Martes, Pebrero 8, 2022

February 8, 2022

Martes ng Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Jeronimo Emiliano
o kaya Paggunita kay Santa Josefina Bakhita

1 Hari 8, 22-23. 27-30
Salmo 83, 3. 4. 5 at 10. 11

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Marcos 7, 1-13


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Tuesday of the Fifth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Jerome Emiliani, Layman (White)
or Optional Memorial of St. Josephine Bakhita, Virgin (White)

UNANG PAGBASA
1 Hari 8, 22-23. 27-30

Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari

Noong mga araw na iyon, tumindig si Solomon sa harap ng dambana ng Panginoon. Itinaas niya ang mga kamay, at nanalangin ng ganito: “Panginoon, Diyos ng Israel, sa langit at sa lupa’y walang ibang Diyos na tulad ninyo. Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; walang maliw ang pag-ibig na ipinadadama ninyo sa kanila habang sila’y nananatiling tapat sa inyo.

“Maaari bang manirahan sa lupa ang Diyos? Kung ang langit, ang kataas-taasang langit, ay di sapat na maging tahanan ninyo, ito pa kayang hamak na tahanang aking itinayo! Gayunman, dinggin ninyo ang dalangin at pagsamo ng inyong alipin, O Panginoon, aming Diyos. Dinggin ninyo sa araw na ito ang panawagan ng inyong alipin. Huwag ninyong iwaglit sa inyong paningin araw-gabi ang Templong ito, yamang kayo ang may sabi na ang pangalan ninyo’y mamamalagi rito. Sa gayun maririnig ninyo ang bawat dalangin ng inyong alipin tuwing mananalangin sa pook na ito.

“Dinggin ninyo ang inyong alipin at ang inyong bayan tuwing kami’y manananalangin sa lugar na ito. Dinggin ninyo kami buhat sa inyong luklukan sa langit at patawarin ninyo kami!”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 83, 3. 4. 5 at 10. 11

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Nasasabik ang lingkod mong sa patyo mo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao’y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri’y buhay na Diyos.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Panginoon, sa templo mo, mga maya’y nagpupugad,
maging ibong layang-laya sa templo mo’y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Poon, hari namin at Diyos na walang kupas.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Mapalad na masasabi, silang doo’y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan.
Basbasan mo, Panginoon, yaong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya yamang ikaw ang humirang.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

Kahit isang araw lamang, gusto ko pang sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako’y mapasama sa masasamang mga tao.

Ang templo mo’y aking mahal,
D’yos na Makapangyarihan.

ALELUYA
Salmo 118, 36. 29b

Aleluya! Aleluya!
Sa salita mo akitin
ang puso ko at loobin
nang ikaw ay aking sundin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 7, 1-13

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, may mga Pariseo at ilang eskribang galing sa Jerusalem na lumapit kay Hesus. Nakita nila na ang ilan sa mga alagad ni Hesus ay kumain nang hindi muna naghuhugas ng kamay sa paraang naaayon sa turong minana nila.

Ang mga Judio, lalo na ang mga Pariseo, ay hindi kumakain hangga’t hindi nakapaghuhugas ng kamay ayon sa mga turong minana nila sa kanilang mga ninuno. Hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito hinuhugasan. At marami pang ibang minanang turo ang kanilang sinusunod, tulad ng tanging paraan ng paghuhugas ng mga inuman, ng mga saro, ng mga sisidlang tanso, at mga higaan.

Kaya’t tinanong si Hesus ng mga Pariseo at mga eskriba, “Bakit hindi sumusunod ang mga alagad mo sa mga turo ng ating mga ninuno? Kumain sila nang hindi man lamang naghugas ng kamay ayon sa paraang iniutos!” Sinagot sila ni Hesus, “Tama ang hula ni Isaias tungkol sa inyo. Mapagpaimbabaw nga kayo, gaya ng kanyang isinulat:

‘Paggalang na handog sa ‘kin ng bayan ko’y paimbabaw lamang,
sapagkat sa bibig at hindi sa puso ito bumubukal.
Pagpuri’t pagsambang ginagawa nila’y walang kabuluhan,
ang utos ng tao ay itinuturong utos ng Maykapal.’
Niwawalang-kabuluhan nga ninyo ang utos ng Diyos, at ang sinusunod ninyo’y ang turo ng tao.”

Sinabi pa ni Hesus, “Kay husay ng paraan ninyo sa pagpapawalang-bisa sa utos ng Diyos masunod lamang ninyo ang mga turong minana ninyo! Tulad nito: iniutos ni Moises, ‘Igalang mo ang iyong ama’t ina’; at ‘Ang magsalita ng masama sa kanyang ama o ina ay dapat mamatay.’ Ngunit itinuturo ninyo, ‘Kapag sinabi ng isang tao sa kanyang ama o ina: Ang anumang maitutulong ko sa inyo ay Korban’, alalaong baga’y inihahain ko ito sa Diyos – hindi na ninyo siya pinahihintulutang tumulong sa kanyang ama o ina. Sa ganitong paara’y niwawalang-kabuluhan ninyo ang salita ng Diyos sa pamamagitan ng mga turong minana ninyo. At marami pang bagay na tulad nito ang ginagawa ninyo.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 8 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste December 8, 2021 at 6:42 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez February 6, 2022 at 1:30 pm

PAGNINILAY: Ipinahayag ni Haring Solomon sa Unang Pagbasa ang kadakilaan ng Diyos sa banal na anyo nito at sa banal at sagradong templo na kanyang naninirahan. Parang hindi akalaing ang Diyos na naninirahan sa langit ay maninirahan din sa lupa sa templo at sa Kaban ng Tipan. Ang ganitong pahayag ni Solomon ay nagsasaad sa kagandahan at kaningningan ng Panginoon sa kanyang paninirahan sa presensiya ng bawat taong humahangad at nagiging tapat sa kanya.

Itinuturo ni Hesus na ang pinakadakilang utos higit sa lahat ng mga utos ay ang pag-ibig. Pinagsibahan siya at ang kanyang mga alagad ng mga eskriba at Pariseo kung bakit hindi nila tinutupad ang kinaugaliang tradisyon ng paghuhugas ng kamay bago kumain. Itinuring sila ni Kristo na mga pusong malalayo sa Diyos dahil walang kabuluhan ang kanilang pagsamba. Makikita dito yung mas pagbibigay-kahulugan ng utos ng tao kaysa sa utos mula sa itaas. Tunay na kailangan natin sundin ang bawat letra ng batas, ngunit mas mahalaga nating sundin ang diwa ng utos, at iyan ang pag-ibig. Kung sabi nila na huwag kang gumawa ng masama, eh di gumawa tayo ng mabubuti. Kung sabi nila na huwag palampasin ang mga nakasayanang tradisyon, eh di magkaroon tayo ng kultura ng mabubuting ehemplo sa ibang tao. Ang Paghahari ng Diyos ay puno ng pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan. Kung ating isasabuhay ang mga kahalagahang ito pati pa ang alintuntin ng buhay pangKristiyano, makakamtan natin nawa ang biyaya ng buhay na walang hanggan kasama ang ating Panginoon at ang kanyang mga Banal.

Reply

Roy Angelo B. Villarico February 8, 2022 at 3:27 pm

Salamat Sa Diyos…Amen!!

Reply

Edwin February 7, 2022 at 8:37 pm

Amen.

Reply

Gina February 8, 2022 at 6:32 am

Amen

Reply

Ferdy Baetiong Pariño February 8, 2022 at 9:16 am

Sinabi sa Unang Pagbasa, “Tapat kayo sa inyong mga pangako sa inyong mga alipin; walang maliw ang pag-ibig na ipinadadama ninyo sa kanila habang sila’y nananatiling tapat sa inyo.

Basic. Humiling ka sa Panginoon at ipagkakaloob sayo, basta’t tapat ka lamang kay Hesus. Give and take. Hindi pwedeng puro lamang tayo hiling, kahit gaano pa kahaba ang dasal mo, kahit magkalad ka pa ng paluhod, kung hindi mo nman sinusunod ang kautusan at kalooban ng Diyos ay wala rin. Suriin natin ang ating mga sarili, tayo ba ay karapat dapat sa mga biyayang ating hinihingi sa Diyos? Simple lamang ang buhay, gumawa ka ng kabutihan ng hindi pakitang tao lamang, isapuso mo si Hesus sa lahat ng iyong iisipin, sasabihin at gagawin, at hindi ka na mangangamba sapagkat ang Panginoong Hesus na ang bahala sayo.

Sa ating ebenghelyo ay binigyang diin ni Hesus ang mga taong mapag imbabaw. Tanungin mo ang iyong sarili, ikaw ba ay nagmamalinis, gumagamit ng pangalan ng Diyos, nagsisimba ng madalas, sinisita ang mga makasalanan at may maling nagawa, pero hindi nakikita sa iyong pagkatao na ikaw ay sumusunod sa kalooban ng Diyos. Samakatuwid ay matatawag ka ding mapag imbabaw.

Marami sa atin ang ganito sa kasalukuyang panahon. Mahilig manita at manghusga ng kapwa sa kamaliang nagawa na tila mga perpekto at mga banal. Madasalin, palasimba, bukambibig ang Diyos maging sa social media, pero bulok ang pagkatao, naninirang puri, tsismosa, mahalay, nakiki-apid, nangangalunya, nanadaraya, madamot at ganid, hindi mapatawad ang kapatid o ang kaaway, palamura, hambog, mapagmataas at hindi nagmamahal ng kapwa. Ngayon, ano ang tingin mo sa iyong sarili? Isa ka ba sa binabanggit ni Hesus sa ebanghelyo na mapag imbabaw? Pagnilayan natin kapatid….

Reply

Rosalinda Jubilado February 8, 2022 at 9:30 am

LOVE GOD ABOVE ALL.

SA unang pagbasa tingnan natin ang oagkatao ni Solomon. Itinalaga siya na hari ng Israel sa murang edad. Ipinakita doon na sa murang edad ay may malalim na pagkilala sa Diyos at pagmamahal sa Diyos at makikita dito na mula sa kanyang pagkabata ay ginampanan ng kanyang ina si Batseba ang pagpapakilala niya sa kanyang anak ang lahat ng kanyang nalalaman patungkol sa Diyos. Pinalaki niya si Solomon ng may pagmamahal at Banal na pagkatakot sa Diyos.

Sa ating Pagbasa ngayon ibig ipakita ng ating Panginoon Jesus na ang oagsunod sa Salita ng Diyos ay hindi nagmumula sa bibig lamang o pakitang tao lamang kundi ito ito ay nagbubukal mula sa puso.
Balewala ang lahat ng ating sasabihin o gagawin kung ito ay hindi
nagmumula sa puso.
Sinasabi natin na maganda ang resulta ng ating gagawin kung ito ay ang idinidikta ng ating puso.
Ganon din naman kung ibig nating makasunod sa Banal na Kalooban ng ating Diyos dapat ito ay nagbubukal sa puso.
Mithiin natin siya na nagmumula sa puso sa pamamagitan ng ating paghahangad sa Kanya na makilala Siya, masunod ang Kanyang Banal na Kalooban ,paghahangad na maranasan natin siya sa araw araw natin buhay.
Iyong puso at isipan natin ay laging nakatuon sa Kanya. Kung naranasan ninyo ng umibig higit pa roon ang pag-ibig na bubukal sa ating puso. We must live in love to God all the time because God is Love. Tiyak ganon din tayo magmahal sa ating kapwa walang pagkukunwari. Lahat ng ating gagawin ay pagmamahal sa kapwa.patuloy natin madadama ang pag ibig ng Diyos kung ito ay nadadama din natin sa ating kapwa. Amen.

Reply

Celine loveko February 8, 2022 at 1:54 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: