Linggo, Setyembre 5, 2021

September 5, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Ika-23 Linggo sa Karaniwang Panahon (Taon B)

Sa kabila ng mga biyayang dulot ng makabagong agham at teknolohiya, nakararanas pa rin tayo ng kakulangan at limitasyon sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Kailangan pa rin natin ang mapagligtas na pamamagitan ng Diyos sa ating buhay. Kaya manalangin tayo:

Panginoon, dinggin Mo kami!

Para sa mga Simbahang Katolika: Nawa magtagumpay siya sa pagtataguyod ng pangmatagalang kapayapaan at tapat na pakikipagkasundo sa mga bansa. Manalangin tayo!

Para sa mga pinanghihinaan ng loob at waring napapabayaan ng lahat: Nawa makatagpo sila ng malinaw na tanda ng pagkalinga ng Diyos. Manalangin tayo!

Para sa mga may kapansanang pisikal: Nawa makadama sila ng pagtanggap at pagmamahal sa kanilang mga kamag-anak at pasa- nin nila ang kanilang krus nang buong pananalig. Manalangin tayo!

Para sa mga binging espirituwal at moral: Nawa buksan ng biyaya ng Diyos ang kanilang mga kalooban sa pagtanggap ng mensahe ng Mabuting Balita at tumugon sila sa mga daing ng kanilang kapwa. Manalangin tayo!

Para sa mga piping espirituwal at moral: Nawa makatagpo sila kay Hesus ng lakas ng loob na magpahayag ng katotohanan, manindigan sa tama, at isumpa ang masama. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Manahimik saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Diyos, panghihinaan kami ng loob kung wala Ka, ngunit kung kasama Ka namin, may magagawa kaming mga kadakilaan. Pagalingin Mo kami ngayon sa aming mga pangamba, kahinaan, at kapintasan nang kami’y mabuhay sa Iyong presensiya nang may pinasiglang kalooban. Sa pamamagitan ni Kristong aming Panginoon.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 4 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 27, 2021 at 3:56 pm

PAGNINILAY: Ang Panginoon ay puno ng dakilang habag na tumutugon sa mga hinaing ng tao. Ngayong Linggo, ipinapakilala niya ang kanyang sarili bilang isang maawaing Diyos na may mga magandang kinabukasan sa kaligtasan ng sangkatuhan.

Ang Unang Pagbasa ay isang magandang pahayag mula kay Isaias tungkol sa mabubuting gawain ng Panginoong nagbibigay ng paningin sa mga bulag at tinig sa mga bingi. Itong propesiya ang tumutukoy sa misyon ni Hesukristo bilang Mesiyas na siya’y isinugo upang ipahayag ang Magandang Balita sa mga dukha at ipakita ang kagandahang-loob ng Diyos Ama sa mga nangangailangan.

Isang halimbawa nito ay ang Ebanghelyo ngayon tungkol sa pagpapagaling ni Hesus sa isang lalaking bingi at pipi. Itong lalaki ay nakatira sa rehiyong tinatawag na “Decalopis”o kaya “Mga Sampung Siyudad”. Ayon sa paniniwala ng mga Hudyo, mula sa kanilang lahi lamang magaganap ang lubos na kaligtasan mula sa Diyos. Ngunit ipinakita sa atin ni Hesus na ang kabutihan at kaligtasan ay bukas rin sa mga Hentil. Kaya nga nang iniutos niya sa lalaki na “Effata” o “Magbuksan”, hindi lang ito nakakarinig at nakakasalita. Ang mga taongbayan din na nakasaksi sa pangyayari ay tila nga ba’y nabuksan ang kanilang mga puso sa mabuting kababalaghang ipinamalas ni Hesus.

Makikita natin dito kung paano tayo’y inaalagan at tinutulungan ng Panginoon kahit sa mga panahon ng pagsubok. At sinasabi ni Apostol Santiago sa Ikalawang Pagbasa na ang Diyos ay hindi nagpapakita ng pagtatangi batay sa mga pisikal at emosyonal na anyo ng bawat mamamayan, kundi inaanyayahan niya na ang lahat ng uri ng tao ay magkasundo, maging mabuti sa isa’t isa, at maglingkod nang matapat sa kanya.

Minsan po ang ating mga tainga at bibig ay nakasarado sapagkat tingin natin sa ibang tao ay mas mababa, at itinuturing natin ang ating sarili bilang mas karapat-dapat. Kaya’t mahalaga ang “Effata” ni Kristo hindi lang sa mga may pisikal na problema, kundi pati na rin sa mga may espirituwal na suliranin na ipantay ang relasyon ng tao sa Diyos sa pamamagitan ng pagiging mabuting Kristiyano sa bawat mamamayan, na handang ituro ang tamang pamumuhay at gumawa ng mga mabubuting bagay.

Nawa’y sa ating buhay ay mas palaliman pa natin ang dakilang habag ng Panginoon sa pagpapakita ng awa at pag-ibig sa ibang tao.

Reply

Winnie Hipolito September 5, 2021 at 5:31 am

Marami hong salamat sa magandang reflection at dito po sa website ng awit papuri na tagalog ang Gospel reading. Mas lalo ko pong naintindihan ang mga readings at Gospel. God bless po at lalo po sanang madaming magtangkilik nito para ma spread at maintindihan ang Gospel truth. Purihin ang Diyos!

Reply

Ana Silverio September 5, 2021 at 6:41 am

Tunay na napaka buti ng Dios sa atin.Sa bawat pagkakataon ay naroon siya upang tayo ay gabyan at hindi nag tatangi ang lahat ay pantay pantay sa kanyang paningi.At nag bibigay ng pag asa ang kanyang mga salit. Tunay na wala tayong magagawa kung hiwalay tayo sa Diyos.Lalo na sa panahong ito ng pandemic hindi natin alam kung sino ang mayron dali ng viruz siya ang tunay nating mangagamot.
Pinupuri kita o Dios
At maraming salamat sa page na ito.

Reply

Ferdy Baetiong Parino September 5, 2021 at 11:03 am

Ang tema ng mga pagbasa ngayon ay ang pagpapagaling ni Hesus sa mga sakit na wala ng kagalingan o kapansanan na hindi kaya ninumang manggagamot, at isa’y tungkol nman sa pagtatangi.
Malamang sa ikalawang pagbasa ay guilty tayong lahat, yan ang ugali ng karamihan sa ating mga pinoy, nagtatangi tayo. Hindi pala kinalulugdan ng Diyos ang ganoong ugali, kaya nga’t sinabi din sa isang ebanghelyo ni Hesus na kapag may okasyon ka o papiging ay ang imbitahan mo ang mga mahihirap sa ganoong paraan ay hindi ka nila kayang suklian at ang Diyos sa langit ang mag gagantimpala sa iyo. Kung ikaw nman ay may bisitang mayaman at mahirap ay ibigay mo ang pantay na atensyon at pagturing sa kanila.

Sa ebanghelyo ngayon ay napapanahon, ngayong may pandemya ay marami ang pinanghihunaan ng loob, marami ang nagkakaroon ng depresyon at nakakalungkot dahil marami ang namamatay at hindi na maiburol, Pinaaalala ng Mabuting Balita na lakasan ninyo ang inyong loob at mas palakasin pa ang pananampalataya sa Diyos. Ang mga pinagaling ni Hesus ay masasabi ng imposible ng gumaling katulad ng pipi at bingi. Ngunit walang imposible sa Diyos, tandaan mo yan kapatid walang imposible kay Hesus basta’t manalig ka lamang at kaya nyang ibigay sayo ang imposibleng ito kung ikaw ay lubos na naniniwala at walang pangamba o agam agam. Mapagpalang Linggo sa inyo!

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: