Martes, Pebrero 22, 2022

February 22, 2022

Kapistahan ng Luklukan ni Apostol San Pedro

1 Pedro 5, 1-4
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Mateo 16, 13-19


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of Chair of St. Peter the Apostle (White)

UNANG PAGBASA
1 Pedro 5, 1-4

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Pedro

Mga pinakamamahal, sa matatandang namamahala sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang tulad ninyo. Nasaksihan ko ang paghihirap ni Kristo at makakahati naman ako sa karangalang nalalapit nang ipahayag. Ipinamamanhik kong alagaan ninyo ang kawang ipinagkatiwala sa inyo ng Diyos. Pamahalaan ninyo ito nang maluwag sa loob, hindi napipilitan lamang, sapagkat iyan ang ibig ng Diyos. Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa masakim na paghahangad ng pansariling kapakinabangan, kundi sa katuwaang maglingkod; hindi bilang panginoon ng inyong mga nasasakupan, kundi bilang uliran ng inyong mga kawan. At pagparito ng Pangulong Pastol ay tatanggap kayo ng maningning na koronang di kukupas kailanman.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 22, 1-3a. 3b-4. 5. 6.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Panginoo’y aking Pastol, hindi ako magkukulang.
Ako’y pinahihimlay sa mainam na pastulan,
at inaakay niya ako sa tahimik na batisan,
binibigyan niya ako niyong bagong kalakasan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

At sang-ayon sa pangako na kaniyang binitiwan
sa matuwid na landasi’y doon ako inaakay.
Kahit na ang daang iyo’y tumatahak sa karimlan,
hindi ako matatakot pagkat ika’y kaagapay;
ang tungkod mo at pamalo ang gabay ko at sanggalang.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Sa harapan ng lingkod mo, ikaw ay may handang dulang,
ito’y iyong ginagawang nakikita ng kaaway;
nalulugod ka sa akin na ulo ko ay langisan
at pati na ang kalis ko ay iyong pinaaapaw.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

Tunay na ang pag-ibig mo at ang iyong kabutihan,
sasaaki’t tataglayin habang ako’y nabubuhay;
doon ako sa templo mo lalagi at mananahan.

Pastol ko’y Panginoong D’yos,
hindi ako magdarahop.

ALELUYA
Mateo 16, 18

Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Pedro, ang saligan
ng aking simbahang banal
na daig ang kamatayan.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 16, 13-19

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, dumating si Hesus sa lupain ng Cesarea ng Filipos. Tinanong niya ang kanyang mga alagad, “Sino raw ang Anak ng Tao, ayon sa mga tao?” At sumagot sila, “Ang sabi po ng ilan ay si Juan Bautista kayo. Sabi naman ng iba, si Elias kayo. At may nagsasabi pang si Jeremias kayo o isa sa mga propeta.” “Kayo naman, ano ang sabi ninyo? Sino ako?” tanong niya sa kanila. Sumagot si Simon Pedro, “Kayo po ang Kristo, ang Anak ng Diyos na Buhay.” Sinabi sa kanya ni Hesus, “Mapalad ka, Simon na anak ni Jonas! Sapagkat ang katotohanang ito’y hindi inihayag sa iyo ng sinumang tao kundi ng aking Amang nasa langit. At sinasabi ko naman sa iyo, ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan, at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: ang ipagbabawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit, at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste December 18, 2021 at 9:58 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez February 17, 2022 at 2:20 pm

PAGNINILAY: Ang Kapistahan ng Luklukan ni San Pedro Apostol ay patungkol sa trono na inupuan ni San Pedro nang siya’y naging unang Santo Papa, ang unang pinuno ng Simbahan. Kaya ang upuang ito ay maikita sa mismong St. Peter’s Basilica sa Vatikano. At ang Kapistahan ito ay patungkol sa pagkatiwala ni Hesus ang awtoridad ng Simbahan kay San Pedro.

Sa simula pa lamang ay alam natin si Simon Pedro ay dating mangigisdang tinawag ni Kristo na maging isang “mamalakaya ng tao”. Pero sa takbo ng buhay, sa puntong itinanong ni Hesus ang kanyang mga alagad kung sino siya sa tingin nila, tanging si Pedro ay nagpahayag na si Hesus ay ang Kristo at Anak ng Diyos. At dahil dito, ipinagkatiwala sa kanya ang pamumuno ng Simbahan at ang kapangyarihan ng susi. Ito’y nagsisilbing tanda ng paghihirang ni Kristo sa Simbahan upang makapagpatawad ng mga kasalanan.

Kaya ang ating Simbahan ay iisa, banal, Katolika, at Apostolika. Makikita natin mula sa pamumuno ni San Pedro at pangamgaral ng mga Apostol ay ipinatuloy ang pagpapahayag ng Mabuting Balita sa pamamagitan ng Santo Papa, mga Obispo, at kaparian. At gayundin ang pagpapahayag na ito ay ipinapatuloy natin, na tayo’y bahagi ng Laiko.

Tayo rin ay tinatawag na maging mga pastol na ipakita ang ating pagmamasid at pagkikilos sa pangangailangan ng ibang tao. Tayo ay tinatawag na Simbahan sapagkat tayong mga mananampalataya ay may misyon na idala ang Panginoon sa buhay ng bawat tao.

Reply

ruel arcega February 22, 2022 at 7:46 am

Ang araw na ito ay kakaiba, dahil ang ating ipinagdiriwang ay ang upuan ni San Pedro. Sa Vatican Church ay doon sa loob ang relica ng upuan ni San Pedro ay natanggal. Bakit natin pinagdirwang ito, una upang ipaalala sa ipagdiwang na na kahalilina mamumuno ng simbahan ni na itinatag ni Kristo ay mula sa kanyang pag pipili, kaya’t banal ang pagtawag na ito. Ikawalawa, na ang kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanyan ay pangalagaan ang bayan , ang kawan ng Diyos, Ikatlo upang ipaalala rin sa ang ungnayan ng nakaupo roon at sa Hesus ay hindi dapat mawala..Kaya’t ipagdasal natin ang aitng Santo Papa at mga obispo ang mga pari na maging tapat sa kanilang tungkulin iniaatang..at ibigay natin ang malaking pagsunod at paggalang.. Amen

Reply

Ferdy Baetiong Parino February 22, 2022 at 9:36 am

Ang Unang Pagbasa ay paalala sa atin na gumawa tayo ng kabutihan na hindi napipilitan lamang. Ang paggawa ng kabutihan ay hindi lamang para makatanggap ng biyaya mula sa Diyos. Ito ay dapat na malugod mong ginagawa, ikinasisiya mo ang pagtulong, nalulugod ang iyong damdamin sa paglilingkod sa Diyos, masaya ka na may relasyon ka sa Diyos, sa ganong paraan ay hindi lamang gantimpala ng materyal o makamundo ang iyong matatamasa kundi ang wagas na kaligayahan at kapayapaan ng puso’t isipan.

Ang ebanghelyo ngayon ay ang pagtalaga kay Simon Pedro na tagapamahala ng templo. Ito ay paanyaya sa atin na pahalagahan natin ang tahanan ng Diyos, maniwala tayo simbahang katolika kasabay ng paniniwala natin sa kapatawaran ng mg kasalanan, ng paniniwala natin espiritu santo at paniniwala natin sa Poong Hesus.

Minsan ay tinatabangan tayo magsimba ng dahil sa pari, sa mga dahilang: boring ang homily, hindi maipalaiwanag ng maayos ang ebanghelyo, hinahaluan ng politika, wala tayong matutunan sa sermon, may kasungitan at iba pa. Pero wag tayong tatabangan sa simbahan na binuo ng Diyos para sa ating lahat.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: