Lunes, Disyembre 13, 2021

December 13, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ikatlong Linggo ng Adbiyento
Lunes

Sa ating pananalangin, dumulog tayo ngayon sa Diyos Ama na siyang may lakas at kapangyarihan sa lahat ng mga bagay upang maibsan ang mga pasaning nagpapahirap sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Ama naming makapangyarihan, dinggin mo kami.

Ang mga nanunungkulan sa Simbahan nawa’y mapuspos ng kabutihang-loob, pagpapakumbaba, at pag-ibig, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maykapangyarihan nawa’y magkaroon ng tamang gabay sa kanilang pagpapasya ng karunungang nakabatay sa pag-ibig, katarungan, at katotohanan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga magulang, sa pamamagitan ng kanilang ginagampanang responsibilidad sa tahanan, nawa’y higit na hangaring magmahal at mahalin, sa halip na magpairal ng pangingilag at takot, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga maysakit nawa’y makatagpo ng kagalingan at kaginhawaan ng loob sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at mga sakramento, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y matiwasay na makarating sa kanilang tahanan sa Langit, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, nagagalak kami sa nag-uumapaw mong pag-ibig sa amin; itatag mo ang iyong kapangyarihan sa aming piling at maging kasama ka nawa namin sa daan ng buhay. Idinadalangin namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 5 comments… read them below or add one }

Analyn Mangona December 13, 2021 at 7:32 am

Ang aking papuri at pasasalamat ay lagi sayo PANGINOON.DIYOS AMA.at PANGINOON HESUKRISTO. Amen???

Reply

Kulot December 13, 2021 at 7:50 am

Amen

Reply

Reynald Perez December 13, 2021 at 8:05 am

PAGNINILAY: Tayo ay palapit na sa pagdiriwang ng Pasko ng Pagsilang ng ating Panginoong Hesukristo. Ang Adbiyento ay nagbibigay dahilan upang mas mapanabikan natin ang kanyang pagdating sa ating mga buhay. Malugod natin siyang tinatanggap upang maghari ang kanyang pagpapala at pagmamahal sa atin para ipadama natin sa iba.

Ang Unang Pagbasa ngayon ay hango sa Aklat ng mga Bilang, na kung saan mayroon isang sugo ni Balak na nangangalang Baalam, na ipinadala sa campo ng Israel upang sumpain ang bayan ng Diyos. Subalit dahil sa panibagong puso ni Baalam ay sa halip na sumpa ang sabihin niya laban sa Israel, isang propesiya ang kanyang ipinahayag tungkol sa pangako ng Diyos. At narinig natin itong pahayag na kung saan mayroong hari na lilitaw sa Israel, at ang tanda nito ay ang Bituin ni Jacob. At alam natin na ang bituing ito ay susundan ng mga Pantas mula pa sa Silangan patungong Judea habang hinahanap nila ang isinilang na Hari ng sanlibutan, ang Panginoong Hesukristo. Kaya ang kaligtasan ng Diyos ay para sa lahat ng taong tumatanggap sa kanya at tumatalima sa kanyang mga utos, maging sila man ay Hudyo o Hentil.

Ang ating Ebanghelyo ngayon ay ang muling pagtatagpo ni Hesus sa mga pinuno ng mga Hudyo na masyadong kritikal sa kanyang pagpaparangal at paggawa ng kababalaghan. Tinanong siya ng mga punong saserdote at matatanda ng bayan kung anong awtoridad ang nagbigay sa kanya upang gawin ang mga bagay na ito. Ngunit tugon ni Hesus ay isang hamon pabalik sa kanila: kung ang binyag ni San Juan Bautista ay mula sa langit o sa tao. At nag-isip-isip sila sapagkat alam nila na mas nanaig si Hesus. At kung sasabhin nila ang binyag ni Juan ay galing sa tao ay magagalit ang kanilang kapwang Hudyo, samantala kung sasabihin ay ito ay galing sa langit ay bakit hindi sila naniwala kay Juan Bautista at nagbalik-loob. Kaya ang tugon nila kay Hesus ay hindi rin nila alam kung saan ito nagmumula. At ganun rin ang tugon ng Panginoon na hindi niya masasabi sa kanila kung anong awtoridad ang nagbigay sa kanya, kahit alam niya na ang Diyos Ama ang nagbigay nito subalit may katigasan talaga ang mga pinunong ito na makinig sa kanyang mga pangangaral.

Ang Adbiyento ay panahon ng pagbubukas ng ating mga puso’t isip para sa Panginoong darating. Ngayong malapit na ang pagdiriwang ng kanyang pagkakatawang-tao sa Kapaskuhan, tayo ay inaanyayahang gumawa ng tahanan sa ating kalooban para isilang siya sa ating mga buhay. Sa patuloy na pagtalima sa kalooban na Diyos sa pamamagitan ng kabutihan, tayo nawa ay maging daan ng pagbabagong-loob ng lahat ng tao upang makamtan ng lahat ang pagpapala ng ating Diyos Ama.

Reply

Ferdy Baetiong Parino December 13, 2021 at 9:07 am

Ano ang hamon at aral sa atin ng ebanghelyo ngayon?

Sa mga nagyayari sa iyong lalo na kung ito ay problem a o kapighatian, kinukwestyon mo ba ang Diyos? Ang lahat ng nangyari, nangyayari at mangyayari pa lamang ay batid ng Diyos at may kadahilanan. Kung ano man ang purpose ni Hesus o kung bakit naganap iyon ay malalaman din nating lahat pagdating ng tamang panahon. Sa ngayon ang nararapat nating gawin ay tanggapin at magtiwala na may mas magandang plano sa atin ng Diyos. Hindi man sa paraan at oras na gusto natin pero siguradong mangyayari kung loloobin ng Diyos. Basta’t wag lamang tayo bibitaw sa kanya, wag nating dyang subukin at kwestyunin sapagkat ang Poon ang pinakamaalam sa lahat, ibugay lamang natin ang ating buong tiwala at pananampalataya.

Nakapaloob din sa ebanghelyo ang pag iingat sa ating mga sasabihin. Sapagkat ang salita ay matalim, maari mong ikasakit ng damdamib ng kapwa, maaring makasira ng magandang relasyon sa pamilya, kaibigan at ibang tao, at maari nating ikapahamak katulad ng pagkabilanggo o kamatayan. Kaya’t nararapat na ang lahat ng ating iisipin, gagawin at sasabihin ay naayon sa kalooban ng Diyos, gawin nating gabay ang mga Salita ng Diyos sa mga ebanghelo sa ating pakikipag usap sa kapwa. Amen

Reply

Guendolyn Chiong December 13, 2021 at 9:56 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: