Podcast: Download (Duration: 7:23 — 9.2MB)
Paggunita kay Santa Agata, dalaga at martir
1 Hari 3, 4-13
Salmo 118, 9. 10. 11. 12. 13. 14
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Marcos 6, 30-34
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Memorial of Saint Agatha, Virgin and Martyr (Red)
Mga Pagbasa mula sa
Sabado ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
UNANG PAGBASA
1 Hari 3, 4-13
Pagbasa mula sa unang aklat ng mga Hari
Noong mga araw na iyon, pumunta si Solomon sa Gabaon upang maghandog, sapagkat iyon ang pangunahing sambahan sa burol. Nag-alay na siya roon ng daan-daang handog na susunugin noong una. Kinagabihan, samantalang siya’y naroon pa sa Gabaon, napakita sa kanya ang Panginoon sa panaginip. “Ano ang ibig mong ibigay ko sa iyo? Sabihin mo!” wika sa kanya.
Sumagot si Solomon: “Kinahabagan ninyo at puspusang minahal ang aking amang si David na naging tapat sa inyo, matuwid at malinis ang puso. At ipinagpatuloy ninyo ang inyong pagkalinga sa kanya nang marapatin ninyong paluklukin sa kanyang trono ang isa niyang anak. Panginoon, aking Diyos, ginawa mo akong hari bilang kahalili ng aking amang si David, bagaman ako’y bata pa’t walang karanasan. Pinapamuno mo ako sa iyong bayan, sa bayang ito na hindi na mabilang sa dami. Bigyan mo ako ng isang pusong maunawain at marunong kumilala ng masama at magaling. Sapagkat sino ang maaaring maghari sa bayan mong ito na napakalaki?”
Ikinalugod ng Panginoon ang hiling ni Solomon. Kaya’t sinabi sa kanya: “Yamang hindi ka humiling para sa iyong sarili ng mahabang buhay, o kayamanan, o kamatayan ng iyong mga kaaway, kundi ang hiniling mo’y pagkaunawa at katalinuhang humatol, ipinagkakaloob ko sa iyo ang hiniling mo. Binibigyan kita ng karunungan na walang kapantay, maging sa mga nauna, maging sa mga susunod pa sa iyo. At bibigyan pa kita ng mga bagay na hindi mo hinihingi: kayamanan at karangalan na di mapapantayan ng sinumang hari sa tanang buhay mo.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 118, 9. 10. 11. 12. 13. 14
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Paano ba iingatang maging wagas yaong buhay,
yaong buhay na binata sa kaniyang kabataan?
Ang tugon ay: “Sumunod s’ya sa banal mong kautusan.”
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Buong puso ang hangad ko na ikaw ay paglingkuran,
sa pagsunod sa utos mo, huwag mo akong pabayaan.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Ang banal mong kautusa’y sa puso ko iingatan,
upang hindi magkasala laban sa ‘yo kailanman.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Pupurihin kita, Poon, ika’y aking pupurihin,
ang lahat ng tuntunin mo ay ituro mo sa akin.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Ang lahat mong mga utos na sa aki’y ibinigay
palagi kong uusalin, malakas kong isisigaw.
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
Nagagalak na susundin yaong iyong kautusan
higit pa sa pagkagalak na dulot ng kayamanan
Ang lahat ng ‘yong tuntunin
ay ituro mo sa akin.
ALELUYA
Juan 10, 27
Aleluya! Aleluya!
Ang tinig ko’y pakikinggan
ng kabilang sa ‘king kawan,
ako’y kanilang susundan.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 6, 30-34
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, bumalik kay Hesus ang mga apostol at iniulat ang lahat ng kanilang naisagawa at naituro. Napakaraming taong dumarating at umaalis, anupat hindi na makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Kaya’t sinabi niya sa mga ito, “Magtungo tayo sa isang ilang na pook upang malayo sa karamihan at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Umalis silang lulan ng bangka, at nagpunta nga sa isang ilang na dako.
Ngunit maraming nakakita sa kanilang pag-alis at nakilala sila. Kaya’t mula sa lahat ng bayan, ang mga tao’y patakbong tumungo sa dakong pupuntahan nina Hesus at nauna pang dumating doon kaysa kanila. Paglunsad ni Hesus, nakita niya ang napakaraming tao; nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At sila’y tinuruan niya ng maraming bagay.
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Pebrero 4, 2022
Linggo, Pebrero 6, 2022 »
{ 5 comments… read them below or add one }
Salamat sa Diyos!
PAGNINILAY: Sa bawat misyon ng bawat Kristiyano, may kakayahang tugunan ng isang tao ang tawag ng Panginoon upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos. Ang ating Ebanghelyo ay nagsisilbing paalala kung paano tayo magiging matapat sa ating misyon. Pagkatapos nilang tuparin ang misyon ng pagpapakilala sa tao tungkol sa Paghahari ng Diyos (ang Ebanghelyo noong nakaraang Linggo), nakabalik ang 12 Apostol kay Hesus at ibinalita ang kanilang mga ginawa sa mga nayon at bayan ng Israel. Pagkatapos ay inutusan sila ni Hesus na magpahinga at pumunta sa isang ilang. Kaya’t namasdan sila ng napakaraming tao sa bangkang papunta sa lugar na iyan, at sinundan nila si Hesus at ang 12 Apostol.
Makikita natin dito yung maawaing pagtingin ng Panginoon sa napakaraming tao na tila para silang mga tupa na walang pastol. At sila’y kanyang tinuruan at gumawa rin ng mga kababalaghan. Ang mahalagang pagtuunan ng pansin ay ang tungkulin ng isang taong may misyon. Kaya tayo’y tinawag ng Diyos na bilang kanyang kawan na nakikinig sa tinig ng kanyang Anak, tayo’y maging mga pastol upang tugunan ang mga pisikal at espirituwal na pangangailangan ng mga tao.
Katulad ni Hesus, nawa’y mahabag tayo at magmalasakit na ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos na dulot ay pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan. Tularan nawa natin si Haring Solomon sa Unang Pagbasa, na ang hiling lang sa ating Panginoon ay karunungan sa pamumuno ng Israel, upang makapasya siya nang malinaw at mabuti para sa mabuting kapakanan ng tao, sa halip na humangad na yumaman at maging mas komportable ang kanyang buhay. Sa huli, huwag nating kalimutan ang “ilang” na kung saan pahalagahan natin ang buhay-panalangin upang idulog natin sa Panginoon na sa kabila ng lahat na nangyayari at mangyayari, matutupad pa rin natin ang kanyang dakilang kalooban.
Ang ganda ng ebanghelyo,nawa matularan natin ang panginoon na magkaroon tayo ng pusong maawain at matulungin,at mahalin natin ang ating kapwa,tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili,upang tayo ay manatili kalugodlugod sa paningin ng panginoon,maraming salamat panginoon,kaawaan at kahabagan mo po kami,pagpalain tayo ng makapangyarihang panginoong Hesus???
Amen
Ano ang mga hamon at aral ng mga pagbasa ngayon?
Sa Unang Pagbasa, ipinahahatid sa atin ang mensahe na tularan natin ang Haring Solomon. Mismong ang Panginoon na ang nagtanong sa hari kung ano ang ibig nya, at ang hiniling nya ay hindi karunungan para sa ikabubuti ng iba. Aminin man natin o hindi ay ang kadalasang dasal ng tao ay humaba pa ang buhay, kayamanan o minsan pa ay humihiling tayo na maparusahan ang ating kaaway. Baguhin natin ang naksanayang panalangin na ito, hilingin din natin na bigyan tayo mg Diyos ng karunungan ng pagsunod sa kalooban nya. Sapagkat kung tayo ay may talino ng tamang pagsunod sa mga kautusan ay kusa ng darating ang mahabang buhay at kayamanan na hinihiling mo kahit hindi mo pa ito hingin sa Panginoon.
Ang ating ebanghelyo namang hatid na aral pra sa atin ay tularan naman natin ang mga tao sa kwento. Nang makita nila ang banka na sinasakyan ni Hesus at ng mga apostol ay pinuntahan nila ang lugar at nauna pa silang dumating. Sa buhay natin ngayon, ano ang hinahanap mo?, ano ang hinahabol habol mo? Sa ka nag aaksaya ng oras?
Tularan natin ang mga taong yun, Si Hesus ang hanapin natin, Si Hesus ang sundan sundan natin, Kay Hesus tayo magmadali at makipag unahan na matagpuan sya at hindi ang mga makamundong bagay. Kung may dumating mang pagsubok o suliranin sa buhay mo, si Hesus ang takbuhan mo at hindi ang bisyo. Kung naguguluhan ang isip mo, kung nagkukulang ang panganga-ilangan ng pamilya mo, kung maya natanggap kang masamang balita, kung nakararamdam ka ng matinding kalungkutan, kung hindi pumapabor sa iyo ang tadhana maging sa trabaho o anumang gawain, si Hesus ang hanapin mo, si Hesus ang kausapin mo, si Hesus ang gawin mong takbuhan. Sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos, si Hesus ang mabuting pastol at ayaw nyang may tupang maligaw ng landas. Kung kabaligtaran nman at puro kasiyahan at tagumpay ang natatanggap mo ay kay Hesus ka pa din lumapit, magpuri at magpasalamat, at talikuran na ang paggawa ng masama bilang kasuklian.