Linggo, Hulyo 18, 2021

July 18, 2021

PANALANGIN NG BAYAN
Patnubay sa Misa
Ika-16 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Lahat tayo’y kabilang sa kawan ni Kristo, at ilan sa atin ay kabahagi sa kanyang pamumuno. Ipanalangin natin ang lahat ng nahirang na magpastol sa kanilang mga kapatid.

Hesus, aming Mabuting Pastol, dinggin mo kami!

Para sa mga pinuno ng Simbahan: Nawa lagi silang maging tapat sa kanilang tungkuling itaguyod ang kapakanang espirituwal ng mga mananampalataya. Manalangin tayo!

Para sa ating mga pinunong pambayan: Nawa sila’y maging tapat at di-makasarili sa pagtupad sa kanilang tungkuling magtaguyod ng katarungan at kapayapaan sa bayan. Manalangin tayo!

Para sa lahat ng magulang, guro, at mga nanunungkulan: Nawa bigyang-pansin nila ang pangangailangan ng kanilang mga anak, estudyante, at mga pinamumunuan bilang mga kinatawan ng Diyos, ang Dakilang Pastol ng lahat. Manalangin tayo!

Para sa mga doktor, mga social worker, at lahat ng may pananagutan sa kapakanan ng kabataan, mahihina, at mga nangangailangan sa lipunan: Nawa magsumikap sila sa pagtupad sa kanilang tungkulin. Manalangin tayo!

Para sa mga maysakit at nasa bingit ng kamatayan: Nawa makatagpo sila sa mga pari, doktor, nars, at kamag-anak ng tunay na pagmamahal ng Dakilang Mabuting Pastol. Manalangin tayo!

Tahimik nating ipanalangin ang ating mga pansariling kahilingan. (Tumigil saglit.) Manalangin tayo!

Panginoong Hesus lingapin mo ng iyong pagmamahal ang mga pastol ng Simbahan, lalo na ang aming pamayanan. Pagpalain mo ang kanilang mga pagsisikap. Palakasin mo sila at gawin silang mapagbigay habang nagsisikap silang tumulad sa iyo ang aming mapagmahal na Mabuting Pastol na nabubuhay at naghahari magpakailanman.

Amen!

Pages: 1 2

Mga Pagbasa Kahapon
«
Mga Pagbasa Bukas
»

{ 3 comments… read them below or add one }

Mark Jefferson Criste May 19, 2021 at 8:25 am

Salamat sa Diyos!

Reply

Reynald Perez June 24, 2021 at 12:44 pm

PAGNINILAY: Sa bawat misyon ng bawat Kristiyano, may kakayahang tugunan ng isang tao ang tawag ng Panginoon upang ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos.

Ang ating Ebanghelyo ay nagsisilbing paalala kung paano tayo magiging matapat sa ating misyon. Pagkatapos nilang tuparin ang misyon ng pagpapakilala sa tao tungkol sa Paghahari ng Diyos (ang Ebanghelyo noong nakaraang Linggo), nakabalik ang 12 Apostol kay Hesus at ibinalita ang kanilang mga ginawa sa mga nayon at bayan ng Israel. Pagkatapos ay inutusan sila ni Hesus na magpahinga at pumunta sa isang ilang. Kaya’t namasdan sila ng napakaraming tao sa bangkang papunta sa lugar na iyan, at sinundan nila si Hesus at ang 12 Apostol. Makikita natin dito yung maawaing pagtingin ng Panginoon sa napakaraming tao na tila para silang mga tupa na walang pastol. At sila’y kanyang tinuruan at gumawa rin ng mga kababalaghan.

Ang mahalagang pagtuunan ng pansin ay ang tungkulin ng isang taong may misyon. Binabala ni Propetang Jeremias sa Unang Pagbasa ang mga bulaan at tiwaling pastol na sa labas ay nakikiakit, ngunit sa loob ay nagpapaligaw sa mga tupa ng Panginoon. Ganito ang paglalarawan sa mga iilang hari at prinsipe ng Israel at Juda na naghuhudyat ng pagkakasala ng mga tao ng mga bansang iyon. At sa ating kasalukuyang konteksto, may mga itinuring mga pastol na hindi inaalagaan ang mga kawang kanilang ipinamamahala. Kaya tayo’y tinawag ng Diyos na bilang kanyang kawan na nakikinig sa tinig ng kanyang Anak, tayo’y maging mga pastol upang tugunan ang mga pisikal at espirituwal na pangangailangan ng mga tao.

At ayon kay San Pablo sa Ikalawang Pagbasa, tayo’y maging mga saksi para sa kapayapaang ipinapagkaloob sa atin ng Panginoon: ang kapayapaang pinagkasundo ni Kristo dahil sa kanyang Pagkamatay sa Krus at Muling Pagkabuhay. At katulad ni Hesus, nawa’y mahabag tayo at magmalasakit na ipahayag ang Mabuting Balita tungkol sa Paghahari ng Diyos na dulot ay pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan.

Sa huli, huwag nating kalimutan ang “ilang” na kung saan pahalagahan natin ang buhay-panalangin upang idulog natin sa Panginoon na sa kabila ng lahat na nangyayari at mangyayari, matutupad pa rin natin ang kanyang dakilang kalooban.

Reply

Ferdy Baetiong Pariño July 18, 2021 at 9:31 am

Ang mabuting Pastol, paano natin tutularan si Hesus sa pangkasalukuyang panahon? Umpisahan mo ito sa loob ng iyong tahanan, maging mabuting halimbawa tayo sa asawa at sa mga anak, pasanin natin ang krus sa mga darating na problema at pagsubok, Sa labas ng ating tahanan ay ang mga kapwa natin na nangangailangan ng tulong, maglingkod tayo katulad ng mabuting pastol. Sinabi sa unang pagbasa na ang pangalawang itatawag natin sa Diyos at “Panginoon na matuwid. Sikapin nating matularan si Hesus sa pgihing matuwid. Ang daan ay two way, kailangan lamang nating maimilli kung dadaan tayo sa baluktot na daan na puro kasarapan sa buhay subalit puro pagsisis ang ating mararamdaman dahil sa parusang matatano galing sa langit. O ang matuwid na daan na masikip at maraming kapighatian pero pagdating sa dulo ay puro katarungan, kapayapaan, pag ibig, at wagas na kaligayahan.

Reply

Leave a Comment



Previous post:

Next post: