Huwebes, Marso 17, 2022

March 17, 2022

Huwebes sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Jeremias 17, 5-10
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

Lucas 16, 19-31


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Thursday of the Second Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Jeremias 17, 5-10

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Jeremias

Sinasabi ng Panginoon,
“Parurusahan ko ang sinumang tumatalikod sa akin,
at nagtitiwala sa kanyang kapwa,
sa lakas ng mga taong may hangganan ang buhay.
Ang katulad niya’y halamang tumubo sa ilang,
sa lupang tigang, at sa lupang maalat na walang ibang tumutubo;
walang mabuting mangyayari sa kanya.
“Ngunit maligaya ang taong nananalig sa Panginoon,
pagpapalain ang umaasa sa kanya.
Ang katulad niya’y halamang nakatanim sa tabi ng batisan,
ang mga ugat ay patungo sa tubig;
hindi ito manganganib kahit dumating ang tag-init,
sapagkat mamamalaging luntian ang mga dahon nito,
kahit di umulan ay wala itong aalalahanin;
patuloy pa rin itong mamumunga.
“Sino ang makauunawa sa puso ng tao?
Ito’y magdaraya at walang katulad;
Wala nang lunas ang kanyang kabulukan.
Akong Panginoon ang sumisiyasat sa isip
at sumusubok sa puso ng mga tao.
Ginagantihan ko ang bawat isa ayon sa kanyang pamumuhay,
at ginagantimpalaan ayon sa kanyang ginagawa.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 1, 1-2. 3. 4 at 6

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

Mapalad ang taong hindi naaakit niyong masasama,
upang sundan niya ang kanilang payo’t maling halimbawa;
hindi sumasama sa sinumang taong ang laging adhika’y
pagtawanan lamang at hamak-hamakin ang Diyos na dakila.
Nagagalak siyang laging magsaliksik ng banal na aral,
ang utos ng Poon siyang binubulay sa gabi at araw.

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

Ang katulad niya’y isang punongkahoy sa tabing batisan,
sariwa ang daho’t laging namumunga sa kapanahunan,
at anumang gawin ay nakatitiyak na magtatagumpay.

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

Ngunit ibang-iba ang masamang tao; ipa ang kawangis,
siya’y natatangay at naipapadpad kung hangi’y umihip.
Sa taong matuwid ay Panginoon ang s’yang mag-iingat,
ngunit kailanman ang mga masama ay mapapahamak.

Mapalad ang umaasa
sa Panginoon tuwina.

AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Lucas 8, 15

Mapalad ang nag-iingat
sa kanyang pusong matapat
ng Salitang nagbubuhat
sa Poong D’yos ng liwanag,
sa t’yaga’y aaning ganap.

MABUTING BALITA
Lucas 16, 19-31

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga Pariseo: “May isang mayamang nagdaramit nang mamahalin at saganang-sagana sa pagkain araw-araw. At may isa namang pulubing nagngangalang Lazaro, tadtad ng sugat, na nakalupasay sa may pintuan ng mayaman upang mamulot kahit mumong nahuhulog mula sa hapag ng mayaman. At doo’y nilalapitan siya ng aso at dinidilaan ang kanyang mga sugat. Namatay ang pulubi, at dinala ng mga anghel sa piling ni Abraham. Namatay rin ang mayaman, at inilibing. Sa gitna ng kanyang pagdurusa sa Hades, tumingala ang mayaman at kanyang natanaw sa malayo si Abraham, kapiling ni Lazaro. At sumigaw siya, ‘Amang Abraham, mahabag po kayo sa akin. Utusan ninyo si Lazaro na isawsaw sa tubig ang dulo ng kanyang daliri at palamigin ang aking dila, sapagkat naghihirap ako sa apoy na ito.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Anak, alalahanin mong nagpasasa ka sa buhay sa ibabaw ng lupa, at si Lazaro’y nagtiis ng kahirapan. Ngunit ngayo’y inaaliw siya rito, samantalang ikaw nama’y nagdurusa. Higit sa lahat, inilagay sa pagitan natin ang isang malaking bangin upang ang mga narini ay hindi makapariyan at ang mga nariyan ay hindi makaparini.’ At sinabi ng mayaman, ‘Kung gayun po, Amang Abraham, ipinamamanhik ko sa inyong papuntahin si Lazaro sa bahay ng aking ama, sapagkat ako’y may limang kapatid na lalaki. Paparoonin nga ninyo siya upang balaan sila at nang hindi sila humantong sa dakong ito ng pagdurusa.’ Ngunit sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Nasa kanila ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta; pakinggan nila ang mga iyon.’ ‘Hindi po sapat ang mga iyon,’ tugon niya, ‘ngunit kung pumunta sa kanila ang isang patay na muling nabuhay, tatalikdan nila ang kanilang mga kasalanan.’ Sinabi sa kanya ni Abraham, ‘Kung ayaw nilang pakinggan ang mga sinulat ni Moises at ng mga propeta, hindi rin nila paniniwalaan kahit ang isang patay na muling nabuhay.’”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Carmela A. Emano March 16, 2017 at 2:12 pm

Maraming O Panginoon, sa iyong salita dahil dito naiibsan ang nararamdaman kong lungkot. NIliliwanagan mo ang isip ko. Ngayong alam ko na, mapalad kaming umaaasa lagi sa Iyo.

Reply

Reynald Perez March 18, 2019 at 11:43 pm

Ang Panahon ng Kuwaresma bilang 40 araw ng paghahanda para sa Semana Santa at Pasko ng Muling Pagkabuhay ay panawagan sa atin patungo sa katapatan. At ang pagiging matapat ay makikita natin sa paggawa ng kabutihan sa kapwa. Subalit ang 2 Pagbasa ay tila’y nagpapakita ng kasalungat ng pagpapahalaga ito mula sa kasaysayan ng Israel at ang kapanahunan ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Unang Pagbasa mula kay Propeta Jeremias ay isang babala ng Panginoong Diyos laban sa bayang Juda sa pagiging masuwayin sa kanyang utos. Hindi natutuwa ang Panginoon dahil ang kanyang bayan ay tumatalikod sa kanya. Subalit ipinapahayag din dito na ang mga matuwid at may matatag na pananampalataya ay magkakaroon ng masaganang buhay. Kaya tayo ay inaanyayahan na magbalik-loob sa kanya at gumawa ng tama at mabuti. Ang Ebanghelyo ay isang parabula ni Hesus tungkol sa Mayamang Lalaki at ang pulubing si Lazaro. Makikita dito ang dalawang katauhan ang isang mayaman (sa wikang Latin “Dives) at ang isang mahirap (sa wikang Latin “pauper). Si Lazaro ay kumakain lamang mula sa mga tirang mumog, at ang mga aso ay dumidila sa kanyang mga sugat. Samantala ang mayamang lalaki naman ay nakikipagsaya sa anumang kayamanang mayroon siya, ni hindi niya nabatid ang pulubi sa tabi ng kanyang pintuan. Kaya nang kapwa silang mamatay, ang mayaman ay naninginas sa apoy ni Gehena, samantala si Lazaro ay guminhawa sa kaluwalhatian ng langit. Kaya humiling ang lalaki kay Abraham na ipasugo si Lazaro sa kanyang bahay upang isawsaw ng daliri nito sa tubig upang hindi siya’y magduasa sa mga apoy. Subalit ipinaalala ni Abraham nung ito’y namumuhay, ang naranasan niya ay ginahawa dahil sa mga ari-arian, samantala si Lazaro na nagmamalimos ay halos kakaunti o walang ginahawa. Kaya gusto ng lalaki na bigyang babala ang kanyang mga kapatid upang hindi sila’y magdusa katulad niya. Subalit ipinaala ni Abraham na kung hindi sila makikinig kina Moises at ang mga propeta, hindi sila maniniwala na mayroong muling pagkabuhay. Makikita dito na kaya ang mayamang lalaki ay nagdusa sa impiyerno ay hindi dahil niyurakan niya si Lazaro, kundi malaki ang pagkukulang niya na bigyan ng pulubi ng bahagi ng kanyang ari-arian. Kaya ito yung tinatawag sa wikang Ingles na “sin of omission”. Kahit ang pagkukulang natin sa paggawa ng tama at mabuti ay isa ring kasalanan kung dapat manaig ang maganda ayon sa pamantayan ng ating Maykapal. Kaya ngayong Panahon ng Kuwaresma, nawa’y sikapin natin na pahalagahan ang mga tamang gawain at mabubuting tungkulin tungo sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga “Lazaro” na kinakailangan ng ating tulong.

Reply

Melba G. De Asis March 21, 2019 at 6:16 am

May katampatang parusa ang anumang hindi magandang gawa, at may nakalaang pagpapala ang umaasa at nagtitiwala sa kapangyarihan ng Panginoon. Amen

Reply

Mark Jefferson Criste March 3, 2022 at 10:36 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez March 14, 2022 at 12:42 pm

PAGNINILAY: Ang Panahon ng Kuwaresma bilang 40 araw ng paghahanda para sa Semana Santa at Pasko ng Muling Pagkabuhay ay panawagan sa atin patungo sa katapatan. At ang pagiging matapat ay makikita natin sa paggawa ng kabutihan sa kapwa. Subalit ang 2 Pagbasa ay tila’y nagpapakita ng kasalungat ng pagpapahalaga ito mula sa kasaysayan ng Israel at ang kapanahunan ng ating Panginoong Hesukristo.

Ang Unang Pagbasa mula kay Propeta Jeremias ay isang babala ng Panginoong Diyos laban sa bayang Juda sa pagiging masuwayin sa kanyang utos. Hindi natutuwa ang Panginoon dahil ang kanyang bayan ay tumatalikod sa kanya. Subalit ipinapahayag din dito na ang mga matuwid at may matatag na pananampalataya ay magkakaroon ng masaganang buhay. Kaya tayo ay inaanyayahan na magbalik-loob sa kanya at gumawa ng tama at mabuti.

Ang Ebanghelyo ay isang parabula ni Hesus tungkol sa Mayamang Lalaki at ang pulubing si Lazaro. Makikita dito ang dalawang katauhan ang isang mayaman (sa wikang Latin “Dives) at ang isang mahirap (sa wikang Latin “pauper). Si Lazaro ay kumakain lamang mula sa mga tirang mumog, at ang mga aso ay dumidila sa kanyang mga sugat. Samantala ang mayamang lalaki naman ay nakikipagsaya sa anumang kayamanang mayroon siya, ni hindi niya nabatid ang pulubi sa tabi ng kanyang pintuan.

Kaya nang kapwa silang mamatay, ang mayaman ay naninginas sa apoy ni Gehena, samantala si Lazaro ay guminhawa sa kaluwalhatian ng langit. Kaya humiling ang lalaki kay Abraham na ipasugo si Lazaro sa kanyang bahay upang isawsaw ng daliri nito sa tubig upang hindi siya’y magduasa sa mga apoy. Subalit ipinaalala ni Abraham nung ito’y namumuhay, ang naranasan niya ay ginahawa dahil sa mga ari-arian, samantala si Lazaro na nagmamalimos ay halos kakaunti o walang ginahawa. Kaya gusto ng lalaki na bigyang babala ang kanyang mga kapatid upang hindi sila’y magdusa katulad niya. Subalit ipinaala ni Abraham na kung hindi sila makikinig kina Moises at ang mga propeta, hindi sila maniniwala na mayroong muling pagkabuhay.

Makikita dito na kaya ang mayamang lalaki ay nagdusa sa impiyerno ay hindi dahil niyurakan niya si Lazaro, kundi malaki ang pagkukulang niya na bigyan ng pulubi ng bahagi ng kanyang ari-arian. Kaya ito yung tinatawag sa wikang Ingles na “sin of omission”. Kahit ang pagkukulang natin sa paggawa ng tama at mabuti ay isa ring kasalanan kung dapat manaig ang maganda ayon sa pamantayan ng ating Maykapal.

Kaya ngayong Panahon ng Kuwaresma, nawa’y sikapin natin na pahalagahan ang mga tamang gawain at mabubuting tungkulin tungo sa ibang tao, lalung-lalo na sa mga “Lazaro” na kinakailangan ng ating tulong.

Reply

Daisy Esplana March 17, 2022 at 5:17 am

Pinupuri ka namin Panginoon Hesuskristo.

Reply

ruel arcega March 17, 2022 at 9:02 am

Isang muling talinghaga ang ipinahayag ni Hesus sa atin, Isang mayaman at si Lazaro na sa pintuan ng mayaman na tadtad ng sugat ,at ang aso ang lumalapit at dinidilaan ang sugat. walang salita ngunit anu ang larawan at kwento na nais ipahayag ni Hesus. dito. At parehong namatay sila. Si Lazaro ay ginantipalan na makapiling si Abraham, at ang mayaman ay pinarusahan sa apoy nang imperyerno. Unang bahagi nakita natin una sa lahat ay ang gantimplata at ang parusa. Katulad ng unang pagbasa , may parusa ang tumalikod sa kanya at nagtiwala sa kawpa hindi sa Diyos. at may gantimpala ang taong nanalig sa Diyos at umaasa sa Diyos. Na siyang ipinakita nag dalawang tao sa talinghaga ni Hesus. dahil ang mayaman ay tumalikod sa Diyos na hindi umibig sa Diyos sa paraan na ibigin ang kapwa at paglingkururan. Umasa sa kanyang kayaman. Dahilan na naging sakim at maramot at manhid na ibagahagi ang kaloob ng Diyos . Samanata si Lazaro ay nagtiis ng paghihirap at hindi niya sinisi ang Diyos at patuloy na nagtiwala sa awa ng Diyos. Ito ang nais isalarawan ng tanglingha tungkol sa mayaman at si Lazaro. Una dapat ang lahat nang ating ginagawa ay ayon sa kalooban ng Diyos at paglingkuran ang Diyos. at hindi ang kapangyarihan ng kamanan na may hanggan at siyang magdadala sa kapamahakan kung hindi ito gagamitin ayon sa kalooban ng Diyos. Si Lazaro ginamit niya ang kaloob ng Diyos ayon sa Kalooban ng Diyos.,Ang pagtitiis at makuntento sa buhay ayon sa kaloob ng Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 17, 2022 at 9:29 am

Ang mensahe ng Unang Balita ay ginagantihan ng Diyos ang tao ayon sa kanyang pamumuhay, at ginagantimpalaan nya ang tao ayon sa kanyang ginagawa. Malinaw na dapat na tayo magnilay, suriin ang ating mga sarili kung anong klaseng pamumuhay ba ang meron tayo, kung anu-ano ang mga pinag-gagagawa natin. Ang mga ito ba ay naayon sa kalooban ng Diyos, sa palagay mo ba ay natutuwa si Hesus sa pamumuhay at gawain natin? Wala ba tayong nalalbag sa sampung utos, kinalulugdan kaya ng Ama sa langit ang mga inaatupag natin?
Ikaw ang makakasagot kapatid, huminto ka sandali, manalangin, kausapin si Hesus, magsisi, himingi ng kapatawaran at magbago, samantalahin mo ang banal na panahon ng Kwaresma.

Ang ebanghelyo ngayon ay kwento ni Hesus tungkol sa isang mayamang lalaki at sa dukhang si Lazaro. Sa salaysay ay wala nmang nabanggit na masamang tao ang mayaman pero ang hayaang mamumulot lamang ng mumo si Lazaro para may makain ay kasalanan. Hindi masama ang maging mayaman subalit kung ikaw ay ganid, madamot, matakaw, mapagpahalaga sa materyal, hindi nagbibigay sa nangangailangan o kung magbigay man ay kung ano lamang ang labis sa kanya, mapang maliit, mapang api, mayabang, yan ay kasalanan. At apoy na napakainit ang naghihintay sayo.

Isa pang mensahe ng ebanghelyo ay hindi natin kailangang makaka-usap ng taong namatay at muking nabuhay upang magsimulang baguhin ang sarili. Mensahe ng ebanghelyo na sundin natin ang utos ni Moises o ng Diyos kahit wala tyong nakikitang pangitain. Magtiwala tayo sa Diyos kahit hindi natin sya nakikita at umasa tayo sa kanya.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: