Podcast: Download (Duration: 7:43 — 5.5MB)
Martes ng Ika-15 Linggo sa Karaniwang Panahon (I)
o kaya Paggunita kay San Enrico
Exodo 2, 1-15a
Salmo 68, 3. 14. 30-31. 33-34
Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.
Mateo 11, 20-24
Subscribe to Awit at Papuri Communications YouTube Channel
Tuesday of the Fifteenth Week in Ordinary Time (Green)
or Optional Memorial of St. Henry, King (White)
UNANG PAGBASA
Exodo 2, 1-15a
Pagbasa mula sa aklat ng Exodo
Noong mga araw na iyon, may mag-asawang buhat sa lipi ni Levi na nagkaanak ng lalaki. Napakaganda ng bata kaya’t tatlong buwang itinago ng ina. Nang hindi na ito maaaring itago pa, kumuha siya ng isang basket na yari sa tangkay ng tambo at pinahiran ng alkitran. Pagkatapos, isinilid niya rito ang bata at inilagay sa talahiban sa gilid ng ilog. Ang ate naman ng bata ay lumagay sa di kalayuan upang tingnan kung ano ang mangyayari.
Maliligo noon sa ilog ang anak na babae ng Faraon. Natanaw niya ang basket kaya’t ito’y ipinakuha sa kanyang katulong na naglalakad-lakad naman sa tabing ilog. Nang maiabot sa kanya ang basket, inalis niya ang takip nito at nakita ang batang umiiyak. Naawa siya at kanyang nasabi, “Ito’y anak ng isang Hebrea.”
Ang kapatid naman ng bata ay lumapit sa prinsesa at kanyang sinabi, “Kung ibig po ninyo, ihahanap ko kayo ng isang Hebreang mag-aalaga sa batang iyan.”
“Sige, ihanap mo ako,” sagot ng prinsesa.
Umalis ang batang babae at tinawag ang kanyang ina. Nang dumating ito, sinabi ng prinsesa, “Alagaan mo ang batang ito at uupahan kita.” Kinuha ng ina ang bata at inalagaan. Nang malaki na ang bata, dinala siya ng kanyang ina sa prinsesa, at siya’y itinuring na anak nito. Sinabi niya, “Napulot ko siya sa tubig, kaya Moises ang ipapangalan ko sa kanya.”
Nang binata na si Moises, dinalaw niya ang kanyang mga kababayan at nakita ang hirap na tinitiis ng mga ito dahil sa mabibigat na gawain. Nakita pa niyang sinasaktan ng isang Egipcio ang isang Hebreo. Luminga-linga siya. Nang walang makitang tao, pinatay niya ang Egipcio at ibinaon sa buhangin. Nagbalik siya kinabukasan at may nakita siyang dalawang Hebreong nag-aaway. Tinanong niya ang may kasalanan, “Bakit mo sinasaktan ang kapwa mo Hebreo?”
“Sino ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihang mangasiwa at humatol sa amin? Papatayin mo rin ba ako, tulad ng ginawa mo sa Egipcio?” ganting tanong nito sa kanya. Natakot si Moises nang marinig niya ito at noon niya nalaman na may nakakita pala sa ginawa niya sa Egipcio. Nakarating ang balita kay Faraon kaya ibig niyang ipapatay si Moises, ngunit ito’y nakatakas at nakarating sa Madian.
Ang Salita ng Diyos.
SALMONG TUGUNAN
Salmo 68, 3. 14. 30-31. 33-34
Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.
Lumulubog ako sa burak at putik,
at sa malaking along nagngangalit.
Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.
At sa ganang akin, ako’y dadalangin
sa iyo, O Poon, sana’y iyong dinggin
sa mga panahon na iyong ibigin;
dahil sa dakilang pag-ibig sa akin,
ang iyong pangakong pagtubos ay sundin.
Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.
Naghihirap ako’t mahapdi ang sugat,
O Diyos, itayo mo, ako ay iligtas.
Pupurihin ang diyos, aking aawitan,
dadakilain ko’t pasasalamatan.
Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.
Kung makita ito niyong mga dukha,
sila ay sasamba sa laki ng tuwa.
Dinirinig ng Diyos ang may kailangan,
Lingkod na bilanggo’y di nalilimutan.
Dumulog tayo sa Diyos
upang mabuhay nang lubos.
ALELUYA
Salmo 94, 8ab
Aleluya! Aleluya!
Dinggin ninyong lahat ngayon
ang tinig ng Panginoon
sa loob na mahinahon.
Aleluya! Aleluya!
MABUTING BALITA
Mateo 11, 20-24
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo
Noong panahong iyon, sinumbatan ni Hesus ang mga bayang ginawan niya ng maraming kababalaghan sapagkat hindi sila nagsisi’t tumalikod sa kanilang mga kasalanan. “Kawawa ka, Corazin! Kawawa ka, Betsaida! Sapagkat kung sa Tiro at Sidon ginawa ang mga kababalaghang ginawa sa inyo, malaon na sanang nagdaramit ng sako at nauupo sa abo ang mga tagaroon upang ipakilalang sila’y nagsisisi. Ngunit sinasabi ko sa inyo: sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang sasapitin ninyo kaysa sasapitin ng mga taga-Tiro at taga-Sidon. At ikaw, Capernaum, ibig mong mataas hanggang sa langit? Ibabagsak ka sa Hades! Sapagkat kung sa Sodoma ginawa ang mga kababalaghang ginawa rito sa inyo, sana’y nanatili pa ito hanggang ngayon. Ngunit sinasabi ko sa inyo, sa Araw ng Paghuhukom ay higit na mabigat ang ipaparusa sa inyo kaysa dinanas ng Sodoma.”
Ang Mabuting Balita ng Panginoon.
Pages: 1 2
« Lunes, Hulyo 12, 2021
Miyerkules, Hulyo 14, 2021 »
{ 3 comments… read them below or add one }
Salamat sa Diyos!
PAGNINILAY: Ang Unang Pagbasa ay ang patuloy na kwento ng pagdurusa ng mga Israelita sa mga malulupit na kamay nina Faraon at ng mga Egipcio. Naglabas ng utos ang Faraon na ang bawat isinilang na Hebreo ay dapat patayin. Kaya nang manganak si Yocheved ng isang Hebreong sanggol na lalaki, inilagay ang bata sa isang bakol. At pinalutang ito sa Ilog Nile. Sinasabi ang bakol ay yari sa papirus, na isa sa mga materyal na ayaw ng mga buwaya. At ang nakatagpo sa bakol na ito ay ang prinsesa ng Egipto, na anak ni Faraon. Nang makita niya ang sanggol sa loob, nagpasiya siya na palakihin ang bata bilang prinsipie ng Egipto, at nag-alok si Miriam na pangalagaan ni Yocheved ang batang isinilang nito. Ang bata ay tinawag na Moises, sapagkat binunot siya mula sa tubig.
Nakita natin ang paglaki ni Moises, at siya ay inatasang magbantay sa mga Hebreong alipin. At imbis na pagmalupitan sila, dahil siya rin ay isang Hebreo, nag-utos siya sa mga Egipcio na huwag silang saktan o pahirapan masyado. Kaya nang makita niya ang isang bantay ng Egipto na pinaglalatigo ang isang Hebreo, pinatigil niya ito, subalit hindi sinadyang patayin ang guwardiya. At nang makita niya ang pag-aaway ng dalawang Hebreo, pinatigil niya ang away at pinagsabihan ang dalawang lalaki. Subalit ang isa ay sumagot kung papatayin ba sila ni Moises, katulad nang pagpatay niya sa guwardiya ng Egipto. Natuntunan ni Faraon ang balitang ito, at tinangkang patayin si Moises. Ngunit si Moises ay nagsilikas at nagpunta sa disyerto ng Madian. Ang unang yugto ng buhay ni Moises ang siyang magpapatungo sa kanyang misyon na itinakda ng Diyos upang iligtas ang mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Egipto. Katulad ng pagpulot sa kanya sa ilog, ganun rin ang nakatakdang tungkulin sa kanya ng Panginoon upang gabayan ang tao mula sa pagkaalipin sa Egipto patungo sa Lupang ipinangako sa mga patriarkiya, ang lupang bumubukal ng gatas at pulot.
Ang ating Ebanghelyo ay isang hinanakit ng ating Panginoong tungkol sa mga bayang hindi tinatalikuran ang kanilang mga kasalanan. Sinumbatan niya ang mga bayan ng Corazin at Betsaida sapagkat narinig nila ang mensahe niya, ngunit hindi ito’y pinanindiggan nang mabuti. Sinumbatan din niya ang kanyang itinuring na tahanan, ang Capernaum, sapagkat ito’y pilit na nagmamataas para sa sariling kapakapanan. Tila nga ba nakaktakot ang babala ni Hesus na mabigat na parusa ang haharapin ng mga bayan na ito sa Araw na Paghuhukom. Makikita natin dito yung awa at habag ng Panginoon na pagbigyan ng pagkakataon ang mga bayan ng Corazin, Betsaida, at Capernaum na sundin ang mga utos ng Panginoon. Sabi nga dun sa ating Aleluya Verse: “Dinggin ninyong lahat ngayon ang tinig ng Panginoon sa loob na mahinahon” (Salmo 94:8). Mahalaga rin dito na ang konsepto ng isang lipunan ay dapat nakikinabang sa tinatawag na “common good” ng lahat ng mga mamamayan. Ang paggawa ng mabuti sa kapwa at sa ibang tao ay ganyan din ang ginagawa natin kay Kristo.
Kung ang ating bayan ay paninindigan ang katotohanan at kabutihan, tunay na pagpapalain tayo ng Panginoon habambuhay. Habang tayo’y namumuhay dito sa lupa, kailangan natin dinggin ang kanyang mga mensahe at isabuhay ang mga ito nang sa gayon ang ibang tao rin ay gagawa ng mabubuting bagay para sa ikararangal ng ating Poong Maykapal.
Tingnan mo ang iyong paligid, lubhang mapalad ka kumpara sa iba, napakaraming biyaya ang ininigay sayo ng Diyos kumpara sa iba. Kung ay may bahay natutuluyan, nakakain ng masarap at higit sa isang beses isang araw. May asawa at mga anak, may hanapbuhay. Ikaw ay mapalad at ipongakaloob sayo ito ni Hesus. Ano nman ang iginanti mo? Kung ikaw ay hindi magsisi sa iyong kasalanan at hindi tumalikod sa pagawa ng masama, kawawa ka sabi ni Hesus. Lahat ay pwede nyang bawiin sa isang iglap lamang kapag ninais nya. Sinabi rin sa ebanghelyo na wag kang maghangad na maging mataas dahil malalim ang iyong kababagsakan. Humility. Magpakababa tayo, isapuso ang salita ni Hesus na ang nagmamakataas ay ibinaba at ang nagmamakababa ay itinataas.
Magsisi sa kasalanan
Talikuran ang kasamaan
At Magpakababa
Yan ang mensahe ng Mabuting Balita.