matinding init ng sikat ng araw at sa disyerto
sapagkat papatnubayan sila noong isa
na nagmamahal sa kanila.
Sila’y ihahatid niya sa bukal ng tubig.
Gagawa ako ng lansangan sa gitna ng mga bundok
at ako’y maghahanda ng daan,
para siyang daanan ng aking bayan.
Darating ang bayan ko buhat sa malayo,
mula sa hilaga at sa kanluran,
gayun din sa Sevene sa timog.”
Kalangitan umawit ka!
Lupa, ikaw ay magalak,
gayun din ang mga bundok,
pagkat inaaliw ng Panginoon
ang kanyang hinirang,
sa gitna ng hirap ay kinahahabagan.
Ang sabi ng mga taga-Jerusalem,
“Pinabayaan na tayo ng Panginoon.
nakalimutan na niya tayo.”
Ang sagot ng Panginoon,
“Malilimot kaya ng ina
ang sarili niyang anak?
Hindi kaya niya mahalin ang sanggol na iniluwal?
Kung mayroon mang inang
lumilimot sa kanyang bunso,
Ako’y hindi lilimot sa inyo
kahit na sandali.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 144, 8-9. 13kd-14. 17-18

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

Ang Panginoong D’yos ay puspos ng pag-ibig at lipos ng habag,
banayad magalit, ang pag-ibig niya’y hindi kumukupas.
Siya ay mabuti at kahit kanino’y hindi nagtatangi;
sa kanyang nilikha, ang pagtingin niya ay mamamalagi.

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

Di ka bibiguin sa mga pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
ang kanyang ginawa kahit na ano ito ay mabuting lahat.
Siya’y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
yaong inaapi’y inaalis niya sa pagkagupiling.

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

Matuwid ang Diyos sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
kahit anong gawin ay kalakip doon ang habag at awa.
Siya’y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao
sa sinumang taong pagtawag sa kanya’y tapat at totoo.

Pag-ibig ng D’yos ay ganap,
sa tanan s’ya’y nahahabag.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Juan 11, 25a. 26

Pagkabuhay ako’t buhay,
nabubuhay na sinumang
ako’y pinananaligan
ay di mapapanaigan
ng kamatayan kailanman.

MABUTING BALITA
Juan 5, 17-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Judio: “Ang aking Ama’y patuloy sa paggawa, at gayun din ako.” Lalong pinagsikapan ng mga Judio na patayin siya, sapagkat nilabag na niya ang batas tungkol sa Araw ng Pamamahinga ay sinasabi pa niyang ang Diyos ang kanyang Ama, at sa gayo’y ipinapantay ang sarili sa Diyos.

Kaya’t sinabi sa kanila ni Hesus, “Dapat ninyong malaman na walang ginagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang ginagawa lamang niya’y ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak. Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at ipinakikita sa Anak ang lahat ng ginagawa niya. At higit pa sa mga ito ang mga gawang ipakikita sa kanya ng Ama at manggigilalas kayo. Kung paanong binubuhay ng Ama ang mga patay, gayun din naman, bubuhayin ng Anak ang sinumang nais niyang buhayin. Hindi humahatol kaninuman ang Ama. Ibinigay niya sa Anak ang buong kapangyarihang humatol upang parangalan ng lahat ang Anak, tulad ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nagsugo sa Anak.

“Sinasabi ko sa inyo: Ang nakikinig sa aking salita at nananalig sa nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan. Hindi na siya hahatulan kundi inilipat na sa buhay mula sa kamatayan. Tandaan ninyo: darating ang panahon – ngayon na nga – na maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos at ang makinig sa kanya ay mabubuhay. Ang Ama ang may kapangyarihang magbigay-buhay at ang Anak ay binigyan niya ng kapangyarihang magbigay-buhay. Binigyan din siya ng kapangyarihang humatol sapagkat siya ang Anak ng Tao. Huwag ninyo itong pagtakhan, sapagkat darating ang oras na maririnig ng mga patay ang kanyang tinig. Sila’y muling mabubuhay at lalabas sa kinalilibingan nila. Lahat ng gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama ay parurusahan.”

“Wala akong ginagawa sa sarili ko lamang. Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko; hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste March 3, 2022 at 10:41 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez March 27, 2022 at 3:06 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay nagsilbing inspirasyon sa isa mga pinakapaboritong awitin natin sa Misa: Hindi Kita Malilimutan. Ang titik nito ay nilikha ni Mr. Onofre Pagsanghan & ng Ateneo High School Class of 1A 1980, at ang himig nito’y nilikha ni Padre Manoling Francisco, SJ. Ipinapahayag ng kanta at ng pagbasa na hindi kailanma’y malilimutan at pababayaan ng Diyos ang kanyang bayan sapagkat siya ang gagabay sa kanila. Inihantulad ni Isaias ang pangakong ito ng Diyos sa pangangalaga ng ina sa sanggol na nagmula sa sinapupunan nito. At kahit may mga pagkakataong malimutan man ng iilang ina ang kanilang mga anak, tunay na hindi malilimutan at pababayaan ng Panginoon ang kanyang bayan.

Ang Ebanghelyo ay ang kasunod na mga pahayag ni Hesus matapos niyang pagalingin ang isang lalaking pilay sa loob ng 38 taon. Nangyari ito sa Araw na Pamamahinga, kaya’t pinag-uusig siya ng mga pinuno ng Judaismo. Ngunit sinabi ni Hesus na katulad ng paggawa ng Ama araw-araw, kailangan din siya gumawa kahit anong araw. At tila nga ba’y naghinala sila na idineklara ni Hesus ang kanyang sarili bilang Anak ng Diyos, na sarado nilang iniisip na nilalapastangan ni Hesus ang Diyos. Kaya’t ipinahayag ni Hesus sa maraming tao tungkol sa misyon ng Anak ng Diyos, na gagawin ang anumang tanda ayon sa dakilang kalooban ng Ama. At binigyan ng Diyos Ama ang Diyos Anak sa pangangaral ng Mabuting Balita at paggawa ng mga kababalaghan. Kaya makikita natin ang ugnayan ni Kristo sa Diyos. At ang misyon ni Kristo ay tuparin ang kanyang dakilang kalooban, kaya’t may mga pagkakataong pumupunta siya sa isang ilang o kaya sa mataas na lugar upang manalangin.

Makikita natin ang Diyos ay palaging Diyos at Panginoon noon, ngayon, at magpakailanman. Kung tayo ay patuloy na mananalig sa kanya at maging masunurin sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng mabuting ehemplo ni Kristo, tayo ay makakamit ng pagpapala ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Reply

Roy Angelo B. Villarico March 30, 2022 at 9:58 pm

Salamat Sa Diyos…Amen Alleluia Alleluia!!!

Reply

Francisco Azupardo March 30, 2022 at 7:02 am

Salamat sa Diyos. Amen. Aleluya

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 30, 2022 at 9:30 am

“Lahat ng gumawa ng mabuti ay pagkakalooban ng buhay na walang hanggan at lahat ng masama ay parurusahan.”

Ang Unang Pagbasa ay matatamis na pangako ng Diyos sa atin kung tayo lamang ay susunod sa kalooban nya. Hindi magugtom ni mauuhaw, hindi madarama ang matinding init ng araw. Puro kaligayahan at kasaganahan, kung may dumating suliranin ay Diyos ang gagawa ng paraan, kung tayo lamang ay tatalima sa kanyang mga kautusan.

Ang ebanghelyo ngayon na mensaheng iniiwan sa atin ay ang pagmamahal ng Ama sa Anak at sa lahat ng kanyang nilalang. Subalit suriin natin ang ating mga sarili, tayo ba ay karapat dapar na tumawag ng Ama sa maykapal. Tayo ba ay sumusunod sa kalooban ng Ama. Nakapadalas nating sambitin ang panalangin na itinuro sa atin ng Ama, ang nga nakapaloob ba dito ay ginagawa natin bilang mga anak ng Ama.
“Sundin ang loob mo”. Nagagawa mo ba ito?
“Patawarin mo kami sa aming mga sala gaya ng PAGPAPATAWAD NAMIN SA NAGKAKASALA SA AMIN”. Nagagawa mo ba ito?
O baka nman nakafocus lang tayo sa “BIGYAN NYO KAMI NGAYON NG AMING KAKANIN”

Magnilay ka kapatid, huminto panandali, manalangin mag-isa, kausapin si Hesus…. At magsisi, humingi ng kapatawaran at sikapin ng matalikuran ang kasamaan.

Reply

Celine loveko March 30, 2022 at 3:20 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Guendolyn Chiong March 30, 2022 at 11:01 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: