Martes, Nobyembre 2, 2021

November 2, 2021

Play

Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano

Mga Pagbasa para sa Unang Misa

2 Macabeo 12, 43-46
Salmo 103, 8 at 10. 13-14. 15-16. 17-18.

Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.

Roma 8, 31b-35. 37-39
Juan 14, 1-6


Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel

Commemoration of All the Faithful Departed (All Soul’s Day) (Violet or White)

UNANG PAGBASA
2 Macabeo 12, 43-46

Pagbasa mula sa ikalawang aklat ng Macabeo

Noong mga araw na iyon, nagpalikom si Judas, ang pinuno ng Israel, ng mga kaloob na umabot sa halagang apat na librang pilak at ipinadala sa Jerusalem upang ihandog na pantubos sa kasalanan. Ginawa ito ni Judas sapagkat naniniwala siya sa muling pagkabuhay ng mga patay. Kung hindi’y magiging kahangalan lamang ang ipanalangin pa ang mga namatay na. Dahil buo ang kanyang paniniwala na ang lahat ng namamatay na nanatiling tapat ay tatanggap ng dakilang gantimpala, ginawa niya ang paghahandog na iyon upang ang pagkakasala ng mga namatay na ito ay patawarin.

Ang Salita ng Diyos.

SALMONG TUGUNAN
Salmo 103, 8 at 10. 13-14. 15-16. 17-18.

Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.

Kay ganda ng kalooban, mahabagin itong Diyos,
kung magalit ay banayad, kung umibig nama’y lubos.
Kung siya ay magparusa, di katumbas ng pagsuway;
di na tayo sinisingil sa nagawang kasalanan.

Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.

Kung paano nahahabag ang ama sa anak niya
gayun siya nahahabag sa may takot sa kaniya.
Alam niya na alabok, yaong ating pinagmulan,
alam niyang babalik din sa alabok kung mamatay.

Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.

Ang buhay ng mga tao’y parang damo ang katulad,
sa parang ay lumalago na animo ay bulaklak;
kapag ito’y nahanginan, nawawala’t nalalagas,
nawawala mandin ito at hindi na namamalas.

Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.

Ngunit ang pag-ibig ng Diyos ay tunay na walang hanggan,
sa sinuman sa kanya’y may takot at pagmamahal;
ang matuwid niyang gawa ay wala ring katapusan.
Yaong magtatamo nito’y ang tapat sa kanyang tipan,
at tapat na sumusunod sa bigay na kautusan.

Panginoo’y nagmamahal
at maawain sa tanan.

IKALAWANG PAGBASA
Roma 8, 31b-35. 37-39

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol San Pablo sa mga taga-Roma

Mga kapatid:
Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang laban sa atin? Hindi niya ipinagkait ang sarili niyang Anak kundi ibinigay para sa ating lahat. Kung naipagkaloob niya sa atin ang kanyang Anak, hindi ba niya ipagkakaloob sa atin ang lahat ng bagay, kasama ng kanyang Anak? Sino ang maghaharap ng sakdal laban sa mga hinihirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? Sino nga ang hahatol ng kaparusahan? Si Kristo Hesus bang nasa kanan ng Diyos? Siya pa nga ang namatay at muling binuhay, at ngayo’y namamagitan para sa atin. Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pagmamahal ni Kristo? Ang paghihirap ba, ang kapighatian, ang pag-uusig, ang gutom, ang kahubaran, ang panganib, o ang tabak? Hindi! Ang lahat ng ito’y kayang-kaya nating pagtagumpayan sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong ang kamatayan, ang buhay, ang mga anghel, ang mga pamunuan, ang mga bagay sa kasalukuyan, ang mga bagay na darating, ang mga kapangyarihan, ang kataasan, ang kalaliman, o ang alinmang nilalang ay hindi magkapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos – pag-ibig na ipinadama niya sa atin sa pamamagitan ni Kristo Hesus na ating Panginoon.

Ang Salita ng Diyos.

ALELUYA
Mateo 25, 34

Aleluya! Aleluya!
Halina at inyong kamtan
ang langit na kaharian
pamana ng Amang mahal.
Aleluya! Aleuya!

MABUTING BALITA
Juan 14, 1-6

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan

Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad, “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin. Sa bahay ng aking Ama ay maraming silid; kung hindi gayun, sinabi ko na sana sa inyo. At paroroon ako upang ipaghanda ko kayo ng matitirhan. Kapag naroroon na ako at naipaghanda na kayo ng matitirhan, babalik ako at isasama kayo sa kinaroroonan ko. At alam na ninyo ang daan patungo sa pupuntahan ko.” Sinabi sa kanya ni Tomas, “Panginoon, hindi po namin alam kung saan kayo pupunta, paano naming malalaman ang daan?” Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”

Ang Mabuting Balita ng Panginoon.

PANALANGIN NG BAYAN

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

MAGNILAY TAYO!

Pagnilayan natin ang Salita ng Diyos, ang salitang nagbibigay buhay! Mahalaga ang ang pagbabahagi ng pagninilay upang mas maunawan pa natin ang mensahe ng ating Diyos para sa bawat isa sa atin.

{ 6 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste August 27, 2021 at 5:54 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez November 1, 2021 at 6:39 am

PAGNINILAY: Ang Buwan ng Nobyembre ay inilaan ng SImbahan upang gunitain ang mga mahal na yumaong sumakabilang-buhay. Subalit ngayong Ikalawang Araw ng buwang ito, naging katangi-tangi ang okayson sa Paggunita sa Lahat ng mga Pumanaw na Kristiyano, o mas kilala bilang Araw ng mga Kaluluwa. Matapos ipagdiwang ang Lahat ng mga Banal, ating inaalala ngayon ang lahat ng mga yumao at pumanaw mula sa daigdig na ito na may pananampalataya na hindi natatapos ang buhay sa Kamatayan, bagkus sa darating na buhay na walang hanggan.

Napakadaming mga Pagbasang maaring gamitin ng mga parokya na may kaugnayan sa pagdiriwang ngayon. Kaya maaring gamitin ang mga Pagbasang nakalagay sa itaas ng pahinang ito, o kaya ang iba pang pagbasang mahahanap sa Misa para sa mga Yumao. Gayunpaman, ang pinakaugat ng pagdiriwang ngayon ay tungkol sa ating paniniwala bilang mga Kristiyano hindi lang sa bagong buhay, kundi pati na rin sa pagkabuhay na mag-uli.

Hindi natatapos ang buhay sa kamatayan, kundi mayroon pag-asa ng bagong buhay hindi sa mundong ito, kundi sa kabilang banda, at iyan ay gagampanan sa pagkabuhay na mag-uli. Ayon nga sa ating Panginoong Hesukristo, ang mga mabubuti ay magkakaron ng walang hanggang buhay sa langit, at ang mga masasama naman ay magkakaroon ng walang hanggang buhay sa impiyerno. Kaya ang langit at impiyerno ay mga totoong realidad kung saan hahantong ang buhay ng tao batay sa kanyang mga gawain habang namumuhay pa. Subalit sa ating pananampalataya, naniniwala tayo na may mga taong hindi nakapagsisi sa iilang kasalanan, ngunit sila’y namuhay nang matapat. At iyan ang ating paniniwala sa Purgatoryo, na ang mga kaluluwang ito’y ating ipinapanalangin na makamtan nila ang langit balang araw sa patuloy na paglilinis.

Ang doktrina ng purgatoryo ay sinasabi raw ng ibang sekta na walang batayan sa Bibliya. Ngunit ang paglilinaw diyan ay ang salita mismo ay wala sa Banal na Kasulatan, subalit ang turo mismo ay nasa Bibliya, lalung-lalo sa 2 Macabeo 12:42-46 na kung saan niloob ng Diyos na magkaroon ng pagbabayad-puri sa mga buhay at mga patay upang sila’y mailigtas mula sa pagkakasala. Kaya mga kapatid, mahalaga na pahalagahan natin ang buhay na binigyan ng Diyos sa bawat isa. At nawa patuloy tayo sa paggawa ng tama at mabuti, lalung-lalo sa ating kapwa. Kung paano tayong nagpakita ng pagmamahal sa Diyos at sa kapwa, iyan ang magiging batayan ng pagkakamtan natin ng kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Nawa patuloy rin tayo sa ating pagsampalataya sa pagkabuhay na muli ng nangamatay ng tao at sa buhay na walang hanggang upang balang araw tayo rin kapag mamatay ay makakasigurado sa bagong buhay na inilaan sa atin ng Panginoon.

Reply

Edward C Ramirez November 2, 2021 at 6:47 am

Salamat sa diyos

Pinupuri ka namin panginoong hesukristo!!

Reply

Ferdy Baetiong Pariño November 2, 2021 at 10:23 am

Ang dahilan ng ibang tao kung kaya’t sila ay walang takot sa Diyos sa paggawa ng kasalanan ay pag namatay ang tao ay tapos na ang lahat. Mali. Sa kabilang buhay ay may naghihintay pa sa atin, ang isa ay ang impyerno, isang lugar na puro paghihirap ang dadanasin mo, matinding uhaw at gutom, nakapapasong init ng apoy at walang katapusang dalamhati. Ang isa nman ay Paraiso, isang lugar na napaliligirqn ng mga anghel, walang kagutuman at kalungkutan at buhay na walang hanggan kasama si Hesus.
May mga tao nmang hanggang ngayon ay hindi pa rin naniniwala dito, ang katwiran ay wala pa nmang taong nakapagpatunay na nakita na nya ang dalwang lugar na ito ng kabilang buhay. Kaya’t patuloy pa rin sa paggawa ng kasalanan. Pero ano naman ang kinahitnan ng paggawa nya ng kasalanan? Kalungkutan, walang peace of mind, karamdaman, pagkabilanggo o kamatayan. Nandirito pa lamang sya sa lupa ay dinanas na nya ang impyerno ng dahil sa kasamaan at walang takot sa Diyos.
Tayo lahat at lahat ng nakikita mo at nararamdaman ay gawa ng Diyos, anupa’t hindi ka maniwala at manalig sa kanya? Ng dahil ba ikaw ay yumaman kahit makasalanan ka? Ng dahil ba ikaw ay kumpleto kaya’t hindi mo sya kailangan? Ng dahil mayroon kang posisyon, kapangyarihan, sikat at malakas at malusog ay babastusin mo na at hindi iniibig ang Diyos at ang iyong kapwa? Tandaan mo kapatid ang lahat ng yan ay galing kay Hesus, anumang oras ay kaya nyang bawiin ang lahat ng iyan, sa isang iglap lamang ay kaya nyang baliktarin ang iyong katayuan ngayon.
Pero hindi pa huli ang lahat, simulan mo ngayon kapatid…. Magsisi sa lahat ng nagawang kasalanan at ihingi ng kaptawaran at magsimulang magsumikap na matalikuran na ang kasamaan. Naghihintay lamang ang ating Ama sa ngalan ni Hesus sa iyong pagbabalik.

Reply

Francisco Azupardo November 2, 2021 at 11:25 am

Salamat sa Diyos. Amen, Aleluya

Reply

Guendolyn Chiong November 2, 2021 at 10:45 pm

Salamat sa Diyos!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: