Huwebes, Nobyembre 4, 2021

November 4, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-31 Linggo sa Karaniwang Panahon
Huwebes

Ang Panginoon ang pastol na nakakikilala sa bawat isa sa atin sa ating pangalan. Ialay natin ang ating mga panalangin sa Diyos, nagtitiwala sa kanyang personal na pag-ibig sa atin.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panginoon, sa iyong dakilang pag-ibig, tugunin mo kami.

Ang Simbahan nawa’y maging buhay na tanda ng tunay na pagkalinga at buong pagmamahal na pagtingin sa mga tinanggihan ng lipunan, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga humiwalay na sa daan ng kabutihan nawa’y marinig ang tinig ni Kristo ang Mabuting Pastol na tinatawag silang bumalik muli, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga kabataang naligaw sa bisyo, krimen, o ipinagbabawal na gamot nawa’y matagpuan ang kanilang tunay na sarili at dangal at magbalik sa tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng pagpapatawad, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga nagdurusa o sinusubok ng karamdaman nawa’y mapagtanto na mahal sila ng Diyos sa pamamagitan ng pagkalinga at atensyon na ating ibinibigay, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao na dumaan sa “pintuan ng kawan” nawa’y magbunyi kasama ng Pastol at bantay ng kanilang kaluluwa, manalangin tayo sa Panginoon.

Pinakamahinahong Ama, akayin mo kami sa tamang daan. Pakinggan mo ang aming mga panalangin, basbasan mo ang bawat isa sa amin sa pamamaraang ikaw ang pinakamabuting nakaaalam. Makasunod nawa kami saan mo man kami dalhin. Hinihiling namin ito sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez November 1, 2021 at 6:35 am

PAGNINILAY: Ang Diyos ay dakila sa kanyang habag, na tayo ay palaging inaanyayahan na magbalik-loob sa kanya. Ang Ika-15 Kabanata ng Ebanghelyo ni San Lucas ay nakapamagat bilang “Mga Talinghaga ng Awa”. Ito ay tumutukoy sa 3 parabulo ni Kristo na kung saan ipinapahayag niya ang kadakilaan ng Amang puno ng habag kahit sa mga makasalanan. Dalawa sa parabulo ang narinig natin ngayon, at ang isa naman ay yung mahabang kwentong nakakaantig sa ating puso. Nagsisimula ang tagpuan sa isang lugar ng pangangaral ni Hesus sa mga manininigil ng buwis, masamang babae, at iba pang mga makasalanan, na siya namang ikinagagalit ng mga Pariseo at eskriba. Kaya dito ikinuwento ni Hesus ang mga Parabula ng Nawawalang Tupa at ang Nawawalang Salaping Pilak. Sabi nga na ang habag ng Panginoon ay katulad sa isang lalaking naghahanap ng kanyang nawawalang tupa, samantala iniiwan niya ang kawan ng 99 na tupa sa bukid. At kapag nahanap na niya ng tupa, inaangat niya ito sa kanyang balikat upang kargahin ang tupang natagpuan. At siya’y makikipagsaya sa kanyang mga kaibigan dahil natagpuan na niya ang kanyang minamahal na tupa na dati’y nawala. Sabi nga din na ang habag ng Panginoon ay katulad sa isang babaeng hinahanap sa buong bahay ang nawawala niyang iisang salaping pilak, kung dati’y mayroon siyang 10. Gagawin niya ang lahat katulad ng pagsisindi ng ilaw at pagwawalis ng bahay upang mahanap ang nawawalang salapi. At kapag nahanap na niya ito, siya’y makikisaya kasama ang kanyang mga kaibigan dahil sa salaping pilak na dati’y nawala ngunit natagpuan na.

Mula sa 2 parabula ni Hesus, makikita natin ang kahalagahan ng pagmamahal ng Diyos sa bawat isa sa atin. Kahit tayo’y patuloy na nagkakasala, patuloy siyang humahanap sa atin, humahangad na tayo’y kanyang yakapin sapagkat minamahal niya tayo. Ganun ang naging disposisyon ni San Pablo sa Unang Pagbasa na bagamat siya’y isang dalubhasa ng Kautusan ni Moises at ginawa ang mga ritwal ng batas ng mga Hudyo, ipinausig niya ang mga tagapagsunod ni Kristo, na mas kilala bilang mga Kristiyano. Ngunit ikinuwento rin niya na ang mga unang bagay na kanyang tinanggap bago makilala si Kristo ay parang walang kabuluhan. Kaya sinasabi ni San Pablo na lahat tayo ay likha ng Diyos Ama at karapat na maging kanyang mga anak, kaya ang trato natin sa isa’t isa bilang mga magkakapatid. Ang pagbasang ito ay nagsilbing inspirasyon sa kantang nilikha ni Padre Hontiveros na pinamagatang PANANAGUTAN. Tunay nga na walang sinuman ang nabubuhay at namamatay para sa sarili lamang, sapagkat tayong lahat ay may pananagutan sa isa’t isa. Iisang Diyos rin na ating pinagbubukluran at pinaglilingkuran, at sa kanya tayo’y balang araw babalik.

Kaya nga tayong lahat ay tinatawag na mga saksi sa patuloy ng pagpapahayag ng magandang balitang ng kanyang Dakilang Awa. Huwag po tayong matakot kung may kakayahan tayong magkasala, sapagkat mas malaki at mahalaga pa ang awa ng Diyos kaysa sa ating mga kasalanan at pagkakamali. Kung tayo’y tunay na magbabalik-loob, nawa’y isabuhay natin ang pagpapatawad nito sa paggawa ng tama at mabuti, lalung-lalo na sa ating kapwa.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 4, 2021 at 9:29 am

Sa unang pagbasa ay ipinaalala satin ng Diyos na tayo ay nabubuhay para sa Panginoon at mamamatay para sa Panginoon. Paano iyon? Habang tayo ay nabubuhay sa lupa, ang lahat ng ating iisipin, sasabihin at gagawin ay para sa Pag-ibig natin sa Diyos, kapag ganyan ang ginawa nating batayan ay hindi mo namamalayang nasusunod mo na ang lahat ng sampung utos at kailanman ay hindi ka maliligaw ng pagpapasiya sa lahat ng bagay na magbibigay sayo ng katiwasayan sa buhay at buhay na walang pangamba at pagsisi sa bandang huli hanggang sa iyong huling sandali sa mundo.

Napakaganda nman ng ebanghelyo natin ngayon, ito ay nagbibigay ng Pag-asa lalong lalo na sa tulad nating makasalanan. Ang talinghaga ng nawawalang tupa at salapi ay nagsasabing kinalulugdan ng Diyos ang taong tumalikod sa makamundong pamumuhay, ang nagsisikap na magbago at magbalik loob sa Panginoon. Katulad sa talinghaga ni Hesus na ang mga taong nakatagpo ng nawawala nilang tupa o salapi ay lubos ang kasiyahan at ipinagdudiwang ito. Ganuon din ang Diyos natin, kaya’t habang may panahon pa ay umpisahan mo mg magsisi sa iyong mga ginawang kalapastanganan sa Diyos, pagktapos ay ihingi ito mg kapatawaran dahil ang Diyos ay mahabagin at mapagpatawad, at unti unti mo ng baguhin ang iyong mga gawang mali, mahalin mo amg Diyos at ang iyong kapwa at sikapin ng talikuran ang madilim mong mundo at mamuhay sa liwanag at hinding hindi ka na hahayaan pang mawala o maligaw ulit ng ating Mabuting Pastol.
Kapatid… kung alam mo lamang… napakasarap mamuhay ng may relasyon sa Diyos.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: