Huwebes, Pebrero 10, 2022

February 10, 2022

Paggunita kay Santa Escolastica, dalaga

1 Hari 11, 4-13
Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40

Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.

Marcos 7, 24-30


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Memorial of St. Scholastica, Virgin (White)

Mga Pagbasa mula sa
Huwebes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

UNANG PAGBASA
1 Hari 11, 4-13

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Nang matanda na si Solomon, nahikayat siya ng kanyang mga asawang taga-ibang bansa na sumamba sa kanilang mga diyus-diyusan. Hindi siya nanatiling tapat sa Panginoon; hindi niya sinundan ang halimbawa ni David na kanyang ama. Sumamba siya kay Astarte, ang diyosa ng mga Sidonio at kay Nicom, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ginawa nga ni Solomon ang ipinagbabawal ng Panginoon, at hindi niya sinundan ang halimbawa ng kanyang amang si David, na naglingkod nang buong katapatan sa Panginoon. Sa burol na nasa silangan ng Jerusalem ay nagtayo siya ng mga sambahan: para kay Cemos, ang karumal-dumal na diyus-diyusan ng Moab, at para kay Moloc, ang kasuklam-suklam na diyus-diyusan ng mga Ammonita. Ipinagpagawa niya ng kanya-kanyang mga dambana ang mga diyus-diyusan ng lahat niyang mga asawang dayuhan, at ang mga ito’y nagsuob doon ng kamanyang at naghain ng mga handog.

Nagalit ang Panginoon kay Solomon dahil sa ginawa niyang ito. Dalawang beses na napakita sa kanya ang Panginoon at pinagbawalan siyang maglingkod sa mga diyus-diyusan. Ngunit hindi niya pinansin ang Panginoon. Kaya nga’t sinabi nito sa kanya: “Dahil sa hindi mo paggalang sa aking tipan at hindi mo pagsunod sa aking mga tagubilin, aalisin ko sa iyo ang kaharian at ibibigay ko sa isang alipin mo. Ngunit alang-alang kay David na iyong ama, hindi ko gagawin ito sa panahon mo, kundi sa panahon ng iyong anak. Isang lipi lamang ang ititira ko sa kanya alang-alang kay David na aking lingkod, alang-alang sa Jerusalem, ang lungsod na aking hinirang.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 105, 3-4. 35-36. 37 at 40

Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.

Dapat na magalak ang sinumang tao na makatarungan
na gawang matuwid ang siyang adhika sa buo n’yang buhay.
Tulungan mo ako, kapag ang bayan mo’y iyong nagunita,
sa pagliligtas mo, isama mo sana ang lingkod mong aba.

Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.

Sa halip na sundin ang utos ng Diyos, bagkus nakisama,
at maling gawain ng mga pagano ang sinunod nila.
Ang diyus-diyusan ang sinamba nila at pinaglingkuran,
sa ginawang ito, sila ang nagkamit ng kaparusahan.

Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.

Pati anak nilang babai’t lalaki’y inihaing lubos,
sa diyus-diyusan, mga batang ito ay dinalang handog.
Itong Panginoo’y nagpuyos ang galit sa mga hinirang,
siya ay nagdamdam sa ginawa nilang pawang kataksilan.

Panginoong masintahin,
ang bayan mo’y gunitain.

ALELUYA
Santiago 1, 21bk

Aleluya! Aleluya!
Sa kababaan ng loob
dinggin ang salita ng D’yos
upang kayo ay matubos.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 7, 24-30

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nagtungo si Hesus sa lupain ng Tiro at tumuloy sa isang bahay doon. Ayaw sana niyang malaman na naroon siya, subalit hindi gayun ang nangyari. Ang pagdating niya’y nabalitaan ng isang inang may maliit na anak na babaing inaalihan ng masamang espiritu. Pumunta siya agad kay Hesus at nagpatirapa sa kanyang harapan. Ang babaing ito’y Hentil – tubo sa Sirofenica. Ipinamanhik niya kay Hesus na palayasin ang demonyo na nasa kanyang anak, ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang busugin muna ang mga anak. Hindi dapat kunin ang pagkain ng mga anak upang ihagis sa tuta.” “Tunay nga po, Panginoon,” tugon ng babae, “ngunit ang mga tuta mang nasa ilalim ng hapag ay naninimot ng mga mumong nalalaglag ng mga anak. Kaya’t sinabi sa kanya ni Hesus, “Dahil sa sinabi mo, maaari ka nang umuwi. Iniwan na ng demonyo ang iyong anak.” Umuwi ang babae, at naratnan niya sa higaan ang bata. Iniwan na nga ng demonyo.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 7 comments… read them below or add one }

Reynald Perez February 12, 2020 at 2:10 am

Pagninilay: Nakatagpo ni Hesus ang babaeng taga Phoenicia, isang Griyego, na humihiling ng pabor na ipalayas ang demonyong sumasanib sa kanyang anak. Sinabi ni Hesus sa kanya na hindi tama na itapon ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso. Ngunit sinabi ng babae na kahit ang mga mumog na natapon sa paanan ng mesa ay kinakain ng mga tao. Natuwa ang Panginoon sa napakalaking pananampalataya ng babae at gumaling ang anak ito. Sa pagsubok nito ng pananampalataya, makikita rito ang isang hadlang sa pagitan ng mga Hudyo at Hentil. Para sa mga Hudyo, sila lamang ang piniling bayan ng Diyos, at ang Hentil ay tinuturing nila bilang mga pagano at walang pag-asa. Makikita natin sa Unang Pagbasa na ang Diyos ay puno ng awa sa tao. Kaya nang nilikha niya ang mundo, hindi niya hinangad na mag-isa lamang ang lalaki. Kaya ginawa niya ito ng kasama, at mula sa dibdib nito ay ginawa niya ang isang “babae”. At ito’y mahalaga sapagkat ipinagtibay ng Panginoon ang pagsasama ng 2 katauhan tungo sa iisang laman sa pamamagitan ng Sakramento ng Kasal.

Reply

Mark Jefferson Criste December 8, 2021 at 6:43 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez February 7, 2022 at 8:36 pm

PAGNINILAY: Nakatagpo ni Hesus ang babaeng taga Phoenicia, isang Griyego, na humihiling ng pabor na ipalayas ang demonyong sumasanib sa kanyang anak. Sinabi ni Hesus sa kanya na hindi tama na itapon ang pagkain ng mga bata at ibigay sa mga aso. Ngunit sinabi ng babae na kahit ang mga mumog na natapon sa paanan ng mesa ay kinakain ng mga tao. Natuwa ang Panginoon sa napakalaking pananampalataya ng babae at gumaling ang anak ito.

Sa pagsubok nito ng pananampalataya, makikita rito ang isang hadlang sa pagitan ng mga Hudyo at Hentil. Para sa mga Hudyo, sila lamang ang piniling bayan ng Diyos, at ang Hentil ay tinuturing nila bilang mga pagano at walang pag-asa. Makikita natin sa Unang Pagbasa na ang Diyos ay puno ng awa sa tao. Bagamat ang tao ay itinuturing na dakila, may mga kanya-kanyang kahinaan. Si Haring Solomon ay itinuturing na matalino dahil puno siya ng karunungan. Ginawa niya ang lahat para sa Diyos, kaya nga itinayo niya ang templo na kung saan nanirahan ang Kaban ng Tipan. Ikinatuwa siya ng lahat ng tao, maski ang Reyna ng Seba.

Subalit makikita natin sa pagbasa ngayon kung paano nahulog ang hari sa bitag ng kasalanan. Nagkaroon siya ng 700 asawa at 300 kerida, at dahil sa impluwensiya ng kanilang pag-akit sa kanya na mahalin sila, sumamba rin siya sa mga diyus-diyosan. Dahil dito, hindi natuwa ang Diyos sa kanyang ginawa, kaya’t isinumpa na hahati ang kaharian ng Israel dahil sa magiging pagkukusa ng isa sa kanyang mga anak. Ngunit isang lipi ang matitira sa kanya alang-alang sa kanyang pangako kay Haring David. At ito ay nagpapahayag sa kadakilaan ni Hesus, ang dakilang Haring namumuno sa atin nang buong habag at pagmamahal sa kabila ng ating mga kahinaan, katakutan, kasugatan, pagkukulang, at pagkakasala. Kaya’t patuloy tayong lumapit sa kanyang dakilang awa nang may pananampalataya, at maging mga instrumento ng pananampalataya sa ating kapwa.

Reply

Gina February 10, 2022 at 5:16 am

Amen

Reply

Ferdy Baetiong Pariño February 10, 2022 at 9:30 am

Ano ang mga aral at hamon ng mga Pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa ay ang kwento tungkol kay Haring Solomon. Sa kabila ng kanyang pagtataksil sa Panginoon ay nanatiling mahabagin ang Diyos pero mababasa din sa kwento na hindi sa panahon nya mangyayari ang parusa. Nangangahulugan na hindi tayo makapagtatago o makaliligtas sa parusa ng Diyos sa paggawa ng mga kasuklam suklam na kasalanan. Pero kung ang mga ito ay pagsisisihan mo ng lubos, ng buong puso’tkaluluwa ay patatawarin tayo ng Panginoon, pero kaakibat nito ay ang pagsususmikap na hindi na gawin muli ang mga kasalanang iyon at tuluyan ng talikuran ang baluktot na gawain. Sa ganitong paraan ay kahahabagan at kalulugadan tayo ng Diyos at hindi na ipapataw ang parusa maging sa susunod mong salinlahi.

Ang ating ebengheyo ngayon ay isa na namang patotoo na tayo ay gagaling o diringgin ang panalangin kung tayo ay lubos na nagtitiwala. Kung tayo ay dadalangin ngunit may natitira pang pangamba sa ating puso ay hindi pa natim libos na ibinibigay ang ating tiwala sa Diyos. Kapag tayo ay nanalangin ay sumampalataya tayo na ipagkakaloob ito sa atin ni Hesus subalit kaakibat din nito ang paggawa ng mabuti sa kapwa.

Reply

Dong February 10, 2022 at 12:16 pm

Pinuouri ka namin panginoong hesuskristo nazareno kaawaan mi kami AMEN

Reply

Ma.Julieta S. Catiis February 10, 2022 at 12:30 pm

Ang bawat nilalang ay may kahinaang dapat paglabanan tulad ng takot, poot, kawalang pag-asa at negatibong pananaw. Sa ebanghelyong ito, nais iparating sa atin ng Panginoon, na magtiwala tayo sa kanyang pag-ibig at kakayanang tuparin ang ating naisin lalo na’t para sa ating pamilya. Kasunod ang Pananampalatayang itinanim Niya sa puso ng bawat isa sa atin , na anuman ang hilingin natin sa kanya ay matutupad nang naaayon sa Kanyang kalooban..Manampalataya , Magtiwala, Manindigan at Maniwala..Amen…

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: