Podcast: Download (Duration: 6:13 — 4.5MB)
Sabado ng Unang Linggo sa Karaniwang Panahon (II)
o kaya Paggunita kay San Arnold Janssen, Pari
o kaya Paggunita sa Mahal na Birheng Maria Tuwing Sabado
1 Samuel 9, 1-4. 17-19; 10, 1a
Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Marcos 2, 13-17
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the First Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Arnold Janssen, Priest (White)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
1 Samuel 9, 1-4. 17-19; 10, 1a
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel
Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki na ang pangala’y Cis. Siya’y anak ni Abiel at apo ni Zeror na anak ni Becorat at apo naman ni Afia. Mayroon siyang anak na ang pangala’y Saul na nasa kanyang kabataan. Ito ang pinakamakisig at pinakamatangkad sa buong Israel.
Minsan, nawala ang mga asno ni Cis. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. Hinalughog nila ang kaburulan ng Efraim at ang lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin. Nagtuloy sila sa Benjamin, wala rin silang makita.
Nang dumating si Saul, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel. Pahiran mo siya ng langis at italagang hari ng Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan.”
Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po kaya makikita ang manghuhula?”
Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Sa umaga ka na lumakad pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman.”
Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binusan kita ng langis ng Panginoon upang maging hari ng Israel. Pamamahalaan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway.”
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Nagagalak ang hari,
O Poon, dahilan sa lakas mong bigay,
siya’y nagagalak sa kanyang tagumpay.
Binigyan mo siya
ng lahat ng kanyang mga kailangan,
at iyong dininig, kayang kahilingan.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Dinalaw mo siya
na ang iyong taglay ay gintong korona,
iyong pinagpala’t pinutungan siya.
Hiling niya’y buhay
at iyon ang iyong ipinagkaloob,
buhay na mahaba’t walang pagkatapos.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
At naging dakila,
pinadakila mo nang iyong tulungan,
naging bantog siya’t makapangyarihan.
Iyong pinagpala
ng pagpapala mong walang katapusan,
nagagalak siya sa iyong patnubay.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
ALELUYA
Lucas 4, 18
Aleluya! Aleluya!
Ikaw, Kristo ay sinugo
upang sa dukha’y magturo,
magpalaya sa bilanggo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Marcos 2, 13-17
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos
Noong panahong iyon, muling pumunta si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao, at sila’y tinuruan niya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita niya si Levi na anak ni Alfeo, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig naman si Levi at sumunod.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, nakisalo sa kanila ang maraming publikano at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nakita ito ng ilang eskribang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan?” Narinig ito ni Hesus, at siya ay sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit, kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Biyernes, Enero 14, 2022
Linggo, Enero 16, 2022 »
{ 6 comments… read them below or add one }
Salamat sa Diyos!
PAGNINILAY: Narinig natin sa Unang Pagbasa ang paghirang ng Diyos kay Saul bilang unang hari ng Israel, matapos ang hilingin ng tao kay Samuel na dapat mamuno na ang isang hari sa bayang Israel. Nakita siya ni Samuel na hinahalughog ang lupain upang hanapin ang nawawalang asno ng pamilya. Nagtanong si Saul kay Samuel kung saan matatagpuan ang manghuhula, at tumugon si Samuel na siya ang manghuhula at inayayahang sumama ito sa kanya. At nakita natin kung paanong pinahiran ng langis si Saul dahil sa pagpili ng Panginoon sa magiging unang pinuno ng Kaharian ng Israel.
Narinig natin sa Ebanghelyo ang pagkatawag ni San Mateo sa kasamahan ni Kristo. Sa kapanahunan ni Hesus, ang mga publikano/nangongolekta ng buwis ay itinuturing ng lipunan mga mandaraya at traydor: mandaraya sapagkat mahilig silang kumuha ng pera mula sa kanilang kapwang Hudyo, at traydor naman sapagkat nagtratrabaho sila para sa mga Romano.
Ngunit nakita natin kung paanong naging malapit si Hesus sa mga makasalanang taong ito, at sa puntong pagtawag kay Mateo (o Levi) sa pagiging tagasunod niya. Kaya nagpahanda ang publikanong ito na parang despedida dahil siya’y lilisan na mula sa kanyang dating pinagsamahan ng mga kaibigan niya. At nakita natin ang eksenang nakisalo ang Panginoon sa bahay ng isang itinuturing na makasalanan. Kaya ang mga Pariseo ay nagtanim ng sama ng loob at kwinestyon ang mga Apostol sa ginagawa ng Panginoon. Subalit tugon ni Kristo ay ang larawan ng isang doktor na nag-aalaga sa mga maysakit, na ganun din ang kanyang misyon upang tawagin ang mga makasalanang tao tungo sa tunay na pagbabagong-loob.
Makikita natin ang habag at pagmamahal ng Diyos kahit anumang estado ng tao sa lipunan at ayon sa kanyang paningin. Kung ipapaabot natin ang ating kamay sa kanila, lalung-lalo na sa pagbabalik-loob ng mga makasalanan, napaparamdan natin sa kanila ang kagandahang-loob ng Panginoon at ang kanyang dakilang pagmamahal para sa lahat.
Napakaganda ng mensahe ng ating ebanghelyo ngayon. “Naparito ako para sa makasalan hindi para sa mga banal”
Pag-asa para sa ating mga makasalanan ang hatid ng Mabuting Balita.
Maibahagi ko lamang ang aking sariling karanasan, Lagi akong nakatatanggap ng komento mula sa aking mga kaibigan at kapitbahay na simba daw ako ng simba pero makasalanan nman. Ang sagot ko ay hindi binuo ang simbahan para sa mga banal, mas kailangan nating mga makasalanan ng simbahan.. ang Diyos.
Kinalulugdan ng Diyos ang makasalanang nagsisi at humihingi ng kapatawaran at inaaamin ang mga kasalanan. Lalo na ang makasalanang nagsisikap na matalikuran na ang gawang masama. Matatandaan na ang iniwang ng Mabuting Pastol ang siyamnaput syam na tupa upang hanapin ang isang nawawala. At ng matagpuan nya ito ay nagdiwang sya.
Katulad nating mga naliligaw ng landas, yayakapin tayo ni Hesus kung tayo ay manunumbalik at hindi na nya hahayaang mawala ka ulit. Makasalanan tayo ngayon, pero hindi pa huli ang lahat. Naghihintay lamang sya sa ating pagbabalik at kapatid mawawala na ang iyong pangamba dahil siya na ang bahal sayo.
Pinupuri ka namin panginoong hesus kristo nazareno kaawaan mo kami AMEN
Aleluya, aleluya. Salamat sa D’yos.
PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA