Martes, Marso 15, 2022

March 15, 2022

Martes sa Ika-2 Linggo
ng Apatnapung Araw na Paghahanda

Isaias 1, 10. 16-20
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Mateo 23, 1-12


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Second Week of Lent (Violet)

UNANG PAGBASA
Isaias 1, 10. 16-20

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias

Mga pinuno ng Sodoma,
pakinggan ninyo ang sinasabi ng Panginoon;
mga namamayan sa Gomorra,
pakinggan ninyo ang aral ng ating Diyos.
Magpakabuti na kayo, magbalik-loob sa akin;
talikdan na ninyo ang masasamang gawain.
Tumigil na kayo ng paggawa ng masama.
Pag-aralan ninyong gumawa ng mabuti;
pairalin ang katarungan;
itigil ang pang-aapi;
tulungan ang mga ulila;
ipagtanggol ang mga balo.
“Halikayo at magliwanagan tayo,
gaano man karami ang inyong kasalanan,
handa akong ipatawad ang lahat ng iyan,
kahit na kayo’y maruming-marumi sa kasalanan,
kayo’y magiging busilak sa kaputian.
Kung kayo’y susunod at tatalima,
pasasaganain ko ang ani ng inyong lupain.
ngunit kung magpapatuloy kayo sa inyong pagsuway
ay tiyak na kayo’y mamamatay.”
Ito ang sabi ng Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 49, 8-9. 16bk-17. 21 at 23

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana’y sinusunog,
bagaman ang mga toro’y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Bakit ninyo inuusal yaong aking mga utos?
At bakit ang paksa ninyo ay sa tipan natutungod?
Pag kayo ay tinutuwid, agad kayong napopoot,
at ni ayaw na tanggapin yaong aking mga utos.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

Kahit ito ay ginawa hindi kayo alumana,
kaya naman ang akala, kayo’t ako’y magkaisa;
ngunit ngayon, panahon nang kayo’y aking pagwikaan
upang inyong maunawa ang ginawang kamalian.
Ang parangal na nais ko na sa aki’y ihahain,
ay handog ng pasalamat, pagpupuring walang maliw;
akin namang ililigtas ang lahat na masunurin.

Ang masunurin sa Diyos
ay sasagipin n’yang lubos.

AWIT PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA
Ezekiel 18, 31

Sinabi ng Poong mahal:
“Kasamaan ay layuan,
kasalana’y pagsisihan;
kayo ay magbagong-buhay,
magbalik-loob na tunay.”

MABUTING BALITA
Mateo 23, 1-12

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad, “Ang mga eskriba at ang mga Pariseo ang kinikilalang tagapagpaliwanag ng Kautusan ni Moises. Kaya’t gawin ninyo ang itinuturo nila at sundin ang kanilang iniuutos. Ngunit huwag ninyong tularan ang kanilang gawa, sapagkat hindi nila isinasagawa ang kanilang ipinangangaral. Nagbibigkis sila ng mabibigat na dalahin at ipinapasan sa mga tao; ngunit ni daliri ay ayaw nilang igalaw upang tumulong sa pagdadala ng mga iyon. Pawang pakitang-tao ang kanilang mga gawa. Nilalaparan nila ang kanilang mga pilakterya at hinahabaan ang palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ang ibig nila’y ang mga upuang pandangal sa mga piging at ang mga tanging luklukan sa mga sinagoga. Ang ibig nila’y pagpugayan sila sa mga liwasang bayan, at tawaging guro. Ngunit kayo — huwag kayong patawag na guro, sapagkat iisa ang inyong Guro, at kayong lahat ay magkakapatid. At huwag ninyong tawaging ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Amang nasa langit. Huwag kayong patawag na tagapagturo, sapagkat iisa ang inyong Tagapagturo, ang Mesias. Ang pinakadakila sa inyo ay dapat maging lingkod ninyo. Ang nagpapakataas ay ibababa, at ang nagpapakababa ay itataas.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste March 3, 2022 at 10:35 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez March 14, 2022 at 12:14 pm

PAGNINILAY: Ang Panahon ng Kuwaresma ay panawagan ng kalinisan at kababang-loob.

Narinig natin sa Unang Pagbasa ang paanyaya ni Hesus na tawagin ang mga taong nagkasala na magsisi mula sa mga kasalanan at manumbalik sa Diyos. Gaano mang kalaki ang ating mga pagkakasala at pagkukulang, ang Panginoon ay patuloy na nagmamahal sa atin. At kaakibat ng kanyang walang hanggang pag-ibig ay ang pagiging malinis hindi lang sa labas, kundi pati na rin sa loob.

Ito ang hindi nakita ni Hesus sa mga Pariseo at eskriba sa Ebanghelyo. Madalas kilala ang mga pinuno ng mga Hudyo bilang mangaral at matataas ang posisyon. Ngunit sila na nga’y tagapagtupad at tagasunod ng Kautusan ay naghahangad na purihin ng ibang tao. Sila pa nga ang dumadagdag sa pamatok ng kanilang kapwa’y nangangailangan. Kaya tinuligsa ni Hesus ang kanilang pagiging “paimbabaw” o ibang salin ay “pakitang-tao” at “hipokrito”. Sa ayaw o gusto natin, iilan sa atin ay mayroon ganyang pag-uugali. Kaya nagsusuot tayo ng mga maskara upang magmukhang mabuti at matuwid sa harap ng napakaraming tao, subalit sa loob naman ay may mga nakatagong hangarin na hamakin ang ibang tao.

Ang hamon sa atin ni Hesus ay kababang-loob sapagkat ito ang magpapataas sa atin bilang pangako na tayo’y kakamit ng tunay na buhay na walang hanggan. At nawa’y sa pagiging mapagkumbaba natin, lalung-lalo itong Panahon ng Kuwaresma, ay patuloy tayo na gumawa ng mabuti at matuwid na bagay sa ating kapwa hindi para maging sikat tayo, kundi ipakita ang ating pagmamahal sa kanila, na siya ring tanda ng pagmamahal natin sa Diyos.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño March 15, 2022 at 9:38 am

Sa Unang pagbasa aya napakaganda ng mensaheng dala sa atin ng Panginoon. Pag-asa ang dala at kaunlaran. Hinihimok tayo na magbalik loob sa Diyos, kahit gaano ka pa karumi, kahit gaano ka pa kasama ay wag mong isiping wala ka ng pag-asa at hindi na mamahalin ng Diyos. Iniintay lamang tayo ni Hesus na magsisi at patatwarin nya tayo, gagawing kasing linis ng busilak at may bonus pang gantimapala na pauunlarin. Kaya’t ano oa ang iniintay natin? Samanatalahin natin ang Kwaresma ito na magbagong anyo hindi lamang ng panlabas kundi sa puso at kaluluwa.

Napag uusapan ang panlabas, ganyan din ang hamon ata aral ng Ebenghelyo ngayon, huwag tayong maging mabuti sa panlabas lamang o mapgakunwari na katulad ng mga eskriba at pariseo. Hinahangad nila ang papuri mula sa tao, sinabi ni Hesus na sundin natin ang mga aral jila sapagkat galing nman kay Moises ang sinasabi nila pero ang kanilang gawi na mapag imbabaw ay hindi dapat tularan.

Ngayonh panahon ng eleksyon ay may mga nakakausap akong parishoners na tinatabangan sa mga kaparian sa kadahilanang puro pulitika ang naririnig sa homiliya. Maging ako ay naging saksi dito, imbes na ipaliwanag ang Mabuting Balita ay paninira sa isang tumatakbong presidente ang aking mga narinig. Ganyan din ang sinasabi ni Hesus sa ebanghelyo, sundin natin ang mga kautusan na sinsabi ng mga pari sapagkat ito ay hango sa bibiliya. Pero wag nating tularan ang mga paring ito na ipinapakitang hindi sila marunong mapagpatawad sa isang nakaraang presidente, wag natin tularan ang mga paring ito na puno ng galit ang dibdib, wag nating tularan ang mga paring ito na sa pninirang puri at panghuhusga ng tao. Wag nating tularan ang mga paring ito ginagamit ang homiliya sa pangangampanya. Huwag tayong bibitiw sa pananalig sa simbahan.

Reply

Ted March 15, 2022 at 5:32 pm

Mga politikong mga mapagkuwari at mga paimbabaw. Sila ang focus ng gospel today dahil iyan ang mahalagang makita natin sa ating buhay ngayon, bukod pa sa malaking epekto nito bilang mga Pilipino. Marami silang binulag at nalinlang sa paniniwalang may mabuti silang kalooban subalit ang kanilang mga pinag-daanan at mga gawa ang nagpapatunay na sila ay mapag-samantala sa mga taong naniniwala sa kanila. Marami silang itinatagong pabigat sa pagiging Kristiyano. Obligasyon ng mga kapariaan at ng mga naniniwala sa Diyos na tulungang malinawan at makita ang katotohanan upang hindi na lumaganap ang mapag-samantala ay mga umalipusta sa ating Diyos at sa sambayanang Pilipino. Panahon na upang itakwil ang mga political dynasty sa ating bansa at palaganapin na ang pagsasabuhay ng mga salita ng Diyos. Tulungan natin ang ating bansa, ang ating sarili laban sa mga makapangyarihan at mayayaman na ginagamit ang mga mangmang sa pang-sariling interest. Panahon na upang lumaya tayo sa kasinungalingan at umasa na ang kapangyarihan ng Diyos at pagmamahal ang maghari.

Reply

Markos Jose March 15, 2022 at 1:16 pm

Sino ang mga MASUNURIN sa Diyos?Sila yng mga TUMUTULONG sa mga ULILA at BALO, sila yng mga HINDI NAGKAKALAT ng FAKE NEWS, Sila yng mga NAGBIBIGAY ng KATARUNGAN sa mga MAHIHIRAP at API, Sila yng mga HINDI MAGNANAKAW at NAGPA-PAGAMIT sa mga MAGNANAKAW, sila yng mga HINDI BUMOBOTO sa mga MAGNANAKAW at PUMAPATAY ng KAPWA. Amen

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: