Biyernes, Pebrero 4, 2022

February 4, 2022

Biyernes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II)

Sirak 47, 2-13 (gr. 2-11)
Salmo 17, 31. 47 at 50. 51

Purihin ang D’yos ng lahat,
s’ya’y aking Tagapagligtas.

Marcos 6, 14-29


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Friday of the Fourth Week in Ordinary Time (Green)

UNANG PAGBASA
Sirak 47, 2-13

Pagbasa mula sa aklat ni Sirak

Si David ay hinirang sa lahat ng kalalakihan sa Israel,
parang taba na inihiwalay sa handog na iniaalay.
Pinaglaruan lamang niya ang leon na wari’y bisirong kambing,
at ang mga oso na wari’y maliliit na tupa.
Binatilyo pa lamang siya nang patayin niya ang higante
at sagipin sa kahihiyan ang bayang Israel.
Pinabagsak niya ang palalong si Goliat,
sa pamamagitan ng isang bato na ibinala niya sa kanyang saltik.
Sapagkat nanawagan siya sa Panginoong Kataas-taasan,
pinag-ibayo nito ang lakas ng kanyang bisig,
at napatay niya ang batikang mandirigma ng kaaway,
upang igalang ng mga bansa ang kapangyarihan ng kanyang bayan.
Kaya’t tinawag siyang “ang nagwagi sa sampu-sampung libo,”
at noong igawad sa kanya ang korona ng pagkahari,
ipinagdiwang siya ng bayan sapagkat hinirang siya ng Panginoon.
Nilupig niya ang kaaway na Filisteo
at pinasuko sila hanggang sa panahong ito.
Nagpasalamat siya sa Diyos, sa lahat niyang nagawa;
sa Kataas-taasan at Kabanal-banalan niya iniukol ang karangalan.
Humabi siya ng mga awit na nagmumula sa kaibuturan ng puso,
upang ipakilala ang pag-ibig niya sa Maykapal.
Naglagay siya ng mga mang-aawit at manunugtog,
upang umawit sa harap ng altar sa saliw ng mga alpa.
Pinaringal niya ang pagdiriwang ng mga pista,
at itinakda ang kanilang mga araw sa loob ng isang taon;
anupa’t umalingawngaw sa tahanan ng Panginoon
ang papuri sa kanyang banal na pangalan,
mula sa pagbukang-liwayway hanggang sa paglubog ng araw.
Pinatawad siya ng Panginoon sa kanyang mga kasalanan,
at ibinigay sa kanya ang kapangyarihan magpakailanman.
Iginawad sa kanya ang korona ng pagkahari
at ipinangako sa kanyang angkan ang trono ng Israel.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 17, 31. 47 at 50. 51.

Purihin ang D’yos ng lahat,
s’ya’y aking Tagapagligtas.

Ang Diyos na ito ay ganap ang gawa,
at maaasahan ang kanyang salita;
siya ay kalasag ng mayroong nasa
at naghahanap ng kanyang kalinga.

Purihin ang D’yos ng lahat,
s’ya’y aking Tagapagligtas.

Panginoo’y buhay, s’ya’y Tagapagligtas,
matibay kong moog, purihin ng lahat!
Kaya, pupurihin kita’t aawitan
sa lahat ng bansa nitong daigdigan.
Ako ay aawit sa iyong harapan.

Purihin ang D’yos ng lahat,
s’ya’y aking Tagapagligtas.

Sa piniling hari, dakilang tagumpay,
ang kaloob ng D’yos sa kanyang hinirang;
ang pag-ibig niya’y walang katapusan,
kay David at lahat niyang mga angkan.

Purihin ang D’yos ng lahat,
s’ya’y aking Tagapagligtas.

ALELUYA
Lucas 8, 15

Aleluya! Aleluya!
Ang Salitang mula sa Diyos
kapag isinasaloob
ay mamumunga nang lubos.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Marcos 6, 14-29

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos

Noong panahong iyon, nakarating kay Haring Herodes ang balita tungkol kay Hesus, sapagkat bantog na bantog na ang pangalan nito. May nagsasabi, “Siya’y si Juan Bautista na muling binuhay, kaya nakagagawa siya ng mga himala.” May nagsasabi naman, “Siya’y si Elias.” “Siya’y propeta, katulad ng mga propeta noong una,” anang iba pa.

Sinabi naman ni Herodes nang mabalitaan niya ito, “Muling nabuhay si Juan na pinapugutan ko.” Si Herodes ang nagpahuli, nagpagapos at nagpabilanggo kay Juan dahil kay Herodias. Ang babaing ito’y asawa ni Felipe na kapatid ni Herodes ngunit kinakasama niya. Laging sinasabi sa kanya ni Juan, “Hindi matuwid na kunin ninyo ang asawa ng inyong kapatid.” Kaya’t si Herodias ay nagkimkim ng galit kay Juan. Hinangad niyang ipapatay ito, ngunit hindi niya magawa, sapagkat natatakot si Herodes kay Juan. Alam niyang ito’y taong matuwid at banal, kaya’t ipinagsasanggalang niya. Gustung-gusto niyang makinig kay Juan, bagamat labis siyang nababagabag sa mga sinasabi nito.

Sa wakas ay nagkaroon ng pagkakataon si Herodias nang anyayahan ni Herodes sa kanyang kaarawan ang kanyang mga kagawad, mga pinuno ng hukbo, at ang mga pangunahing mamamayan ng Galilea. Pumasok ang anak na babae ni Herodes at nagsayaw. Labis na nasiyahan si Herodes at ang mga panauhin, kaya’t sinabi ng hari sa dalaga, “Hingin mo sa akin ang anumang ibig mo at ibibigay ko sa iyo.” At naisumpa pa niyang ibibigay kahit ang kalahati ng kanyang kaharian kung ito ang hihilingin. Lumabas ang dalaga at tinanong ang kanyang ina, “Ano ang hihilingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista,” sagot ng ina. Dali-daling nagbalik ang dalaga sa kinaroroonan ng hari. “Ang ibig ko po’y ibigay ninyo sa akin ngayon din, sa isang pinggan, ang ulo ni Juan Bautista,” sabi niya. Labis na nalungkot ang hari, ngunit dahil sa kanyang sumpa na narinig ng kanyang mga panauhin, hindi niya matanggihan ang dalaga. Kaagad niyang iniutos sa isang bantay na dalhin sa kanya ang ulo ni Juan. Sumunod ang bantay at pinugutan si Juan sa bilangguan, inilagay ang ulo sa isang pinggan, at ibinigay sa dalaga. Ibinigay naman iyon ng dalaga sa kanyang ina. Nang mabalitaan ito ng mga alagad ni Juan, kinuha nila ang kanyang bangkay at inilibing.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste December 8, 2021 at 6:41 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez February 1, 2022 at 5:11 am

Pagninilay: Ang katarungan ng Panginoon ay hindi tulad ng katarungan ng isang karaniwang tao. Ganun rin ang kanyang katapatan. Alam niya ang kilos at galaw ng bawat isa. Siya ang nagbibigay ng sapat na kalooban sa kanyang pinagpala.

Sa ating Unang Pagbasa (Sirak 47:2-11), ipinaalala ng matuwid na manunulat ang katuwiran ng Panginoong Diyos sa katauhan ni Haring David. Si David na ating narinig nitong mga nakaraang araw at linggo ay isang tunay na matapat na pinuno at mapaamo sa kawan ng Israel. Kaya nga sa kanya ipinangako ng Diyos ang isang lahi na magmumula sa kanyang angkan, upang magkaroon ng walang hanggang pamumuno ang dakilang kaharian. Mula kay Haring David ay nagmula si Hesukristo, ang ating Mesiyas at matuwid na Hukom na ipinamahala ng Diyos Ama ang dakilang Kaharian upang maghari rin ang katuwiran, katarungan, kagandahang-loob at pag-ibig sa ating buhay.

Sa ating Ebanghelyo (Marcos 6:14-29), narinig natin kung paanong pinatay ang pinsan ng ating Panginoong Hesukristo, si San Juan Bautista, sa pamamagitan ng pagpugot ng ulo. Kung naalala natin, si San Juan Bautista ay hinirang ng Panginoong Diyos na maghanda ng matuwid na daan para sa Pagdating ng Mesiyas, ang Tagapagligtas ng mundo. Kaya sa Ilog Jordan, bininyagan niya ang lahat ng mga tao, at ipinangaral ang pagpapahalaga ng paglikas mula sa kasalanan at pagkakaroon ng panibagong buhay. At sa nakatakdang araw na iyon, dumating si Hesus sa ilog para binyagan siya ng kanyang pinsan, bilang pagtupad sa kalooban ng Ama. At dito rin bumaba ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng isang kalapati, at ibinunyag ng Diyos na siya ang ikinalulugod na Anak. Matapos ang ilang araw, hinuli ng mga kawal ni Haring Herodes Antipas si Juan, at dinakip sa kulungan ng palasyo. Ito ay hiniling ng kanyang ikalawang asawa, na si Reynang Herodias, dahil pinagsabihan silang dalawa ni Juan ang kanilang pakikiapid sa isa’t isa. Bagaman namangha ang hari sa pagtuturo niya tungkol kay Kristo, gusto naman ng reyna na hamakin siya. Kaya sa araw ng kaarawan ni Herodes, nagtanghal ng sayaw ang anak ni Herodias, na si Salome. Pagkatapos, ipinagkaloob ng hari sa kanya na ihiling kung anong gusto niyang matupad. Dahil sa kautusan ng ina, hiniling niya ang ulo ni San Juan Bautista sa isang pinggan. Bagaman nalungkot si Herodes sa narinig, hindi niya pwedeng suwayin ang kanyang pangako. Kaya iniutos niya ang isang bantay na pugutan ang ulo ng Mangangaral, at pag pagkatapos, iniligay sa plato at ibinigay niya sa dalaga, at sa huli ay ibinigay sa ina. Inilibing ng mga alagad ni Juan ang katawan, at ibinalita ang mga pangyayaring ito kay Hesus.

Sa mata ng pamahalaan ni Herodes at Herodias, tingin nila kay San Juan Bautista bilang kapahamakan sa kanilang pamumuno. Ngunit sa mata ng Diyos, siya ay isang dakilang propeta na nag-alay ng kanyang buhay para sa karapatan ng katarungan. Ang Pagkamatay ng Mangagaral ay hudyat na paghahanda sa isang dakilang pangyayari sa ating kasaysayan, ang Misteryong Paskwal, o kaya ang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Dahil sa pag-aalay ni Hesus, ang katarungan at katapatan ng Diyos ay naghari dahil iniligtas niya ang lahat ng mga pinagpala. At ang mga pinagpalang tinubos ay naging isang komunidad ng mga mananampalataya, na tawag din sa kanila ay mga Kristiyano.

Bilang mga Kristiyano, dapat alam natin ang katarungan at katapatan ng Diyos. Gumawa tayo ng mabuti sa ating mga kapwa, at itama ang ating mga maling kasalanan. Sa huling banda, tayo’y ihahatol batay sa ating ginawa sa lupa noong tayo pa’y nabubuhay sa daigdig. Sa ating paglakbay sa daang ito, nawa’y sundin natin ang kalooban ng Panginoon, at maging kanyang mga mabubuting tagasunod.

Reply

Rosalinda M. Jubilado February 4, 2022 at 8:54 am

Kaya napakahalaga sa isang leader ng isang bansa ang mayroong PAGMAMAHAL AT MAY NAESTABLISH NA INTIMATE RELATIONSHIP SA ATING PANGINOON tulad ni Haring David upang mapamunuan niya ang bansa ayon sa Banal na Kalooban ng Diyos. At kung ang maging Hari natin ay katulad ni Haring Herodes tiyak pati ang buong bansa at mamamayan ay mapasailalim sa kapahanakan dahil sa kawalang tunay na relasyon at oag-ibig sa Diyos. Ipinakita na ang kayabangan at hindi pinag iisipan ang bawat sasabihin kung ito ay mabuti o masama sa paningin ng Panginoon ay pangit na reflection ng isang leader ng bansa. Sa isang banda, sa ating mga mamayan ay dapat nating suriin ang janilang sinasabi ang mga kandidato ngayon kung ito ba nagdadala ng oagkakaisa o panghuhusga. Our God is God of Unity and Love.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño February 4, 2022 at 10:18 am

Sa pangkasalukuyang panahon ay hindi na tayo nakamamalas ng taong handang iaalay ang kanyang buhay para sa katarungan. Sa halip ay puro sarili na ang inuuna at iniisip. Ang lahat ay kasigarudahan ang isina alang alang, ang lahat ay takot magutom, mabawasan ang yaman, mawala sa posisyon o sa kapangyarihan, natatakot maghirap, marami ng pera ay hindi pa nakukuntento, gagawa ng masama para makamit ang kagustuhan.

Tularan natin si San Juan Bautista, na hindi iniisip ang pansarili lamang. Walang sinuman ang nabubuhay o namamatay para sa sarili lamang. Kaya’t pag ibig ang dapat nating pairalin, sapagkat kung iniibig natin ang ating kapwa ay mag aalay tayo kung hindi man buhay ay atensyon, pag-aaruga, pagmamalasakit, pagtulong, pagbabahagi ng ating yaman at pagdamay.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: