Linggo, Pebrero 6, 2022

February 6, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-5 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)
Patnubay sa Misa

Sa harap ng mabigat at palagiang pangangailangan sa mga pari sa ating mga pamayanan, pakumbaba nating idulog ang ating mga kahilingan sa Panginoong bukal ng lahat ng pagpapala. Maging tugon nati’y:

Panginoon, alalahanin Mo ang iyong bayan!

Para sa buong Simbahang Katoliko, na bangka ni Pedro: Nawa’y patuloy na mangaral si Hesus sa mga bansa gaya nang siya’y nabubuhay pa rito sa lupa. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papang sumunod kay Simon Pedrong mamamalakayang taga-Galilea: Nawa’y magbunga ang kanyang misyong apostoliko sa pamamatnubay ni Hesus, ang Dakilang Mamamalakaya. Manalangin tayo!

Para sa mga pari at mga kasama nila sa kanilang mis- yon: Nawa’y maging masunurin sila sa turo ni Hesus at maging tapat sila sa kapakanan ng kanilang mga kawan. Manalangin tayo!

Para sa mga nahirang maging pari ng Simbahan: Nawa’y malugod silang tumugon at magsumikap sa mabuting gawa hanggang sa dulo ng kanilang buhay. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng mambabatas at mga nanunungkulan: Nawa’y magkaroon sila ng lakas ng loob at talinong manguna sa pag-iingat at pagtatanggol sa buhay laban sa kultura ng kamatayan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng tao: Nawa’y kanilang igalang ang kabanalan ng buhay ng tao mula sa paglilihi rito hanggang kamatayan at tulungan ang lahat ng nagsisikap sa ganitong pagpapahalaga. Manalangin tayo!

Para sa ating pamayanan at para sa bawat isa sa atin: Nawa’y maipakita natin ang ating pagpapahalaga sa gawa ng ating mga pari’t kanilang mga katulong at tulunga’t ipagdasal natin sila.
Manalangin tayo!

Tahimik nating ipagdasal ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil saglit.)
Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, bukal ng aming pag-asa at kaligtasan, patuloy Mo kaming pagkalooban ng maraming banal na katulong ni Hesus sa pagpapastol upang malugod at tapat Ka naming mapaglingkuran. Isinasamo namin ito sa ngalan ng Panginoon naming si Hesus.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez January 27, 2022 at 9:38 am

PAGNINILAY: Sikat sa katauhan natin kapag tayo’y tinatawagan na gawin ang isang bagay, tayo ay tila nga ba’y nahihiya sapagkat hindi tayo karapat-dapat dahil sa ating kalagayan sa buhay. Minsan ang pagiging hindi karapat-dapat ay siya pang tanda na tayo’y nararapat sa tungkuling iniaatas sa atin ng Panginoon. Kaya ang mga katauhan nina Propeta Isaias, San Pedro, at San Pablo sa mga Pagbasa ay nagpapakita sa atin na gaano mang kahina ang tao, patuloy na tumatawag ang Panginoon para sa magandang kinabukasan ng misyon.

Si Isaias ay tinawag na maging propeta mga 700 taon bago dumating ang Kristo, subalit nagpatirapa siya nang makita niya ang napakaraming anghel pati ang serapin na nasa luklukan. Dito nga’y nagsabi na siya’y aatras dahil sa kanyang kalagayan noon, subalit nang marinig niya ang tinig na nagtatanong sino ang magdadala sa liwanag ng tinig, at sumagot si Isaias na tutugon siya bilang propeta ng Diyos.

Si San Pablo ay kilala bilang dating Hudyo na umuusig sa mga Kristiyano. Subalit dahil sa grasya ng Diyos at ni Hesus, siya’y naging Apostol sa mga Hentil. Inamin niya sa mga Corinto na parang siya ay huli sa mga tinawag na maging Apostol upang ipangaral ang Mabuting Balita. Ngunit alam ni Pablo na naging mabuti ang Panginoon sa kanya hanggang sa puntong natunghayan niya ang pagmamahal nito sa kanya at ang panawagang maging tagapagdala ng Mabuting Balita hindi lang sa mga Hudyo, kundi pati na rin sa mga Hentil.

Si San Pedro na kilala sa pangalang Simon ay isang mangingisda. Ang Ebanghelyo ni San Lucas ngayon ay nagpapahayag ng mahabang salaysay ng pagtawag ni Hesus sa kanyang kauna-unahang alagad. Nabatid ni Hesus ang gawain ni Pedro, at isinalaysay ng lalaki kung paanong gabing-gabi nagtratrabaho sila subalit walang mahuli na isda. Kaya nang iniutos ni Hesus na ihagis ang lambat muli, biglang dumami ang mga isdang kanilang nahuli. At ipinasabi ni Pedro na lumayo sa kanya ang Panginoon, sapagkat siya’y isang makasalaanan. Subalit tiningnan ng Panginoon si Pedro at sinabing sumunod sa kanya upang maging mamalakaya ng mga tao. At ganun na nga sumunod sina Pedro, Santiago, at Juan kay Hesus at naging mga Apostol.

Walang taong pinipili ang Diyos sa panawagan ng misyon. Lahat ay tinatawag niya na magpahayag at magbigay-saksi sa Mabuting Balita tungkol sa kanyang paghahari. Ang kahinaan natin at ng ibang tao ay hindi dapat maging hadlang upang masundan natin ang iniuutos ng Panginoon. Ang mahalaga ay ang ating pagtugon sa tawag ng misyon upang mahalin at paglingkuran natin ang Diyos at kapwa-tao. Kaya ang Simbahan ngayon ay nagmamalakaya ng mga tao upang ipaalala sa atin ang daan tungo sa kabutihan na siya namang ikalulugod ng ating Panginoon. Kinakailangan nating ihagis ang lambat ng ating buhay sa pagtuturo at pagsasabuhay ng Mabuting Balita sa araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño February 6, 2022 at 10:32 am

Ano ang aral ng mga pagbasa ngayon?

Sa Unang Pagbasa at Ebanghelyo parehas na inamin ng mga karakter na sila ay makasalanan at hindi karapat dapat sa mga biyaya ng Diyos.

Magpakababa tayo, matatandaan ang kwento ng dalawang nagdarasal sa templo, ay isa sinasabing wala syang nilalabag sa kautusan at nagpapamahagi sya ng kanyang yaman, ang nama ay naninikluhod at inaamin ang mga kasalanan at pinagsisihan. At ang huli ang kinalulugdan ng Diyos. Laging aalalahanin na ang nagmamakataas ay ibinabab at ang nagpapakababa ay itinataas. Humility.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: