Biyernes, Setyembre 3, 2021

September 3, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Ika-22 Linggo sa Karaniwang Panahon
Biyernes

Manalangin tayo sa Amang Diyos upang ilapit niya tayo sa kahalagahan ng Ebanghelyo para panibaguhin ang Simbahan at ang daigdig.

Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin.
o kaya
Panibaguhin mo kami, O Panginoon.

Ang Simbahan, ang Bayan ng Diyos at mga pinuno nito, nawa’y sundin ang pag-akay ng Espiritu Santo upang ipahayag sa mga tao ngayon ang walang-kupas na wika ng Ebanghelyo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang ating mga puso nawa’y ating buksan sa mapagligtas na kapangyarihan ng Diyos na higit na mahalaga kaysa mga panlabas na gawain ng pagpapakabanal, manalangin tayo sa Panginoon.

Atin nawang mapagtanto na laging mapangyayari ang himala ng pagbabago sa lahat ng humihingi ng tulong ni Kristo na makamtan ito, manalangin tayo sa Panginoon.

Sa mga maysakit, nawa’y maging daan tayo ng mapagpagaling na kamay ng pagmamalasakit ni Kristo sa pamamagitan ng pagbibigay natin ng pagmamahal at kalinga sa kanila, manalangin tayo sa Panginoon.

Ang mga yumao nawa’y makatagpo ng walang hanggang kapahingahan sa piling ni Kristo, manalangin tayo sa Panginoon.

Ama naming nasa Langit, dinggin mo ang aming mga panalangin at turuan mo kaming mamuhay bilang bagong bayan mo na pinalaya ng pag-ibig ni Jesu-Kristo naming Panginoon. Amen.

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 2 comments… read them below or add one }

Reynald Perez August 26, 2021 at 2:35 pm

PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang pasasalamat ni San Pablo sa pagpapatuloy ng kanyang awit dahil sa pagpapalang nakamtan natin mula sa Diyos Ama sa pamamagitan ng ating Panginoong Hesukristo, ang dakilang larawan ng Diyos, na kung saan ang lahat ay nilikha sa pamamagitan ng Anak. Kaya ang simula at kaganapan ng ating buhay ay mula kay Hesus dahil sa pag-aalay ng buhay sa Krus nang dumanak ang kanyang dugo para tayo ay mailigtas. Kaya dahil sa Misteryong Paskwal na ito, umaasa tayo na makakamit natin ang kaligayahan ng buhay na walang hanggan sa kalangitan.

Ang Ebanghelyo ngayon ay isang paalala tungkol sa pag-ibig ng Diyos. Tinatanong ng mga Pariseo at eskriba kung bakit hindi nag-aayuno si Hesus at ang kanyang mga Apostol, hindi katulad ng ginagawa ng mga alagad ni San Juan Bautista at ang alagad ng kanilang grupo. Bahagi ng rituwal ng mga Hudyo ang pag-aayuno bilang pagdadalamhati sa kanilang mga kasalanan. Subalit tugon ni Hesus ng isang larawan ng mga panauhin sa kasal na hindi sila mag-aayuno habang kasama nila ang Lalaking ikakasal. Subalit kung ang Lalaking ikakasal ay kukunin sa kanila, diyan na pwedeng mag-ayuno ang mga panauhin. Ito ay isang pagpapahayag ni Hesus ukol sa kanyang gawain bilang Mesiyas para sa kaligtasan ng sangkatauhan. Kailangan siyang dumadaan sa kanyang Pagpapakasakit, Pagkamatay, at Muling Pagkabuhay upang hindi na magkaroon ng kalungkutan, kundi ng kaligayahan na mayroong buhay na parating. At ito ang buhay na walang hanggan sa kalangitan na katulad sa isang kasalan. Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristiya ay ang paglasap ng walang hanggang kapistahan ng langit.

Gayundin ang kanyang parabula sa damit, alak, at sisidlang-balat. Hindi maaring ihalo ang mga luma sa mga bago. Kinakailangan lumipas ang luma upang magkaroon ng bago. Ganito ang nangyari sa kasaysayan ng kaligtasan, nang ialay ni Kristo ang kanyang buhay sa Krus upang gawin ganap ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan. Ang Bagong Tipan ay tanda ng muli’t-muling pagkakaisa ng Ama sa kanyang bayan sa pamamagitan ng kanyang Anak. Dahil sa ginawa ni Hesus na masunurin sa dakilang kalooban ng Diyos Ama, tayo ngayon ay minamarapat na makabahagi sa kanyang buhay. Kaya nawa’y ipahayag natin sa bawat nilalang ang pag-ibig ng Diyos at ipakita ito sa ating pagmamahal sa isa’t isa.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño September 3, 2021 at 9:25 am

Sa mga talinghaga ngayon sa ating ebnghelyo tungkol sa damit na itatagpi at sa sisidlan ng alak ay pinaaalalahanan tayo na hindi mo maaring ipilit ang mali. Sa buhay natin, lalo na kung na sa hustong edad na tayo ay marami tayong ginagawang mali na alam naman nating mali. Gumagawa tayo ng mga bagay na labag sa sampung utos ngunit alam na alam naman nating ito ay mali. Minsan naman ay nangangatwiran pa tayo na nagawa lamang natin ito gawa ng kagipitan o kaya nman ang excuse natin ay tayo ay tao lamang. Tao lamang na nadadarang at natutukso. Masarap ang bawal, oo, kaya mga yan ang laging inihahain sa atin ni satanas dahil alam nyang dyan nya tayo makukuha. Pero kapag pinilit mo ang mali or mas pinili mong gawin ang mali ay pagsisihan mo ito dahil siguradong hindi maganda ang mangyayari sa buhay mo o sa mga mahal mo sa buhay. Ang buhay mo ay magiging parang alak na papuputukin ang sisidlan at matatapon lang. Hindi madali ang sumunod sa kalooban ng Diyos pero kayang gawin, mahirap tahakin ang daan pero ang naghihintay nman sayo sa daan na yun ay ang tunay na kaigayahan na hindi panandalian lamang katulad ng kahalayan at katakawan sa laman o pag aari. Magkakaroon ka ng kapanatagan, peace of mind at kasiyahan ng puso kapag nagkaroon ka na ng relasyon kay Hesus, walang pangamba, walang takot, walang pagka uhaw at kagutuman. At pag natapos ang iyong buhay sa lupa, may paraiso pang naghihintay sayo kapiling si Hesus.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: