Podcast: Download (Duration: 5:53 — 4.2MB)
Sabado ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
Exodo 12, 37-42
Salmo 135, 1 at 23-24. 10-12. 13-15
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Mateo 12, 14-21
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Saturday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of the Blessed Virgin Mary on Saturday (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 12, 37-42
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, naglakbay ang mga Israelita patungong Sucot; humigit-kumulang sa animnaraang libo ang mga lalaki bukod pa sa mga babae at mga bata. Maraming hindi Israelita ang sumama sa kanila; marami silang dalang tupa, kambing at baka. At niluto nila ang dala nilang gagawing tinapay na wala pang lebadura. Hindi nila ito nakuhang lagyan ng lebadura sapagkat apurahan ang kanilang pag-alis sa Egipto; wala na silang panahong magluto ng pagkain.
Ang mga Israelita ay nanirahan sa Egipto nang apatnaraa’t tatlumpung taon. Huling araw ng ikaapatnaraa’t talumpung taon nang umalis sa Egipto ang mga hukbo ng Panginoon. Nang magdamag na yaon sila iniligtas ng Panginoon at inilabas sa Egipto, kaya ang magdamag na yaon ay itinalaga nila sa pag-aalaala sa pagliligtas sa kanila ng Panginoon. Ang pag-aalaalang yaon ay patuloy nilang gagawin habang panahon.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 135, 1 at 23-24. 10-12. 13-15
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
o kaya: Aleluya.
O pasalamatan ang Panginoong Diyos pagkat s’ya’y mabuti,
ang kanyang pag-ibig ay pangwalang-hanggan at mananatili.
Nang tayo’y malupig ng mga kaaway, di niya nilimot,
ang kanyang pag-ibig ay mananatili at di matatapos.
Nang tayo’y masakop ng mga kaaway, pinalaya tayo,
ang kanyang pag-ibig ay mananatili, hindi magbabago.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Ang mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay,
ang kanyang pag-ibig ay di kumukupas at pangwalang-hanggan.
Ang nasa Egiptong mga Israelita, siya ang naglabas,
ang kanyang pag-ibig ay mananatili at hindi kukupas.
Ang ginamit niya’y mga kamay niyang makapangyarihan,
ginawa n’ya ito pagkat ang pag-ibig niya’y walang hanggan.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
Ang Dagat ng Tambo ay kanyang hinati, at natuyong tunay,
ang kanyang pag-ibig ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan,
ang pag-ibig niya ay hindi kukupas at pangwalang-hanggan.
Ang hari’t Faraon at ang hukbo nito ay kanyang nilunod,
ang pag-ibig niya ay pangwalang-hanggan, hidi matatapos.
Ang pag-ibig ng Maykapal
ay tunay na walang hanggan.
ALELUYA
2 Corinto 5, 19
Aleluya! Aleluya!
Pinagkasundo ni Kristo
ang Diyos at mga tao;
kaya’t napatawad tayo.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 12, 14-21
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, umalis ang mga Pariseo at nag-usap-usap kung paano ipapapatay si Hesus.
Alam ito ni Hesus kaya’t umalis siya roon. Maraming sumunod sa kanya at pinagaling niya ang lahat ng maysakit, ngunit mahigpit niyang ipinagbilin sa kanila na huwag ipamamalita ang tungkol sa kanya. Nangyari ito upang matupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
“Naririto ang lingkod ko na ako rin ang humirang,
minamahal ko nang labis, lubos kong kinalulugdan;
ang banal kong Espiritu sa kanya ay ibibigay,
sa lahat ng mga bansa ibabadha’y katarungan.
Hindi siya makikipagtalo, mahinahon kung mangusap,
ang tinig niya sa lansanga’y tinig lamang na paanas;
hindi niya puputulin yaong tambong nakahapay,
ni hindi rin papatayin ang umaandap na ilawan,
hanggang itong katarunga’y mapagtagumpay niyang ganap;
at ang pag-asa ng tao sa kanya ay ilalagak.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Huwebes, Hulyo 15, 2021
Martes, Hulyo 20, 2021 »
{ 2 comments… read them below or add one }
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang paglaya ng mga Israelita matapos ang 430 na paninirahan sa Egipto, na ang masaklap ay naging alipin sila ng Faraon at ng mga Egipcio. Naghanda sila ng mga pagkain, ngunit hindi ito sapat dahil sa agad na paglikas nila. Sinasabi sa pagbasa na ito ang bisperas na gabi ng kanilang pagliligtas. Sinasabi rin na sa araw ay sinusundan nila ang haligi ng alapaap, at sa gabi ay sinusundan nila ang haligi ng apoy. Ito’y patunay na gumagabay ang Panginoong Diyos sa kanila, na nangunguna pa sa kanila upang gabayan sila patuloy sa ipinangakong lupaing bumubukal ng gatas at pulot.
Ang Ebanghelyo ngayon ay tungkol sa misyon ni Hesus sa daigdig. Matapos niyang pagalingin ang isang lalaking may lumpo sa kamay, gumawa pa siya ng maraming kababalaghan at itinuloy ang pangangaral ng Mabuting Balita ng Paghahari ng Diyos. Bagamat siya ay kilala ng maraming tao, ang mga Pariseo at eskriba naman ay inggit sa kanya. Dahil hindi niya pinagsabihan ang mga Apostol na nagpipitas sa Araw ng Pamamahinga, at dahil pinanggaling niya ang lalaking may lumpo sa kamay, nakipagsabwat sila sa mga tagasunod ni Haring Herodes upang iplano ang kanilang balak laban kay Hesus. Sa kabila ng mga ganitong banta sa buhay at misyon ng ating Panginoon, hindi siya tumigil sa kanyang gawain bilang Mesiyas, ang Anak ng Diyos.
Ang mahalaga kay Hesus ay ang kanyang pagtalima sa kalooban ng Ama, na siyang nagsisilbing inspirasyon sa kanyang tungkulin bilang ang Kristo. At alam din niya na dahil sa kanyang pagsunod ay inialay niya ang kanyang buhay upang itupad ang plano ng Ama para sa ating kaligtasan. Kaya magandang aral itong buhay ng ating Panginoong Hesukristo bilang Mesiyas hindi dahil sa karangalan ng titulo, kundi sa kabutihang-loob mayroon siya para sa bawat tao. Kaya ang misyon niya noong siya’y namumuhay dito sa lupa ay ang ating misyon din para sa ikaluluwalhati ng Diyos.
Napakaraming away, suntukan, saksakan, nagkabarilan o pqgpatay ng dahil lamang sa simpleng alitan nanauuwi sa mas malalang sitwasyon. Isang halimbawa na rito ay ang away kalye o road rage na tinatawag na pwede nmang hindi mangyari kung ang isa o parehas na involved ay maayos makipag usap. Sa inuman ay madalas din itong mangyari. Sa mga hindi pagkakaunawaan sa mgakakapitbahay na pwede namang pag usapan ng maayos subalit matatapang at masasakit ang mga palitan ng salita na nauuwi sa habang buhay na away. Ganuon din sa loob ng tahanan sa magkakapatid, kapag nagtalo na ay lumalabas ang masasakit na salita na tumatanim sa kapatid at nag iiwan ng sugat na pang habang buhay. Lahat ng mangyari na nakakagalit sa kapwa tao ay pwede maiba ang resulta kung ang isa or both na mag uusao ng walang galit, murahan o pagtatalo. Tularan natin si Hesus na hindi nakikipagtalo at mahinahon makipag usap. Gaganda ang resulta at hindi natin pagsisisihan sa huli. Maiisip natin na kung naging mahinahon tayo ay hindi ka sana: nawalan ng kaibigan, ng kapatid, ng magulang, hindi ka napatay, hindi ka nabilanggo, namumuhay ka sana ng masaya at payapa, buo sana ang pamilya, may asawa at anak ka pa sana, may trabaho ka pa sana, buhay ka pa sana kasama ang pamilya at presensya ni Hesus.