Podcast: Download (Duration: 5:50 — 4.2MB)
Sabado ng Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Vicente, diyakono at martir
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria Tuwing Sabado
1 Samuel 1, 1-4. 11-12. 19. 23-27
Salmo 79, 2-3. 5-7
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Marcos 3, 20-21
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Second Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Vincent, Deacon and Martyr (Red)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 1, 1-4. 11-12. 19. 23-27
Ang simula ng ikalawang aklat ni Samuel
Noong mga araw na iyon, nang magbalik si David buhat sa matagumpay na pakikidigma laban sa mga Amalecita, tumigil siya ng dalawang araw sa Siclag. Tatlong araw pagkamatay ni Saul, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuutan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.
“Saan ka nagbuhat?” tanong ni David.
“Tumakas po ako sa hukbo ng Israel,” tugon ng lalaki.
“Bakit? Ano ba ang nangyari?” tanong ni David.
“Napaurong po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” tugon ng lalaki.
Winarak ni David ang kanyang kasuutan bilang tanda ng kalungkutan sa nangyari; gayon din ang ginawa ng mga naroon. Dinagukan nila ang kanilang dibdib at sila’y nanangis. Nag-ayuno sila at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ng Panginoon sa bansang Israel ay nasawi sa labanan.
At sinabi ni David:
“Karangalan ng Israel sa burol ay niyurakan,
nang ang iyong mga lingkod ay masawi sa labanan.”
“Si Saul at Jonatan ay uliran na mag-ama,
sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama;
bilis nila ay di hamak mabilis pa sa agila,
mahigit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.”
“Kayong mga anak ng Israel, ang babae’y magsitangis,
sa pagpanaw niyong Saul na sa inyo’y nagparamit
ng magandang kasuutang may hiyas na nakakabit.”
“Ang kawal ay masdan ninyo kung bumagsak sa labanan,
ganyan napansin sa burol, nang bumagsak si Jonatan.”
“Dahilan sa pagpanaw mo, ngayon ako’y nagluluksa,
pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo’y humahanga;
ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira,
mahigpit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.”
“Sa larangan ng labana’y nabuwal ang mga kawal,
ang sandatang taglay nila ay wala nang kabuluhan.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 79, 2-3. 5-7
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Pastol ng Israel,
ikaw na nanguna’t umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig
iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
Makapangyarihang Diyos,
hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami
sa tuwina-tuwina’y tinapay ng luha yaong inumin.
Iyong binayaan,
na ang mga bansa sa aming paligid kami ay bakahin,
iyong tinulutang kami’y pagtawanan ng kaaway namin.
Poon, kami’y ‘yong iligtas
at tanglawan ng ‘yong sinag.
ALELUYA
Mga Gawa 16, 14b
Aleluya! Aleluya!
Kami’y iyong pangaralan
upang aming matutuhan
ang Salitang bumubuhay!
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 3, 20-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, pag-uwi ni Hesus, muling nagkatipon ang napakaraming tao, anupat hindi man lamang makuhang kumain ni Hesus at ng kanyang mga alagad. Nang mabalitaan ito ng kanyang mga kasambahay, sila’y pumaroon upang kunin siya, sapagkat ang sabi ng mga tao, “Nasisiraan siya ng bait!”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Enero 21, 2022
Linggo, Enero 23, 2022 »
{ 8 comments… read them below or add one }
Salamat sa Diyos!
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang madugong pagkatalo ng Israel dahil sa mga kalabang Amalecita. Sa digmaang iyon ay pumanaw rin sina Saul at Jonatan. Ayon sa Kasulatan, nasugatan si Jonatan habang nakikibaka laban sa kaaway. Dahil sa sinapit ng anak, nagpakatiwakal si Haring Saul gamit ang espada. Nangyari ito dahil sa isang kasalanang ginawa ng hari, nang kumonsulta siya sa Mangkukulam ng Endor na buhayin ang kaluluwa ni Samuel para kausapin ito tungkol sa payo para sa labanan ng Israel. Dahil labag sa utos ng Panginoon ng paghingi ng tulong mula sa isang hiwagang diyus-diyosan, ang madugong pagkatalo ng kampo ng Israel ay naging bunga ng kasalananan ni Haring Saul, at nadamay pa pati ang anak nitong si Jonatan. Kaya nagluksa si David at ang ibang kasama niya sa pagpanaw ni Saul at Jonatan, at hiniling niya sa Diyos na iligtas niya ang Israel mula sa anumang kapahamakan.
Ang ating Ebanghelyo ay isa sa mga pinakaiksing Ebanghelyo sa Taong Panliturhiya, ngunit mayroon ito isang mahalagang aral. Nasaksihan natin ang pagtitipun-tipon ng mga tao upang makinig sa mga pangangaral ni Hesus. Subalit narinig din natin kung paano kinuha siya ng kanyang mga kasambahay, na nagsasabing nasisiraang ng bait ang kanilang kamag-anak. Makikita natin dito ang hindi nilang lubos na pag-iintindi sa kanyang gawain bilang Mesiyas. Subalit patuloy pa rin si Hesus sa pangangaral hindi dahil maraming tao ang humahanga at pumupuri sa kanya, kundi alam niya na ang mahalaga ay sundin ang kalooban ng kanyang Ama nating Diyos.
Hilingin natin sa Panginoon na tayo nawa ay maging karapat-dapat sa kanyang mga pagpapala at mga kaloob, upang gamitin natin ang mga ito para ipadama sa iba ang pag-ibig at katapatan niya na para sa lahat.
Amen
Amen
Maraming salamat sa paggabay lagi sa amin panginoon Diyos.
Salamat sa diyos
Pinupuri ka namin panginoong hesukristo!!
Ano ang mga aral at hamon ng mga pagbasa ngayon?
Ang Unang Pagbasa ay ang pagtatangis at pagluluksa ni David sa pagkamatay sa labanan nila Haring Saul at anak na si Jonathan. Makikita natin dito na ang lahat ay may hangganan, anu man ang posisyon mo, maya kapangyarihan sa nasasakupan, maraming ari-arian, komportableng buhay, malagong negosyo o angat sa lipunan ay matatapos kapag niloob ng Diyos. Maaaring si Haring Saul ay may nilabag sa kautusan ng Diyos kaya’t kamatayan ang kanilang kinahantungan. Lahat tayo ay mamamatay subalit mas mainam na gawin nating makabuluhan ang ating buhay, mag iwan tayong ng magandang legasiya na maaalala ng tao at pamamarisan at ng sa ganun ay maksama tayo ni Hesus sa Paraiso sa ating pagpanaw sa mundo.
Ang ebanghelyo ngayon ay isa na namang maling paratang kay Hesus. Inisip nila na sya ay nababaliw at mismong kasambahay pa ang nagpalagay nito. Ganun din ang mararansanan natin sa mundong ito, kapag ikaw ay nagpapakabanal at nagsisimulang magpakalat ng Salita ng Diyos ay iniisip nilang nababaliw tayo. Oo pwede nilang sabihin yun, pero ano mas mainam ang mabaliw tayo sa paggawa ng masama o mabaliw tayo sa paggawa ng kabutihan. Mapangnhusga ang mundo katulad ng mga kasambahay ni Hesus pero hindi ito dahilan upang tayo ay tumigil. Ituloy mo lamang ang pagsunod sa kalooban ng Diyos at sa huli ay hahalakhak ka habang lumuluha ang mga hangal na mapanghusga.
Amen.