Linggo, Nobyembre 28, 2021

November 28, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Unang Linggo ng Adbiyento

Ipinaaalaala sa atin ngayon ng Salita ng Diyos ang pagdating ni Kristo bilang ating hukom, at kung paano tayo dapat maghanda sa pagharap sa kanya. Buong kababaang-loob nating ipanalangin ang biyayang pagsalubong sa kanya nang may malinis na konsiyensiya at pakumbabang pananalig. Maging tugon nati’y:

Panginoon, pabanalin mo kami!

Para sa Simbahan: Nawa siya’y maging mabisang paalaala sa buong mundo na ang Panginoon ay tuwinang dumarating sa atin sa katauhan ng lahat ng humihingi sa atin ng tulong. Manalangin tayo!

Para sa Santo Papa, mga Obispo, at mga pari: Sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, sila nawa’y maging inspirasyon sa buong Simbahan, sa pagiging laging handang sumalubong kay Hesus. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng magulang at guro: Ituro nawa nila sa kanilang mga anak at estudyante kung paanong makita si Hesus sa kanilang kapwa at salubungin siya sa kanila. Manalangin tayo!

Para sa mga Kristiyanong inuusig dahil sa kanilang pananampalataya: Nawa sila’ y manindigan at di panghinaan ng loob, sa tulong ng panalangin at suporta ng lahat ng mga bansa. Manalangin tayo!

Para sa mga malapit ng mamatay: Nawa sila’ y maging handang humarap sa Panginoong ating Hukom, lubos na nagsisisi sa kanilang mga kasalanan at pakumbabang nagtitiwala sa kanyang awa. Manalangin tayo!

Para sa ating lahat: Nawa mamuhay tayo sa bagong taong liturhikong ito na bukas para sa inspirasyon ng Panginoon, handang gawin ang kanyang kalooban at sa ganon ay makapag-ambag sa pagtatatag ng kanyang Kaharian. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus, pinananabikan namin ang iyong pagdating nang buong pananalig at pag-asa. Itulot mong buong puso ka namin salubungin at makibahagi kami sa iyong kaligayahan magpakailanman.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste August 27, 2021 at 6:06 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez November 24, 2021 at 3:49 pm

PAGNINILAY: Ngayon ay sinisimulan natin ang bagong taon sa Kalendaryong Panliturhiya ng Simbahan sa pamamagitan ng Panahon ng Adbiyento. Ang Adbiyento, na nangunguhulugang “pagdating,” ay isang panahon ng paghahanda sa Tatlong Pagdating ni Kristo: (1) Ang Kanyang Pagkatawang-tao na ipapagdiriwang natin sa darating na Pasko na Pagsilang, (2) Ang Kanyang Muling Pagbabalik sa wakas na panahon, at (3) Ang Kanyang Pagpapakita sa ating araw-araw na pamumuhay.

Sa ating Unang Pagbasa (Jeremias 33:14-18), ipinahayag ni Propetang Jeremias ang pagdating ng isang matuwid na sangs upang ituwid ang bayan ng Diyos. Itong propesiya ay patungkol sa pagdating at misyon ni Hesus bilang Mesiyas at Tagapagligtas ng lahat. Sa ating Ebanghelyo (Lucas 21:25-28, 34-36), ipinahayag niya sa atin tungkol sa Kanyang ikalawang Pagdating. Sinabi niya sa atin na tayo’y gumising, magbantay, at maghanda sa ‘di inaasahang oras ng araw na iyon. Ngunit sa una pa lang, nararamdam na natin ang takot dahil ayaw nating lahat na mamatay. Tingin natin na wawakas ang ating mundo sa pamamagitan ng mga malalakas na lindol at tsunami, katulad ng napanood natin sa pelikulang “2012”. Ngunit atin pong alalahanin na hindi ganoong malupit ng Panginoon, at hindi siya gumagawa ng marahas na paraan. At lagi po nating tandaan na sa pagdating niya muli sa ating mundo, makakamit natin ang buhay na walang hanggan sa langit kasama niya at ng Ama. Kaya dapat tayong maging gising, na may ibig sabihin na bumangon sa pagiging mabubuting halimbawa sa ibang tao.

Sa ating Ikalawang Pagbasa (1 Tessalonica 3:12-4:3), hinihikayat tayo ni San Pablo na magkaroon ng espirituwal na paghahanda upang salubungin natin ang Panginoon sa bawat oras at pagkakataon ng buhay. Kailangan nating maglingkod sa ating kapwa at tulungan sila sa kanilang araw-araw na pangangailangan. Sa pamamagitan ng ganyang paraan, tayo’y handa na sa oras at araw ng muling pagbalik ni Kristo sa ating lupa. At sa lahat ng ating mga gawain, huwag po nating kalimutan ng pagdarasal, lalung-lalo na ipanalangin ang mga kahilingan ng ibang tao. Sa ating paglalakbay sa daan ng Adbiyento, nawa tayo’y gumising, magbantay, at maghanda sa Pagdating ni Kristo sa Pagdiriwang ng Pasko, sa katapusan ng panahon, at sa ating araw-araw na pamumuhay.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 28, 2021 at 11:48 am

Ito na mga kapatid, sumapit na tayo sa panahon ng Adviento.. Samantalahin natin ito na magtika at magnilay nilay. Parating na nman ang kapaskuhan, patapos na nman ang taon, ano ang nagawa mo?
Ikaw ba ay naging kapaki pakinabang sa iyong kapwa, ang isang buong taon mo ba ay kalugod lugod sa Diyos? O tayo ay nakipag- away, hindi nagpatawad ng kapatid, nagsaya lamanh ng nagsaya sa paglalasing, pinag usapn at pinagtsismisan ang kapitbahay, nagnasa ng nagnasa sa hindi mo pag-aari, puro kamunduhan at kahalayan, nagdamot sa nangangailangan, nandaya, nagsinungaling at puro pagpapayaman o pera ang iniisip. Mga kapatid ang panahon ng Adviento ay ituring din nating panahon ng semana santa, linisin natin ang ating mga sarili bilang paghahanda sa muli nyang pagkabuhay o pagsilang.
Ngayon na mga kapatid, wag na tayong magpatumpik tumpik pa, gumawa na tayo ng mabuti sa ating kapwa, magsisi sa kasalanan at ihingi ito ng kapatawaran at sikapin ng matalikuran ang kahiya hiyang gawain sa mata ng Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: