Linggo, Enero 9, 2022

January 9, 2022

PANALANGIN NG BAYAN
Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon
Patnubay sa Misa

Ginugunita natin ngayon ang pormal na paghirang kay Hesus bilang “Lingkod ng Panginoon” na siyang aako sa mga pagkakasala ng sanlibutan. Buong pusong nag- papasalamat sa kanya, manalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa lahat ng mananampalataya, lalo na ang kanilang mga pinuno: Nawa sila ang maging mga mapagkumbaba at tapat na lingkod ng Panginoon sa mundo ngayon. Manalangin tayo!

Para sa mga bagong binyagan, lalo na iyong nasa sapat nang gulang: Nawa pahalagahan nila ang Banal na Espiritu sa kanilang mga puso at laging mamuhay na mga anak ng Ama. Manalangin tayo!

Para sa mga nakalilimot sa kahulugan at kahalagahan ng kanilang binyag: Nawa pag-ibayuhin ng Espiritu Santo ang mga bunga ng kanyang pamamalagi sa kanila at muli silang gawing masisiglang kasapi ng Simbahan. Manalangin tayo!

Para sa mga mahihirap, maysakit, at walang hanapbuhay: Nawa makatagpo sila sa pamayanang Kristiyano ng tulong na kailangan nila. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat na natitipon dito: Nawa lagi nating isaisip na tayo man ay mga anak ng Diyos at pagsikapan nating maging kalugud-lugod sa Kanya sa lahat ng oras. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga sariling kahilingan. (Tumigil sandali.)
Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, sa pagbibinyag sa iyo, tinanggap mo ang bigat ng aming mga kasalanan. Nawa mapagaan namin ang gayong pasanin sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa aming mga pangako sa binyag. Isinasamo namin ito sa iyo na aming kapatid at Panginoon. Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Melba G. De Asis January 12, 2019 at 7:00 am

Ang sakramento ng binyag sa pamamagitan ng pagbubuhos ng tubig at ng ispiritu santo ay ang paglilinis sa atin ng ating mga kasalanan na may kasamang biyaya at pagpapala mula sa Panginoon. Nawa’y gabayan tayo palagi ng kabanal banalang ispiritu santo para magkaroon tayo ng maayos na pamumuhay at maghangad ng kapayapaan sa lahat ng pagkakataon. Amen

Reply

Reynald Perez January 2, 2022 at 10:01 am

PAGNINILAY: Ang pagdiriwang ng Kapistahan ng Pagbibinyag sa Panginoon ay hudyat ng pagtatapos ng Panahon ng Pasko ng Pagsilang. Ang Pagbibinyag ni Hesus sa Ilog Jordan ay tanda ng pagsisimula ng kanyang Pampublikong Ministeryo. Kaya tayo ay papasok sa Karaniwang Panahon sa susunod na araw upang pagnilayan ang ordinaryong pamumuhay ni Kristo nang siya’y nangaral ng Mabuting Balita at gumawa ng mga kababalaghan. Bagamat si Hesus ay ang Anak ng Diyos at may kalagayan na pagka-Diyos, nagpakumbaba siya at nagpabinyag sa kanyang pinsang si San Juan Bautista. Itong pangyayaring ito ay nagpapahiwatig ng 3 punto:

1.) ANG KAHALAGAHAN NG BINYAG. Bininyagan si Hesus upang gawing banal niya ang gawaing ito, na ito’y magsilbi bilang Sakramento. Ang binyag ay tanda ng kanyang Pagkamatay at Muling Pagkabuhay. Sa pamamagitan ng mga tubig ng pagbibinyag, ang ating mga kasalanan ay nililinis. Kung baga’y tayo ay nakiisa sa Pagkamatay ni Hesus sa paglilinis ng ating mga kasalanan, at tayo rin ay naipagkaloob ng grasya ng Diyos sa pamamagitan ng Muling Nabuhay na Panginoon.

2.) ANG PAKIKIBAHAGI SA PAMILYA NG DIYOS. Ang Sakaramento ng Binyag ay tinatawag na “pinto” patungo sa ating pananampalataya sa Panginoon. Tayo ay nakikibahagi sa pamilya ng Diyos, ang kayang Sambayanang kumakatawan sa Simbahan. Sinasabi ni San Pedro sa Ikalawang Pagbasa na walang sinumang itinatanggi ang Diyos Ama. Ipinahayag ng Apostol tungkol sa kaligtasang ipinahayag sinauna sa mga Israelita at ipinakita sa mga Hentil dahil kay Hesus na nagtupad ng kaligtasan. Ang pagbibinyag ay tanda na ang orihinal na kasalanan ay inilibing at ang grasya ng Diyos ay patuloy na nabubuhay.

3.) ANG MISYON NATING MGA KRISTIYANO. Ang Unang Pagbasa ay isa sa mga orakulo tungkol sa “Lingkod ng Panginoon”. Sinasabi dito sa propesiya na ang hinirang na Lingkod ng Diyos na si Hesukristo ng kapangyarihan ng Espiritu Santo upang ipamalas ang kanyang kapangyarihan, katuwiran, at kabutihang-loob. Kaya ang ating misyon bilang mga Kristiyano ay itinuturing na “Priestly, Prophetic, at Kingly”. Priestly sapagkat tayo ay inaanyayahang gumawa ng mga sakripisyo upang ipamalas ang ating kabutihan sa ibang tao lalung-lalo sa mga nangangailangan. Prophetic sapagkat tayo ay inaasahang ipahayag at ituro ang matuwid na pamumuhay ayon sa pamantayan ng ating Diyos. At Kingly sapagkat binigyan tayo ng kapangyarihan upang mamuno nang may kababang-loob at paglilingkod sa kapwa.

Nawa sa ating pagdiriwang ng Pagbibinyag kay Hesus, sariwain din natin ang mga pangako sa binyag na talikdan natin ang masasamang bagay na galing sa Diyablo at sumampalataya sa Panginoong Diyos at sa kanyang dakilang kalooban/magandang plano.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: