Martes, Marso 8, 2022

March 8, 2022

Paggunita kay San Juan de Dios, namanata sa Diyos

1 Juan 3, 14-18
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-7a. 7b-8. 9

Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.

Mateo 25, 31-40

Optional Memorial of Saint John of God, religious

UNANG PAGBASA
1 Juan 3, 14-18

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan

Mga pinakamamahal, nalalaman nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid; at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. Dito natin nakikilala ang tunay na pag-ibig: inialay ni Kristo ang kanyang buhay dahil sa atin. Dapat din nating ialay ang ating buhay dahil sa mga kapatid. Kapag nakita ng sinumang may kaya sa buhay ang kanyang kapatid na nangangailangan, at hindi niya ito tinulungan, paano niya masasabing siya’y umiibig sa Diyos? Mga anak, huwag tayong umibig sa pamamagitan ng salita o wika lamang. Ipakita natin ang tunay na pag-ibig sa pamamagitan ng gawa.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 111, 1-2. 3-4. 5-7a. 7b-8. 9

Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.

o kaya: Aleluya.

Mapalad ang tao na may takot sa Diyos,
siyang sumusunod nang buong alindog.
Ang kanyang lipi’y magiging dakila,
pati mga angkan ay pinagpapala.

Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.

Magiging sagana sa kanyang tahanan
katarungan niya’y walang katapusan.
Ang taong matuwid, may bait at habag,
kahit sa madilim taglay ay liwanag.

Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.

Ang mapagpautang nagiging mapalad,
kung sa hanapbuhay siya’y laging tapat.
Hindi mabibigo ang taong matuwid,
di malilimutan kahit isang saglit.

Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.

Anumang balita’y hindi siya takot,
matatag ang puso’t may tiwala sa Diyos.
Wala siyang takot hindi nangangamba,
alam na babagsak ang kaaway niya.

Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.

Mabait na lubha, lalo sa mahirap,
ang pagiging mat’wid ay di nagwawakas.
Buong karangalan siyang itataas.

Mapalad s’ya na may takot
sa D’yos na magandang-loob.

ALELUYA
Juan 13, 34

Aleluya! Aleluya!
“Bagong utos,” ani Kristo,
“mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.”
Aleluya! Aleluya!

o kaya:
AWIT-PAMBUNGAD SA MABUTING BALITA

Juan 13, 34

“Bagong utos,” ani Kristo,
“mag-ibigan sana kayo
katulad ng pag-ibig ko.”

MABUTING BALITA
Mateo 25, 31-40

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Darating ang Anak ng Tao bilang Hari, kasama ang lahat ng anghel, at luluklok sa kanyang maringal na trono. Sa panahong iyon, matitipon sa harapan niya ang lahat ng tao. Sila’y pagbubukud-bukurin niya, tulad ng ginagawa ng pastol sa mga tupa at mga kambing. Ilalagay niya sa kanyang kanan ang mga tupa, at sa kaliwa ang mga kambing. At sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan, ‘Halikayo, mga pinagpala ng aking Ama! Pumasok na kayo at manirahan sa kahariang inihanda para sa inyo mula pa nang likhain ang sanlibutan. Sapagkat ako’y nagutom at inyong pinakain, nauhaw at inyong pinainom. Ako’y isang dayuhan at inyong pinatuloy. Ako’y walang maisuot at inyong pinaramtan, nagkasakit at inyong dinalaw; ako’y nabilanggo at inyong pinuntahan.’ Sasagot ang mga matuwid, ‘Panginoon, kailan po namin kayo nakitang nagutom at aming pinakain, o nauhaw at aming pinainom? Kailan po kayo naging dayuhan at aming pinaramtan? At kailan po namin kayo nakitang may sakit o nasa bilangguan at aming dinalaw?’ Sasabihin ng Hari, ‘Sinasabi ko sa inyo: nang gawin ninyo ito sa pinakahamak sa mga kapatid kong ito, ito ay sa akin ninyo ginawa.’

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

Leave a Comment



Previous post:

Next post: