Martes, Nobyembre 30, 2021

November 30, 2021

Play

Kapistahan ni Apostol San Andres

Roma 10, 9-18
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Mateo 4, 18-22


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Feast of Saint Andrew, Apostle (Red)

UNANG PAGBASA
Roma 10, 9-18

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid, kung ipahahayag ng iyong mga labi na si Hesus ay Panginoon at mananalig ka nang buong puso na siya’y muling binuhay ng Diyos, maliligtas ka. Sapagkat nananalig ang tao sa pamamagitan ng kanyang puso at sa gayo’y napawawalang-sala; at nagpapahayag sa pamamagitan ng kanyang labi at sa gayo’y naliligtas. Sinasabi sa Kasulatan, “Hindi mabibigo ang sinumang nananalig sa kanya.” Walang pagkakaiba ang katayuan ng Judio at ng Griego. Iisa ang Panginoon ng lahat at siya ang nagkakaloob ng kanyang kayamanan sa lahat ng tumatawag sa kanya. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Maliligtas ang lahat ng tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

Ngunit paanong tatawagan ng mga tao ang hindi nila sinasampalatayanan? Paano silang mananampalataya kung wala pa silang napapakinggan tungkol sa kanya? Paano naman silang makakapakinig kung walang nangangaral? At paanong makapangangaral ang sinuman kung hindi siya isinusugo? Ayon sa nasusulat, “O kay inam na makitang dumarating ang mga nagdadala ng Mabuting Balita!” Ngunit hindi lahat ay naniwala sa Mabuting Balita. Ganito ang sabi ni Isaias, “Panginoon, sino ang naniwala sa sinabi namin?” Kaya’t ang pananampalataya ay bunga ng pakikinig; at makakapakinig lamang kung may mangangaral tungkol kay Kristo.

Ngunit ang tanong ko’y hindi ba sila nakapakinig? Nakapakinig nga sila. Sapagkat, “Abot sa lahat ng dako ang tinig nila, at ang mga salita nila’y laganap sa sanlibutan.”

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 18, 2-3. 4-5

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Ang langit ay naghahayag na ang Diyos ay dakila!
Malinaw na nagsasaad kung ano ang kanyang gawa!
Bawat araw, bawat gabi, ang ulat ay walang patlang,
patuloy na nag-uulat sa sunod na gabi’t araw.

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

Walang tinig o salitang ginagamit kung sabagay,
at wala ring naririnig na kahit na anong ingay;
gayun pa man, sa daigdig ay laganap yaong tinig,
ang balita’y umaabot sa duluhan ng daigdig.

Laganap na sa daigdig
ang kanilang mga tinig.

ALELUYA
Mateo 4, 19

Aleluya! Aleluya!
Sumunod kayo sa akin
at kayo’y aking gagawing
katambal ko sa tungkulin.
Aleluya! Aleluya!

MABUTING BALITA
Mateo 4, 18-22

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo

Noong panahong iyon, sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Sinabi niya sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamamalakaya ng mga tao.” Noon di’y iniwan nila ang kanilang mga lambat at sumunod kay Hesus.

Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita rin niya ang magkapatid na Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Sila’y nasa bangka, kasama ang kanilang ama, at naghahayuma ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 6 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste August 27, 2021 at 6:07 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez November 24, 2021 at 3:53 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ni Apostol San Andres. Si San Andres ay ang kapatid ni San Pedro na anak ni Jonas. Ayon sa Ebanghelyo nina San Mateo at San Marcos, siya ang isa sa mga unang apat na apostol kasama ang kanyang kapatid (Pedro) at dalawang magkapatid na mga anak ni Zebedeo (Santiago at Juan) na tinawag ni Hesus mula sa kanilang trabaho ng pangingisda sa Lawa ng Galilea. Sinabi ni Hesus sa kanila, “Sumunod kayo sa akin, at gagawin ko kayong mamalakaya ng mga tao.”

Ayon naman sa Ebanghelyo ni San Juan, si Andres ay isa sa dalawang alagad ni San Juan Bautista, pinsan ng Panginoon, nang ipahayag ng propeta tungkol kay Hesus bilang Kordero ng Diyos. Kaya umalis ang dalawa at tinanong kung saan tutuloy si Hesus. At sinabi ng Panginoon, “Halikayo at tignan ninyo.” Bumalik si Andres sa kanyang tirahan sa Betsaida kung saan sinabi niya sa kanyang kapatid na si Simon Pedro na natagpuan niya ang Mesiyas. At nang makita ng kapatid si Hesus, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Ang ipangangalan sa iyo’y Cefas.” (Ang katumbas ng pangalang ito’y Pedro).

Si San Andres ay kasama si San Pedro sa kanilang nang pagalingin ng Panginoon ang kanilang biyenang may sakit. Siya rin ang nagsabi sa Panginoon sa bundok malapit sa Lawa ng Tiberias na may isang batang lalaking may dalang 5 tinapay at 2 isda, pero hindi ito sapat na kasyahin para sa 5,000 tao. At dito ipinakita ng Panginoon ang himala ng pagpapakain ng napakaraming tao.

Pagkatapos ng pangyayari n’ung Pentekostes, ipinangaral ni San Andres ang Mabuting Balita ng Panginoon hanggang Gresya. Ayon sa Tradisyon, siya’y ipinako sa isang krus na may hugis na “ekis” sa isla ng Patras. Siya ang Patron ng mga bansang Russia, Gresya, Inglatera, at Eskosya. Sa Inglatera, ang Nobyembre 30 ay tinaguriang “Saint Andrew’s Day”. Dito sa ating bansa, ipinagdiriwang din natin ang kapanganakan ng isang bayaning kaparehas ang pangalan ng Apostol, si Andres Bonifacio, ang Dakilang Supremo na tumatag sa samahang Katipunan at ang pinuno ng Rebolusyong Panghimagsikan laban sa mga Kastila mula 1896 hanggang 1898.

Katulad ni San Andres, nawa’y makibahagi tayo sa pagpapangaral ng Mabuting Balita at isabuhay ang mensahe nito sa ating araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 30, 2021 at 7:12 am

Ang Unang Pagbasa at Ebenghelyo ngayon ay nakatuon sa pangangaral ng Mabuting Balita at sa mga alagad ni Hesus na ginawa nyang tagapagpalaganap ng Salita ng Diyos. Ano ang hamon at aral sa atin ng mga pagbasang ito?

Mga kapatid, alam na ninyo na tayong lahat ay mga pari? Oo, tayong lahat ay may tungkulin na magpalaganap at mangaral ng Mabuting Balita. Sa makabagong panahon, maaari nating gamitin ang social media at ang internet. Halos araw araw ay idinaraos na banal na misa na live sa facebook, youtube at iba pa. Pwede natin itong ishare sa ating mga kaibigan at kamag anak saan mang panig ng mundo. Maari rin tayo magshare ng mga napapanahong bible quotes sa ating newsfeed sa social media. Sa ating mga GC o group chat at maari tayong magpatotoo kay Hesus. Kung tayo ay nakakatagal ng maraming oras sa facebook, instagram at Netflix ay mas nararapat na bigyan natin ng oras ng Panginoong Hesus.

Bukod sa social media ay maari ring personal, kapag may humingi ng payo sayo ay gawin mong gabay ang mga aral sa ebanghelyo at hindi maliligaw ang sinumang makapkinig nito. Umpisahan mo sa loob ng iyong tahanan ang pangangaral ng Salita ni Hesus sa iyong asawa at mga anak.

Subalit nararapat na makita nila sa iyong salita, kilos at pag uugali ang kabutihang loob bago ka mangaral ng Mabuting Balita upang ikaw ay hindi mapulaan na isang bulaang propeta o mapang imbabaw.

Samantalahin natin ang mga gawaing ito ngayong panahon ng Adviento upang maging handa sa muli nyang pagdating. Amen

Reply

Edward C Ramirez November 30, 2021 at 7:34 am

Salamat sa diyos

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo!!

Reply

Francisco Azupardo November 30, 2021 at 10:18 am

Pinupuri ka namin Panginoon Hesuskristo. Aleluya. Amen

Reply

Celine loveko November 30, 2021 at 2:27 pm

PINUPURI KA NAMIN PANGINOON JESUS KRISTO ALLELUIA!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: